Tayo't Bago
- May 19
- 2 min read

“Sugatan man ang bayan…” ani ni Crisostomo
Sabay sa haplos ng luha ang bigla niyang paghinto
Kumikiskis sa kataga ng sulatang bughaw
Habang sumisinghap sa yakap ang bigat ng tahimik na batingaw
Tusok sa mata ang inaapuhap na ginto
Tila yaman sa bulsa ang impostorang tanso
Halimuyak ng pabango’y hinahanap ni Crisostomo
Gayong miktataghay na ang tinta sa bawat artikulo
Asul na papel ang barya ng panandaliang kaingayan
Pero pisong pilak ang halaga ng permanenteng katahimikan
Kaya riin ni Crisostomo, “Kahirapan ay isang kalayaan,”
“... tahimik ang hirap sa yamang galing sa bayan.”
Ulila sa kapayapaan ang lipunang malaya
Malaya ang galaw ngunit nakakulong sa sariling sistema
Dinakip sa preso ng isinilang na soberanya
Na siyang naging unang biktima ng kanyang sanggol sa tiranya
Umuungol na ang iyak ni Crisostomo,
Hinahanap ang labi ni Basilio
Nasaan nga ba ang boses ng masa?
Hinayaan na lang ba maitali sa maruming tanikala?
Kaso may liwanag pa sa puso ni Crisostomo
Panatag pa kahit duguan na ang bayan
Hiling na hindi na muling susuko
Sa nagkakaisang kurapsyon at karahasan
Iba naman ang magkaisa,
Dahil hindi naman tayo nagkakaiba
Pagmamahal sa sugatang bayan ang sandata sa mga tuso
Hindi ang umuupong lumpo sa pampublikong serbisyo
Dahil ang bayan ay iisa lang ang puso,
Sa tuwing tumatama ang pana ng pagtataksil, lumiliksi ang kati ng mikrobyo
“Sugatan man ang bayan…” ani ni Crisostomo
Sabay sa halik ng luha ang bigla niyang paghinto sa hinagpis
Kumikiskis sa kataga ng sulatang tumatango
Dahil muling tataas ang bandila ng mga bagwis
Yakapin at halikan ang watawat ng ating sinta dahil—
“... may mga kathang patuloy na lilipad tungo sa laya.”
Isinulat ni Brianne Jhayvee Vallejos



Comments