top of page

Lason Ang Pagpapakatotoo Sa Lipunang Hindi Alam Ang Pagpapakatao

  • Jun 28
  • 2 min read

Kung para sa mga kababayan nating taga Bacolod and Masskara Festival ay sa buwan pa ng Oktubre ipinagdiriwang—ibahin ninyo ang para sa mga miyembro ng LGBTQIA+, hindi na kailangan pa na maghintay ng buwan ng Oktubre at maglakbay upang makilahok sa taunang pagdiriwang na ito. Dahil para sa kanila, ang pagsusuot ng huwad na ngiti ay magsisilbing kalasag laban sa mga bala ng diskriminasyon.


Tila isang peste na pinupuksa gamit ang mga makalasong salita.


Hindi lamang sa tipikal na likido pumapangatawan ang mga tinatawag na lasong pamuksa, kundi pati na rin sa salita ng lipunang kulang sa wika ng pagtanggap at pag-unawa. Mga salitang walang ibang hangarin kundi ang lasunin ang tunay na diwa ng damdamin. Dahil dito, pinapatunayan na hindi lamang ang sakit sa kalusugan ang matatawag na kanser sa ating lipunan, kundi pati na rin ang kawalan ng mamamayang makiramdam. Bagamat hindi nito kayang makalagot ng hininga—ang tunay na pagkilala sa sarili naman ng isang indibidwal ang patuloy nitong pinapatay at itinutulak sa madidilim na sulok ng buhay. Sapagkat sa anumang lawak ng lipunang ating ginagalawan, nabuo na sa isipan ng mga mamamayan na walang kahit na katiting na puwang para sa bahaghari kulay. 


Walang talim, ngunit kayang mapadugo ang damdamin ng pagkilala.


Sa mga sugat na hindi nakikita sa pisikal na pangangatawan, nakatago ito sa ilalim ng kanilang mga mapagpanggap na maskara. Daig pa ang ginilitan dahil sa pilit na pagpapatahimik sa mga boses na ang tingin ay walang kuwentang pakinggan. At sa bawat sigaw na kailangang  kimkimin, dagdag bigat lamang ito sa mga emosyonal na pasanin na matagal na nilang binibitbit. Hanggang sa patuloy na nananaig ang makamandag na wika ng lipunan, ang bawat hakbang sa katotohanan ng usaping identidad ay mananatiling kuwento ng paglalakbay patungo sa sariling bitay. 


Para sa lipunan na nabuhay sa paniniwalang mayroon lamang dalawang pagkakakilanlan na nilikha sa mundong ibabaw—paano at saan nga ba maaaring lumugar ang mga taong pilit na itinatago at nagtatago sa likod ng pagpapanggap mula sa pagpapakatotoo?


Isinulat ni Shayne Cuaresma


Comments


bottom of page