masaya akong dadalo sa búrol mo
- Jun 28
- 2 min read

tuwina at hindi maiiwasan ang pagbabago. gigising ka isang umaga na kaiba na sa kung sino ka kahapon. babaguhin ka ng bawat pagdaraanan mo—maaaring hindi mo mamalayan o 'di kaya'y sarili mong kagustuhan. at sa bawat pagkakataong nagbabago ka, may bahagi ng dating ikaw na tuluyang namamaalam.
ako, pumipintig ang puso ko sa sariling prinsipyo: mabuhay ka nang paulit-ulit—sumibol, yumabong, umiral. at kapag pansamantala ka nang kontento, manatili. isa itong siklo ng buhay na sagisag ng walang patid at walang sukat na pag-unlad. at sa bawat yugto nito, may lumang katauhang kailangang lisanin upang bigyang-daan ang susunod.
sabi nila, kaakibat ng pangmatagalang pag-ibig ang masaksihan ang libo-libong búrol ng nagdaang katauhan ng iniibig. kalakip din nito ang lakas ng loob na tanggapin ang magiging sila—kahit pa dumating ang panahong hindi mo na sila makilala.
kaya ikaw, iniibig kita. at dadaluhan ko nang masaya ang bawat búrol mo. dahil ang katumbas nito ay hindi lamang pag-unlad, kundi pati na rin ang paglaya.
ang búrol mong natatangi sa lahat, sapagkat dito mo aalpasan ang tanikala ng pagkataong “ikaw” ngunit hindi pa ganap. sa búrol na hindi mapuputing bulaklak ang makikita, kundi lahat ng kulay ng bulaklak na mayroon ang daigdig. mga bulaklak na pinamukadkad ng luha ng iyong paghihintay, pagtitiis, at pagkukunwari.
ang búrol mong taliwas sa rito ng habambuhay na paghimlay. sapagkat dito, hindi mo ikukubli ang tunay na ikaw sa apat na sulok ng masikip at madilim na kahon. sa halip, lalabas ka. tila pagbukas ng bintanang matagal na ipinako ng unos; sa wakas, maaabot ka na ng araw, mahahaplos ka na ng hangin, at masasalubong ka na ng bahagharing noon ay sa malayo mo lamang pinagmamasdan.
kaya hihintayin ko ang búrol mo nang walang pag-aalala. hihintayin ko ang yugto kung saan wala nang kailangang itago, wala nang sariling pipigilin, at wala nang kilos na may pag-aalinlangan. ang muli mong pagsilang na hindi na lamang ikaw ang tumatanggap at nagmamahal sa sarili mo.
hindi ka maiiwasang matangay ng takot at pagdududa. bahagi rin iyon ng proseso ng paglalantad sa sarili. may mga araw na pipiliin ng takot na mauna kaysa tapang, ngunit hindi nito mababawi ang katotohanang patungo ka na roon.
sa takdang panahon, ibuburol din ang dati mong pagkatao. at habang wala pa, mananatili akong nananabik sa pagdating niyon.
kasama mo ako sa pagkitil ng lumang bersiyon mo. walang pagmamadali, walang pamimilit—magsabi ka lamang kapag handa ka na.
dahil ang bahaghari ay hindi sumusulpot anumang oras. kailangan muna nitong magdaan sa ulan. at bagaman panandalian lamang itong namamalagi sa kalangitan, ang bahagharing nasa puso mo ay panghabambuhay.
hihintayin kong magningning ang bahaghari mo.
hihintayin ko ang pagwagayway ng bandilang matagal mong itinago sa nakataas na kamao.
at kapag dumating ang araw na iyon, hindi ako makikiramay.
sapagkat wala namang namatay.
ngunit sa wakas, isinilang ka nang muli.
Isinulat ni Sherwin Bruzon



Comments