top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Kupas na Pangarap

  • May 19
  • 1 min read

Paghihirap, matatapos pa ba

kung ang mataas ay ’di magpapakumbaba?

Iniisip ang sariling kapakanan,

habang ang mahihirap ay tinatapak-tapakan.


Tungkuling maghalal ng mas nararapat,

ngunit nagpasilaw sa perang madungis at kupas.

Perang kahit kailan man ay ’di sasapat,

tayo ang lugi, korapsiyon ay dadami’t dadagundong sa balat.


Tila ba’y nakalimutan ang pangako,

may pangako, ngunit ito’y napapako.

Pilipinas, paano makakaahon?

Kailan magbabago ang ating panahon?


Hindi ba’t ang bansa ay hitik sa yaman?

Hindi ba’t tayo’y perlas ng silanganan?

Ngunit bakit ‘di tayo ang nakikinabang,

habang ang kaban ng bayan ay tahimik na ninanakaw?


Nasaan na ang pagsulong at pag-unlad?

Nasaan ang mabuting kinabukasan?

Kung ang karapatan ay para lamang sa mayaman,

ang mahihirap ay laging maiiwan.


Ngunit sa bawat kupas na pangarap,

may tinig pa ring nagkakabagwis.


Minsan na tayong nangarap ng mabuti,

minsan na rin tayong sinubok ng pighati.

Tayo ba’y mananatili sa pagkupas,

o kikilos upang muling sumikat ang liwanag?


Isinulat ni Louwie Mantilla

Comments


bottom of page