top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Sarswalang Kwenta

  • May 19
  • 1 min read

Sa hilaga’y may lumang entablado, may bagong palabas,

Binihisan mga kalahok, mas matamis ang bigkas.

Ngiti’t ngiwi’y sagad-saring walang wakas,

Pangako’y patag ilatag, kunwari’y makinis na landas.


Sa hilaga’y may lumang entablado, iyon pa rin ang palabas,

Karakter na laos, bida’t sanay humudas.

Bubusala’ tatabunan, bawat saksi, bawat butas,

Nang ang tagong baho’y hindi bumitaw, tumagas.


Sa hilaga’y sira ang entablado, nabaon na ang bakas,

Kaguluha’t karahasan, padalas nang padalas.

Plakang gasgas ang tugtog, laging pilit ang lunas,

Habang ang buwaya’y gising—gutom—walang habas.


Ngunit ang entablado’y hindi lamang sa kanila,

May mga aninong sa dilim ay nagsisimulang kumawala.

Bawat sikmurang kumakalam, sa bawat duguang kalsada,

Ay hindi naisusulat sa kanilang nakakadiring katha’t kanta.


Hindi habambuhay, ang bayan ay tatanghod,

Sa sarswela ng mga ganid at sakim manonood.

Darating ang sandaling ang tabing ay tuluyang mahahawi,

At ang mga nakatali’y babangon at babawi.


Sapagkat ang bagwis ng katotohanan ay hindi kayang ikulong,

Sa bulok na entablado ng mga mapang-api’t gunggong.

Lilipad ang sigaw, pag-asa’y aalingawngaw,

Hanggang kalayaan ng bansa’y tuluyan nang sumilay, lumitaw.


Isinulat ni Dan Mar Natalio

Comments


bottom of page