Sa Ilalim ng Kulang na Langit
- 6 days ago
- 2 min read

Sa panahong ang pagbabago ay sambit ng bawat labi,
tila hanging ligaw na dumaraan, nararamdaman ngunit ‘di ganap na dumadampi,
sapagkat ang bayan ay sabik sa pag-angat at pagbangon,
ngunit ang tugon ng pamamahala’y tila mabagal, malayo sa alon ng pag-ahon,
kaya ang pag-asa’y nauuwi sa paghihintay na paulit-ulit at nakakapagod na panahon.
Sa bawat sulok ng komunidad, ang kakapusan ay hindi na bago,
parang bisitang palaging dumarating kahit hindi inaanyayahan ng tao,
kapwa Pilipino, sa gitna ng gutom at pangangailangan,
ay parehong nagiging magkalaban sa iisang kakarampot na ginhawa,
dahil ang sistema’y hindi sapat ang saklaw para sa sabay-sabay na pag-asa.
Ang ayuda ay dumadating na parang saglit na liwanag sa gitna ng dilim,
sandaling init sa kamay na agad ding nanlalamig sa pag-ihip ng hangin,
hindi sapat upang punan ang pangmatagalang gutom ng kinabukasan,
kundi panandaliang sagot sa problemang dapat sanang tinutugunan ng mas malalim na solusyon,
kaya’t ang paghihintay ay umiikot sa panahong walang wakas na dusa.
At sa ganitong daloy ng araw-araw na pakikibaka,
ang tao’y natutong kumapit sa kung anong kayang abutin ng kamay at diwa,
isinasantabi ang mga pangarap na higit pa sa kinakailangan,
upang bigyang-daan ang mga bagay na agarang mahalaga sa kasalukuyang kalagayan, habang ang kakulangan ay nagiging normal na wika ng buhay.
Ngunit sa kabila ng pagod, may mga bagwis pa ring hindi tuluyang napuputol,
mga pusong nananaghoy sa bitag ng sistema,
sapagkat ang bayan, kahit sugatan, ay patuloy na humihingi ng mas malawak na paglipad,
hindi lamang ng ayuda, kundi ng tunay na pagbabago at malasakit na pangmatagalan,
hanggang sa dumating ang araw na ang pag-asa ay hindi na hinihintay, kundi ganap nang nararanasan.
Isinulat ni Alexa Antaran



Comments