top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Politikal ang Maglakad

  • May 25
  • 2 min read

Halika samahan mo ako!


Sa pagkaripas ng aking takbo sa mga pasamano sa gilid ng kalsada, tanaw ko ang samu’t saring mukha ng lipunan—mga tagpong bagaman abot lamang ng aking paningin ay sapat upang gumising sa aking kamalayan. Habang mabilis na humahampas ang hangin sa aking katawan, tila kasabay rin nitong nilalampasan ko ang mga katotohanang matagal nang umiiral ngunit madalas ay hindi pinapansin. Napaisip ako sa huling pagyapak ng aking mga paa sa kalsada nang ako’y tuluyang huminto sa pagtakbo. Bakit nga ba hindi na lamang ako maglakad? Marahil sa mabagal na paghakbang ay mas makikita ko nang malinaw ang tunay na kalagayan ng lipunan—ang mga lansangang binabahiran ng kasakiman, ang mga pusong nilalamon ng kapangyarihan, at ang mga dugong tahimik na dumadaloy bunga ng karahasan at kasamaan.


Hindi ramdam ng aking mga paa ang bawat mabagal na hakbang, marahil dahil mas malinaw kong naririnig ang mga sigaw ng mga taong matagal nang hindi pinakikinggan—ang yabag ng mga kaluluwang sumasaklolo ng hustisya, ang mga hinaing ng mga maralitang patuloy na isinasantabi, at ang mga pangakong paulit-ulit na winawasak ng mga taong sakim sa kapangyarihan. Sapagkat habang tayo’y patuloy na tumatakbo, tila lalo lamang nating iniiwasan ang katotohanang unti-unting nagpapabagsak sa lipunang ating ginagalawan. Minsan, kinakailangan nating huminto at maglakad nang dahan-dahan upang masaksihan hindi lamang ang ganda ng daan, kundi pati ang mga sugat na matagal nang nakakubli sa ilalim ng makintab nitong anyo.


Bata, dahan-dahan…


Hindi mo kailangang maging mabilis upang masaksihan ang lahat ng nangyayari sa paligid; kung minsan, higit na mahalaga ang marahang paghakbang kaysa sa nagmamadaling pagtakbo. Sapagkat sa bawat mabagal na pag-usad ay mas malinaw mong napagmamasdan ang mga katotohanang matagal nang umiiral ngunit pilit ikinukubli ng lipunan. Kailangan lamang nating matutuhang dahan-dahang lunukin ang pait ng realidad at masikmura ang kalam ng tyan ng bayang gutom sa pananagutan—ang mga kalaspatanganang tila naging karaniwan na, ang mga pang-aabusong unti-unti nang tinatanggap bilang normal, at ang mga tinig na matagal nang sinisikil ng kapangyarihan. 


ANG LAHAT NG BAGAY AY POLITIKAL. Hindi lamang ito umiikot sa mga pangalan ng politiko, halalan, o pamahalaan. Maging ang simpleng paraan ng ating pamumuhay, ang kalidad ng edukasyong ating natatanggap, ang pagkaing inihahain sa ating hapag, at maging ang karapatang mabuhay nang may dignidad ay nakaugat sa politika. Sapagkat ang pagiging buhay mo bilang isang tao ay isa nang politikal na usapin—dahil sa bawat paghinga mo sa mundong ito, apektado ka ng mga desisyong ginagawa ng mga nasa kapangyarihan. At habang may mga taong patuloy na namumulat sa katotohanan, mananatiling buhay ang pagnanais na baguhin ang sistemang matagal nang nababahiran ng kasakiman at kawalang-katarungan.


Tandaan mo!


Napagtanto ko ang paglalakad ay hindi lamang simpleng paggalaw ng mga paa kundi isang anyo ng pagmulat—isang tahimik ngunit matapang na paraan ng pagharap sa katotohanang matagal nang itinatago ng lipunan. Sapagkat habang may mga taong handang huminto, tumingin, at makinig, mananatiling may pag-asa ang mundong unti-unting nilalamon ng kasakiman at kawalang-katarungan. Kaya halika, samahan mo ako; maglakad tayo nang mabagal ngunit mulat, dahil ang bawat hakbang patungo sa katotohanan ay isa nang anyo ng paglaban.


Politikal ang maglakad, sapagkat sa bawat mabagal na paghakbang ay mas malinaw nating nakikita ang mga katotohanang pilit itinatago ng lipunan.


Isinulat ni Sebastian Ahlem De Guzman

Comments


bottom of page