top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Masakit sa Mata, Mahapdi sa Lipunan

  • May 19
  • 1 min read

Masakit sa mata kapag ang alikabok ay dumapo sa mata, 

kahit maliit, may epekto pa rin—mahapdi hanggang mapaluha. 

Hindi man gustong mangyari, pero ikaw ngayo’y naiirita. 

Tulad ng mga napapanahong isyung nakikita,

hindi mo pwedeng ipagsawalang-bahala. 


Sa tindi ng init ng panahon, sumasabay rin ang bugso ng damdamin. 

Mataas na presyo ng gasolina, umaaray na bulsa, pera’y titipirin. 

Trabaho sa senado, ayaw? Tagu-taguan paiiralin? 

Sir, sir, kakampi ka po ba o kami’y kakalabanin? 

Bato-bato sa langit ang tamaan sasamain. 


Ako ay mayroong alagang pusa na maganda ang balahibo, 

ngunit kay dali naman sa iba na isilid ito sa sako? 

Kung nagsasalita lamang ang mga ito, tiyak nakadungo ka na mismo. 

Maiba tayo, ang pondong lihim hanggang ngayon ba’y itatago? 

Nagnanais rin po ang taumbayan malaman saan po ginamit ito. 


Nawa ay bukas ang isipan ng lahat,

imulat ang mga mata nang makita mo ang galos na nagiging sugat.

Ang mga tainga ay huwag isarado,mga hinaing ay pakinggan, hindi pa ba sapat?

Maawa naman kayo sa mga napapaos na boses, hindi po sila pasikat.

Mga taong nagnanais lamang ng maayos na sistema kaya mga isyu inilapat. 


Sa mga nangyayari ngayon, hindi ka pa ba nagagalit? 

Obserbahan mo kaya ang paligid at tanungin mo ang sarili ng bakit. 

Mga manggagawa nawa’y taasan ang sweldo, lupa ng magsasaka bakit kinukuha nang pilit?

Sa nangyayari ngayon, hiling ay may managot, ituwid sistemang baluktot, huwag na makulit.

Puno man ng alikabok ang paligid na nakakapuwing sa mata, hindi dahilan ito para sa lipunan ikaw ay pumikit. 


Isinulat ni Angelica Badua

Comments


bottom of page