top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Lalabing-Isa

  • May 25
  • 2 min read

Tagu-taguan, maliwanag ang buwan.


Wala sa likod, wala sa harap.


Pagbilang ng sampu, nakatago na kayo.


Isa… 

Tila may pista sa himpapawid: may mga saranggolang bálot sa kulay ng mga salita, lumilipad sa hangin ng mga pangako—hanggang sa tangayin ng alapaap, na nasaksihan ng taumbayang naiwan sa ibaba’t nakatingala.


Dalawa…

Waring ahas kung makapaghubad ng unipormeng sinuot lamang sa seremonya matapos manumpa nang nakataas pa ang kanang kamay—kasimbilis sa pagpapalit ng ibang anyo at pagtalikod sa   bakas na iniwan. Sa oras ng pananagutan ay wala naman.


Tatlo…

Habang ang mesa nila’y punô, ang hapag ng bayan ay hungkag. Busog ang mga bulsa ng sakim at ang mga tiyan ay kasinlaki ng lobong nasobrahan sa hangin. Kabaliktaran ng mga magsasakang nagpapakabilad sa ilalim ng tirik na araw, mga mangingisdang maghanapong pumapalaot sa karagatan, at mga manggagawang nakikipagsapalaran ngunit kulang pa rin para sa kumukulong kalamnan.


Apat…

Sa paglaki ng apoy dulot ng mga mapanghamong tanong at tinipong batikos sa mga maling kilos ay ang mga sagot animo’y usok na malabo at mabilis maglaho. May biglaang gagawin, may agarang  dahilan, at mabilisang pag-alis—salungat sa gawi tuwing kinakailangan sa oras ng kagipitan.


Lima…

Ang katarungan ay mistulang silid na maraming lihim na pintuan. Sa loob ay may payasong ginagamitan ng mahika ang mabilisang paglipat sa ibang lugar ng itinatago habang pilit na nililinlang ang isip ng mga tuta, ngunit hindi ng ibong saksi at minsan nang nakalaya.


Anim…

Nabahiran ng iba’t ibang kulay ang puti at naglalaban ang mga ito sa patingkaran—nananaig ang pula at berde ngunit kapag pinagsama ay itim pa rin naman ang kalalabasan.


Pito…

Sa kanila, kabaliktaran ang tama. Ayos lamang ang manakot, mangupit at mang-abuso, at kung sino ang mangangahas na magsumbong ay siyang parurusahan—hindi ng hampas ng sinturon ni tatay na hanggang sa ito’y maglatay, kundi diretsong paghatid kay Kamatayan. 


Walo…

Mahigpit ang kapit kay Inay at ginagamit ang estilo ng pag-arte upang huwag ipaubaya dahil lantad ang takot; hindi sa pagkukulang, bagkus sa kulungan at pagkawala ng kapangyarihan. 


Siyam…

Sa timbagan ng batas ay kontrol ang ginagamit na pabigat para lumamang ang may yaman, dahilan para mas maging mailap ang kamay ng katarungan sa mga nasa laylayan. Sakaling taliwas naman ang lumabas na sukat, laging may imbestigasyon at biglang may prosesong sinusunod bago ito paniwalaan.


Sampu!

Nang matapos ang bilang ay wala kayo sa likod o harap naming mga taya. Kaya kami ay babalik sa pader kung saan kami pumikit at nangapa—ng kapwa at katuwang ipaglaban at iangat ang aming iniibig subalit pinagtaksilan niyong sinilangan. 


Anong bilang at pagsisikap ang kailangan pang gawin ng mga biktima ng pandaraya upang kaawaan at sukuan ng mga manlalarong walang awa? 


Hindi man kami nakatingin alang-ala sa pagiging patas at tapat na manlalaro, habang kayo’y unti-unti na palang tumatakas sa ngalan ng titulo sa pinakamahusay magtago. Gayunpaman, sa itaas ay may nagbabantay. 


Sa pagbilang namin ng labing isa ay magdurusa ang mapagsamantala—magwawagi rin kaming mga taya.


Isinulat ni Paula Jane Sarmiento

Comments


bottom of page