top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Bato, Bato, Pick!

  • May 25
  • 3 min read

Anong paborito mong laro? 


Tandang-tanda ko pa, limang taong gulang ako noong payagan ako ni Nanay na lumabas nang mag-isa para maglaro. Sa bakuran nina Noy, sa ilalim ng matandang punò ng Akasya, nagtitipon ang mga katulad kong bata—sumisigaw, humahalakhak, pumapalakpak, at masisigla. Nakatayô sila sa isang bilog at tila matatayog na gusali ang kanilang mga tindig. Nang magawa ko nang tumingkayad, kitang-kita ng dalawang mata ko kung ano ang kanilang ginagawa. “Ah, naglalaro pala…” ani ng múra kong isip. 


“Bato, Bato, Pick!” 


Sigaw nilang lahat habang itinataas ang kanilang mga kamay. Nang ibagsak nila ito, nagpakita sila ng iba’t ibang senyas—ang iba ay nakabukas ang palad, ang dalawa’y nakakurba ang dalawang daliri, at ang isa ay matigas na nakakuyom. Mga senyas na sumisimbolo sa tatlong bagay—papel, gunting, at bato. 


Sabi ng isang batang nakakuyom ang palad: “Panalo ako!” Umalma ang iba sabay sabi ng: “Wala, wala! Tabla!” Pero kahit anong sabihin ng ibang bata, iginigiit ng batang nakakuyom na siya ang panalo sa laro. Sa dulo ng tagpo, umalingawngaw ang matinis na boses ni Noy—“Madaya ka, bato!” 


Madaya ba talaga ang bato? 


Ilang beses lámang akong nakasali sa larong iyon dahil away ang laging kinahihinatnan. Lagi akong umuuwi na umiiyak dahil hindi ko matanggap ang pagkatalo; alam ko naman ang panuntunan ng laro, pero kapag nagiging hugis bato na ang kanilang kamao, kahit papel pa ang senyas ng mga daliri ko—inaangkin na nila agad ang titulo. 


Isang dekada at tatlong taon ang lumipas—labingwalong taong gulang na ako. Sapantaha ko’y tunay ngang kasabay ng pagtanda ang pagbabago. Ang laro ay hindi na nila ginagawa sa ilalim ng punò—naroon na sila sa isang silid na nasa loob ng bakal na tarangkahan. Doon, nagaganap ang tawanan, ang pagtaas ng kamay, ang pagpili ng susunod na hakbang—doon sa isang silid nagagawa ang dayaan. 


Gunting ba talaga ang talo kapag kinalaban nito ang bato? 


Sa laro, kahit gaano pa katulis ang mga kanto ng daliri mo kung ibinagsak naman ng kalaban ang matigas at nakakuyom niyang kamao—ikaw ang talo. Ang rason: hindi raw kasi káyang hatiin sa dalawa ng gunting ang bato. Ang pisikal nitong katangian na matigas at mabigat ang nagbibigay ng dahilan para masira at madurog ang kulay pilak at kumikinang na hitsura ng gunting. Marahil dahil sa eksplenasyong ito kung bakit nasanay na ang mga Pilipino sa kaisipang nakadudurog ang bato. 


Kung ilalagay mo ang idea ng laro sa karanasan ng lipunan, maiisip mong káya rin namang talunin ng gunting ang bato. Sa mga talas ng dulo nito makikita ang tunay nitong lakas, sa mga talim ng bukana nito matatagpuan ang mukha ng paninindigan. Hindi man nito kayang durugin nang mabilis ang bato, kaya naman nitong unti-unting baklasin ang bawat tipak hanggang sa tanging buhangin na lamang ang matira. Hanggang sa ang kaya na lamang gawin nito ay ang sumabay sa ihip ng hangin.  


At papel ang tuluyang tatalo sa bato… 


Kung may isang senyas akong laging pamato, iyon ang papel. Sinong mag-aakala na ang manipis at patag na gamit na ito ang kinatatakutan ng bato? Noon, tuwing ang inilalabas na senyas ng aking kamay ay ang papel, hindi matanggap ng aking kalaro na sila ang talo. Aalis at uuwi, at kung minsan pa’y dadayain ako. 


At maging hanggang ngayon, umaalis, tumatakbo, at nagtatago pa rin ang mga taong kasingtigas ng bato dahil hindi nila matagalan ang ideang hamak na papel lamang ang sa kanila’y makatatalo. Sa laro sa loob ng senado may isang katotohanang natutunghayan ng bawat Pilipino, dinadaya pa rin ng bato ang papel. Pinagsasawalang bahala ang nakasaad, nilulukot ang katotohanan, pinupunit at inaapakan ang tama—patuloy pa ring nilalapastangan ng mga taong naging ehemplo ng katigasan ng bato ang kadalisayan ng papel. 


Hindi kayang durugin ng papel ang bato pero takot ito rito dahil hindi masikmura ng bato na balutin siya ng tama at totoo. 


“Bato, Bato, Pick!” 


Kaya sa tuwing susubukan kong laruing muli ito, hindi ko ginagawang pamato ang bato. Simbolismo ng bato ang katigasan, kaya’t ginagawa niya itong dahilan upang hindi siya makanti ng katotohanan. Simbolismo rin ng bato ang pandaraya at mga gawaing nakasusuklam. At ikaw, Bato, sa likod ng matikas at matigas mong wangis nagtatago ang isang katotohanan: duwag ka’t sunod-sunuran.


Talo ang Pilipino kung patuloy pa rin nilang pinipili ang bato. 


Isinulat ni Jhay Ann Justiniane

Comments


bottom of page