top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Tugunan

  • 30 minutes ago
  • 2 min read

Ako ay nagsusulat sa iyo bilang kinatawan ng mga mamamayang Pilipino, nawa’y ang sulat na ito ay maabot sa iyo kahit pang-ilang beses na itong sinulat ng masa. Nawa ay taus-pusong basahin ang lahat ng salita na maisusulat dito at namnamin ng mabuti–bulay-bulayin ang mga ito. 


Sumasamo ang masa na malaman ang iyong pasya, dahil ito ay matagal ng alalahanin sa kanilang kaisipan, naaalala mo pa ba kami? 


Wala na ba kami sa iyong ala-ala? Ni kaunting pangangamusta ay hindi namin narinig, hindi man lang namin nakita na umabot ang iyong tulong, ni presensya mo ay hindi namin naramdaman. Naisip mo man lang ba tanungin ang gusto, at mas importante ay ang mga hingil namin, hindi kami nagwawalang-bahala sa inyong binibigay na serbisyo at tulong, ngunit hindi sapat ang mga ito. Iilang araw lamang tatagal ang bigas, ang mga delatang pagkain at marami pang serbisyo na ginagawa ninyo, nakakapagtaka din minsan kung ito ba ay bukal sa inyong loob o para may maharap kang mukha sa mga camera, mga papel at media?


 Nananahimik ngunit nagbabaga ng sakit at galit ang mga mamamayan, idinadaan ko na ito sa sulat dahil maaring kapag kami ay sumigaw, kaysa na mabigyan kami ng pansin at tulong, mapapahamon pa kami sa away. Kita namin ang inyong mga luha, ngunit ito ba ay totoo? O luha ng buwaya? Bakit tutok ang camera sa inyo kapag kayo ay nagluluha ngunit wala ni mata ang sumilip sa mga nagluluksa, nagdadalamhati at nagmamakaawa sa inyo?


Nawa ay maramdaman din namin ang aliw at gaan na inyong natatamasa, dahil kami na kahit gaanong kadami nang tumagaktak na dugo, pawis at luha, kahit magkandakuba kami sa kakaaral at kakatrabaho, iilang minuto lamang ng saya at ginhawa ang aming natatamasa, minsan pa nga ay bihira o wala. 


Nawa na iyong mga pangarap para mapabuti ang ating kalagayan sa bansa ay hindi sabi-sabi lamang, dahil mataas ang aming mga pangarap na magbago para sa ikabubuti, dahil pagod na kami, bahagi ng ating pagiging Pilipino ang pagiging matatag, ngunit napapagod din ang malalakas at matatag lalo na kung kulang o wala ang suporta.

Nawa ay maintindihan ninyo ang lahat ng mga nasusulat dito, at nawa ay hindi maisantabi ang aming mga hiling, buong puso kaming nangangrap at nananalangin na ito’y makaabot sa inyo.


Maraming salamat.


Iyong mamamayan,

Mga Filipino


Isinulat ni Althea Velarde

Comments


bottom of page