Trahedya sa Gaza
- May 12
- 4 min read
Isinulat ni Kristan Gile – Alpas sa Tanikala

Kailan titigil si Netanyahu? Kapag ubos na ang mga Palestino?
Nag-ugat sa mga radikal na pagkakaiba sa aspekto ng relihiyon, pamamahala, ideolohiya ang giyera ng Israel laban sa Palestine. Subalit, malinaw na malinaw sa mga kilos ng Israel na hindi lamang ito giyera laban sa Hamas kundi isang malaking kilos upang ubusin ang isang lahi ng mga tao, isang genocide—na naranasan din ng mga Jews noon kay Hitler—ang umiiral sa lupa ng Gaza sa kasalukuyan.
Noong 11 Agosto 2025, isinapubliko ng Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang naging pulong ng kaniyang gabinete: tuluyang sasakupin ng Israel ang Gaza. Ang plano ng Israel na ipasailalim ang Gaza sa ‘total control’ ay magdudulot lang ng mas malalang pag-atake sa mga sibilyan at inosenteng Palestino—kahit ang mga hindi kasapi sa militanteng grupong Hamas. Natural lamang din na magsasagawa ng armadong pagkilos ang Hamas sabay ng pagbabanta ni Netanyahu ng tuluyang pagsakop sa Gaza. Sa gitna ng mga girian ng Hamas at Israel, mga Palestinong naiipit ang biktima ng pagpapalitan ng mga bayolenteng kilos na ito.
Patuloy pa rin ang Israel sa panggigipit sa mga Palestino upang hindi makatanggap ng humanitarian aid mula sa United Nations (UN). Kaya nagresulta ito ng malalang kagutuman na nagpatuloy hanggang mawalang buhay ang mga biktima ng starvation policy. Kahit anong pagtanggi ni Netanyahu na walang umanong ganitong uri ng polisiya, makikita ang kalagayan ng mga nakatira sa Gaza mula sa ulat ng Gaza Health Ministry na halos 200 na ang namatay dahil sa malnutrisyon at starvation. Tinuran ng UN humanitarian coordination official, Ramesh Rajasingham na hindi na simpleng krisis ng kagutuman ang nararanasan ng mga Palestino kundi isang polisiya ng puwersahang pagpapagutom. Noong 22 Agosto 2024, opisyal na ring idineklara ng Integrated Food Security Phase Classification (IPC) na tuluyang ng sinaklot ng famine o kagutuman ang Gaza. Nakababahala ang mga deklarasyon ng mga pang-internasyonal na organisasyon ukol sa kalagayan ng mga Palestino. Tinutulak lamang ng mga ito ang pangangailangan ng agarang tulong para sa mga biktima.
Kagutuman, pagpapasabog ng ospital at ng mga tahanan, pagpapatigil ng mga humanitarian aid, at ang planong tuluyang pagsakop sa Gaza ay mga aksiyon na malinaw pa sa sikat ng araw na hindi na lamang giyera, kundi isang malaking pagtatangka na burahin ang Palestine sa mapa. Ang masama pa, walang malaking galaw upang itigil nang tuluyan ang mga malalaking pagkakasala sa sangkatauhan na ginagawa ni Netanyahu. Kahit ang UN mismo, bagaman bukas at may maayos na pagtugon sa mga pangangailangan ng Gaza, ay limitado pa rin dahil sa malaking impluwensiya ng prime minister ng Israel at sa tulong na rin ng Estado Unidos.
Siguro, akala ng mga malalaking bansa na ito na hindi naman ganoon kahalaga ang Palestine sa kanilang mga pansariling global at internasyonal na interes. Kaya sa kabila ng ginagawang genocide ng Israel, tila ba wala lang para kanila na may halos 60,000 nang nakitil ang buhay dahil sa mga tiranong gawain ni Netanyahu. Kahit mismo ang pamahalaan ng Pilipinas, tahimik sa kalagayan ng mga Palestino. May malaking emosyonal at moral na diskonek ang Pilipinas bilang estado na may kakayahang magsalita hinggil sa paglalapastangan ng Israel sa karapatang pantao ng mga Palestino.
Upang mas lalo na mawalang pakialam ang ibang bansa tungkol sa nangyayari sa Gaza, pinuntirya naman nila ang mga mamamahayag ng Al Jazeera na matapang na nag-uulat mula mismo sa mapapanganib na lugar sa Gaza. Sa isang targeted attack ng Israel noong 10 Agosto 2025, mula sa ulat ng British Broadcasting Corporation (BBC), namatay ang pitong mamamahayag ng Al Jazeera: si Mohammad al-Khaldi na isang freelance journalist, si Anas al-Sharif na isang correspondent, isa pang hindi pinangalanang correspondent, at mga cameramen na sina Ibrahim Zaher, Mohammed Noufal at Moamen Aliwa. Malubhang paglabag ang pagpatay na ito sa karapatan ng mga mamamahayag na mag-ulat ng mga pangyayari sa Gaza, at lantad na lantad ang kagustuhan nilang itago ang patuloy na pang-o-opresa sa mga Palestino.
Datapuwat may mga dahilan ang Israel tungkol sa umanong pagmamay-ari nila sa lupain na “ipinangako sa kanila ng Diyos mula sa Bibliya”, ganoon rin ang Palestinong matagal nang namamalagi sa parehong lupain, walang argumentong makapagpapaliwanag nang husto sa pagpatay na ginagawa ng Israel sa mga Palestino. Hindi na kailangan pa ng anong debate upang bigyang pagpapakahulugan ang genocide ni Netanyahu. Itinatago lamang ng Israel sa kanilang “banal na layunin” ang hindi makatao at malaking pagsuway sa utos ng Diyos ang malawakang pagkitil ng buhay ng tao.
Paano nasisikmura ng Israel ang ganitong uring krimen na taliwas sa pinaniniwalaan nilang relihiyong Judaismo? Bakit nila ginagamit itong behikulo upang ipagpatuloy ang genocide laban sa Palestine? Hindi naman na bago sa kasaysayan ng mundo na nagagamit ang relihiyon at pananampalataya upang himukin ang isang grupo ng tao na kamuhian ang kapwa niya rin tao.
Subalit, hindi na ito usapin ng relihiyon o ng kahit ano pang ideolohiya, usapin na ito kung sino ang pumapatay at sino ang namamatay. Maliwanag na Israel ang salarin at Palestine ang biktima.
Nais ng Israel at ng mga kumukunsinti sa kaniya na tuluyang makalimutan ng mundo ang kasaysayan, kultura, tradisyon, at identidad ng mga Palestino. Bahagi ito ng malaking plano ni Netanyahu na tuluyang sakupin ang Palestine at hirangin na nag-iisang estado ang Israel bilang supremong gobyerno sa lupain na hindi lamang sila ang naninirahan.
Nasa panahon tayo ng ating mundo kung saan may malaking moral na krisis na hinihingi ang ating tainga upang makinig, mata upang tumingin, at bibig upang magsalita. Sa kabila ng pagkikibit-balikat ng mga malalaking estadong may kakayahan sanang pabutihin ang kalagayan ng mga Palestino, ihandog lamang natin kahit ang tainga, mata, at bibig para sa Palestine; bagkus maliliit na mga hakbang, inilalayo sila nito sa lubusang pagkabura.



Comments