Nakaw sa Sinapupunan
- 5 days ago
- 3 min read

Babae—ang sentro ng buhay at pag-unlad ng lipunan. Sa paglipas ng ilang dekada, nananatiling mahalaga ang papel ng kababaihan sa kasaysayan ng pagbibigay-buhay at pagbabago ng ekonomiya.
Itinuturing na pundasyon ng tahanan ang isang ina dahil siya ang gumagabay at humuhubog sa pagkatao ng kanyang anak, subalit paano kung sa kabila ng mga sakripisyong inaalay ng mga kababaihan, napagkakaitan pa rin sila ng nararapat na tulong-medikal at suporta mula sa gobyerno?
Ang pagiging ina ay itinuturing na pinakamahirap na tungkulin na may kaakibat na malaking responsibilidad. Simula sa pagdadala ng bata sa sinapupunan, pagpapalaki, at paggabay hanggang sa pagtanda. Ito ang klase ng trabaho na walang day-off, walang sick leave, at 24/7 na pag-aalaga. Walang sinuman ang handa sa tungkulin ng pagiging ina; hindi ito itinuturo sa paaralan at hindi ito natututunan ng isang araw lang. Ngunit hindi lahat ng ina ay pare-pareho ang karanasan. Ilan sa mga suliraning kinakaharap ng kababaihan sa lipunan ay ang pagkamatay dulot ng panganganak, maagang pagbubuntis, at kakulangan ng akses sa libreng serbisyong pangkalusugan.
Ang pag-iral ng Republic Act No. 10354 o ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (RH Law) ay naglalayong pababain ang maternal at child mortality, teenage pregnancies, at HIV/AIDS sa pamamagitan ng paghahatid ng tamang impormasyon at pagbibigay ng libreng reproductive health services. Subalit, sa halip na maging sandigan ng kababaihan, nananatiling walang laman ang mga pangako ng batas.
Ang maternal mortality ay tumutukoy sa pagkamatay ng kababaihan dahil sa komplikasyon ng pagbubuntis o panganganak. Araw-araw, mahigit 700 kababaihan sa buong mundo ang namamatay, karamihan mula sa matinding pagdurugo, impeksiyon, mataas na presyon ng dugo, komplikasyon sa panganganak, at unsafe abortion. Ang mga nabanggit ay mga sakit at komplikasyon na maaaring maiwasan kung nabibigyan lamang ng karampatang tulong-medikal.
Kasabay nito, ang Pilipinas ay humaharap sa krisis ng pagtaas ng bilang ng maagang nabubuntis. Ayon sa datos ng Commission on Population and Development (CPD), bumaba ang porsyento ng mga babaeng Filipino na may edad 15 hanggang 19 na nagsimulang manganak mula 8.6% noong 2017 hanggang 5.4% noong 2022. Gayunpaman, batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang live births sa mga batang babae na may edad 10 hanggang 14 ay tumaas mula 2,411 noong 2019 hanggang 3,343 noong 2023. Lubhang nakabahala ang pababang gulang ng pagbubuntis dahil hindi pa handa ang pisikal at mental na kapasidad ng isang batang magkaanak. Kung ating iisipin, kanino nga ba ang sisi? Sa kapabayaan ba ng indibidwal o sa kakulangan ng paggabay at tamang kaalaman tungkol sa mga ito?
Sa kamay ng korupsiyon, ang ina at kababaihan ang nagdurusa. Sa bawat perang ibinubulsa ng mga opisyal na sana ay nakalaan sa kagawaran ng kalusugan, buhay ang nagiging kapalit. Walang sinuman ang dapat pumanaw habang nagbibigay ng panibagong buhay at mapagkaitang matamasa ang kaniyang pagkabata dulot ng krisis sa kalusugang reproduktibo. Ang problema ay bunsod ng limitadong akses sa skilled birth attendants, prenatal care, kakulangan ng sex education, limitadong akses sa family planning, at ligtas na serbisyong medikal.
Ang solusyon na makakatulong upang mabawasan ang kaso ng maternal mortality at teenage pregnancy ay magsisimula sa pagkakaroon ng tamang pag-aaral, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan. Una, kailangang mapagtibay ang implementasyon ng RH Law upang masiguro na mayroong sapat na akses sa prenatal at postnatal care at family planning programs. Ikalawa, mungkahing dagdagan ang pondo sa kalusugan upang mapunan ang mga kakulangan sa pasilidad, medical equipment, at makapaglaan ng badyet para sa mga seminar program. Ikatlo, dapat ay masiguro na ang probisyon ay malawak ang maaabot mula sa mga barangay health centers hanggang sa ospital upang ang komunidad ay magkaroon ng karapatang makagamit ng mga ito. Panghuli, ang pagkakaroon ng bukas na pag-iisip na maglunsad ng sex education sa mga paaralan upang lubusang maabot ng mga kabataan ang tamang kaalaman tungkol sa kanilang katawan at karapatan. Ang tunay na pagsulong ng bayan ay nakasalalay sa kung paano natin pinapahalagahan ang kababaihan. Kung patuloy na magbubulag-bulagan ang pamahalaan, mananatiling sugatan ang lipunan. Ngunit kung kikilos tayo laban sa katiwalian, may pag-asa pa para sa bawat ina—at para sa kinabukasan ng bawat Pilipino.
Ngayong buwan, idinaraos ang Araw ng mga Ina bilang pagpupugay sa paghihirap at mga naiambag ng mga kababaihang ina sa komunidad. Kung nais nating magkaroon ng lipunang makatao, dapat nating kilalanin ang kababaihan hindi lamang bilang ina kundi bilang pundasyon ng maayos na kinabukasan. Ang bawat sentimong ninanakaw ay katumbas ng buhay na nawawala, ng ina na hindi na muling makakapag-aruga, ng anak na lumalaki nang walang gabay.
Kasabay ng nag-aalab na protesta laban sa korupsiyon, ating buksan ang isip at lawigan ang pag-unawa at suporta para sa karapatan ng kababaihan, dahil ang laban kontra korupsiyon ay hindi hiwalay sa laban para sa karapatan ng kababaihan.
Isinulat ni Crisha Señar — Agos ng Korapsyon



Comments