KOLUM | Sana Gawin ang Eleksiyon Tuwing Tag-Ulan
Kristan Gile — “Alpas sa Tanikala”
Gawin natin ito habang umuulan, bumabaha, bumabagyo, at nililipad ng hangin ang yero ng bubong. Para sa wakas, madala na tayo.
Dahil nakakapagod na rin ang paulit-ulit na siklo ng mababang kalidad ng pamamahala sa bansa. At tuwing may sakuna lamang tila natatauhan ang mga Filipino dahil sumasambulat sa kanila ang pamamahalang walang pakundangan sa kanilang mga interes. Bakit hindi nating gawin ang eleksiyon tuwing tag-ulan?
Iyan ang malaki kong hamon sa Commission on Elections (COMELEC)—ang isakto ang petsa ng kampanya’t eleksiyon tuwing maulan at bumabaha sa kalsada nang magkasubukan kung sino talaga ang bababa sa masa, at ang may kongkretong solusyon sa isa sa mga paulit-ulit ng problema ng bansa. Sana gawin natin ang eleksiyon tuwing tag-ulan!
Hindi lamang ako siguro ang nakakakita ng mga masasalimuot na nangyayari tuwing pinapasok ng mga bagyo ang Pilipinas. At tuwing niraragasa ng mga baha ang mga buhay ng mga Filipino, lalo na ang mga mahihirap, na walang ibang magawa kundi magtiis sa mga tahanan nilang biktima ng malalang korapsiyon ng flood control. Ilang beses na sinabi ang mga pangakong may makukulong at may solusyon na maibibigay, ngunit kapag nariyan na ang habagat, balik na naman sa paglusong sa baha ang mga tao.
Hindi ko maatim kung paano natutulog nang mahimbing ang mga tinatawag nating “lider” sa gitna ng kalamidad. Hindi ko rin maisip kung papaano pa nila nagagawang mag-post sa kani-kanilang mga social media pages ng palabirong suspensiyon ng klase habang may mga magulang na naghihintay kung papasok pa ba ang mga anak nila o uunahin nila ang kanilang kaligtasan. Hindi mo masisisi ang mga gustong magtrabaho tuwing maulan ngunit pambihira ang taas ng baha para makapagpatuloy sila sa pagkayod sa buhay.
Tiyak na ang mga politikong ito ay nasa bahay, natutuwa sa kanilang maayos na tahanan na hindi pinapasok ng baha at natutulan ng tubig-ulan. May gana pa silang magpaabiso na huwag lumabas at huwag magpaulan na akala mo ba ay napakadaling gawin sa lugar ng mga naghihikahos na Filipino. Ubod ng pribilehiyo ang mga politikong hindi man lang itigil muna ang mga katiwalian alang-alang sa pagbuo ng kongkretong plano para sa mga kalamidad. Sa halip, ang natatanggap ng mga tao ay ayuda, lata ng sardinas, sotanghon, kape, atbp. na nakasilid sa mga kahon na may makapal pang mukha ng talipandas na nakadikit.
Kaya’t sana nakikinig ang COMELEC at makarating sa kanila ito. Ito na lang ang naisip kong solusyon sa paulit-ulit na nabubulok na paggogobyerno ng bansang ito. Dahil hindi rin madaling makaintindi ang marami sa atin at laging may pagsisi sa mga inihalal na lider. “Akala ko kasi magaling siya dahil ganoon ang tatay niya.” Kailangan baguhin na natin ang paraan ng paghalal. Mas mainam na makita ng taumbayan ng kanilang dalawang mga mata kung sino ang tunay sasaklolo sa kanila.
Inihanda ko na ang plano para mas madali. Ang bubuoing komite ng eleksiyon ay pinagsamang COMELEC at Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA). Ang PAGASA ang magtatakda kung kailan magpapasa ng Certificate of Candidacy (COC) ang mga kakandidato. Mas mainam kung bago sumapit ang wet season o habagat. Ang ahensiya naman ng COMELEC ang magsusuri pa rin sa mga kredensiyal at ipapasang papel ng mga kandidato. Mauupo pa rin sila bilang electoral board members, commissioners, at chairman. Ayusin muna ng dalawang ahensiya ang petsa kung ano ang hangganan ng pag-file ng COC.
Dapat itakda nila ang campaign season habang kasagsagan ng masamang panahon. Habang bumubuhos ang ulan at ang mga ulap ay walang kasingdilim. Itigil na natin ang mga debate o forum. Tutal hindi rin naman minamandato ng COMELEC. Huwag na rin ipanayam ang mga kandidato. Sayang sa oras. Nagawa na natin iyan, noon. Anong nangyari? Maayos ba ang naiboto at nakaupo sa mga puwesto? Ang mainam, habang rumaragasa ang baha at ulan, doon dapat mag-house-to-house campaign ang mga kandidato. Ang PAGASA ang magtatakda kung saan gaganapin ang mga house-to-house at door-to-door meetings. Mas maganda doon sa mga flood-prone areas. Doon sila makipagkamay sa mga botante. Dapat lumubog sila sa baha. Dapat maranasan nila ang buhay ng mga taong nilulubog nila sa baha dahil sa mga walang kakuwenta-kuwenta nilang mga polisiya. Makipag-usap sila ngayon sa mga taong binabagyo at tingnan natin kung hindi iyan magbigay ng agarang solusyon kung ang mismong kinakampanyahan nila ay nalulunod sa tubig ulan ng habagat.
Ang mga kandidato ang magsagawa ng rescue operations. Tutal tuwing kampanya at eleksiyon, umaapaw sa mga puso nila ang masidhing pagmamahal sa taumbayan. Sa planong ito, mahigpit na ipagbabawal ang online campaigning. Walang baha sa Facebook, sa Tiktok, o sa YouTube. Ang baha ay nasa mga kalsada ng mga pobreng paulit-ulit na pinagkakaitan ng maayos na pamumuhay. Siguraduhin sana ng COMELEC at ng PAGASA na mararanasan ng mga politikong ito ang mga panganib ng kalamidad. Para maranasan nila ang mga bagay na nasa imahinasyon lamang nila at hindi naman danas sa realidad.
Baka may magtanong: paano ang kaligtasan ng mga politiko? Baka magkasakit ang mga iyan. Baka ma-leptospirosis. Baka magkasipon. O di naman kaya ay baka malunod sa rumaragasang tubig. Madaling sagot: paano ang kaligtasan ng mga tao? Ang mga nagkasakit dahil sa ulan? Ang mga namatay sa leptospirosis? Ang mga nilagnat, trinangkaso, at sinipon? Ang mga namatay sa baha habang inaanod ng rumaragasang tubig? Kung mararanasan iyan mismo ng mga politikong nasa mga matatayog nilang bahay, tiyak hindi iyan makatutulog nang mahimbing.
Kung ayaw ng kandidatong tumakbo at mangampanya habang tag-ulan, awtomatikong idiskuwalipikado ito sa pagtakbo. Bawal ang puro laway at mga matatamis na salita. Higit lalo pa’t nasa gitna ng panganib ang mga tao. Siguro sa ganitong sitwasyon, hindi na rin iisipin ng mga tao na magpartisipa sa pagbili ng boto. Dahil maiisip nila nang mas mabuti ang kalagayan nila. “Aanhin ko ang halagang 500, kung ang kailangan ko ngayon ay kaligtasan?” Hindi na rin sila mag-iisip ng kulay, partisano, o padrino dahil mas malinaw sa kanila kung sino ang sasaklolo. Sa huli, walang kulay o panig ang panganib. Walang kulay o panig ang kamatayan. At ang kamatayan na ito—dulot ng mga walang pakundangang lider na nakaupo sa puwesto.
Gawin natin ang eleksiyon tuwing tag-ulan nang malaman natin kung sino ang tunay na nariyan para sa bayan. Dahil kung ang mga lider na ihahalal natin ay magaling lang tuwing tag-araw, paulit-ulit tayong magtatampisaw sa tubig-ulan.
.png)




Comments