top of page

KOLUM | Politikal ang Tema

Aug 7
7 min read

Tunay nga naman na nariyan na ang artificial intelligence (AI) at mainam na maging maalam tayo sa kung anong maaring maidulot nito sa atin. Ngunit pagdating sa wika at kultura, hindi yata dapat AI ang maging prayoridad ng ating bayan. Lalo’t higit pa, hindi AI ang bubuhay sa wika at kultura, kundi mga tao—ang mga nagpapadaloy nito.


Nilabas na ng Komisyon ng Wikang Filipino¹ (KWF) ang opisyal na tema para sa Buwan ng (mga) Wika 2026. Ang tema: “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.” Naglalayon ito na isulong ang responsableng paggamit ng AI at ang iba’t ibang pamamaraan upang i-angat ang wikang Filipino at iba pang mga wika sa Filipinas sa mundong digital. Ang AI, ayon sa kagawaran, ay isang kasangkapan sa pananaliksik at tulay sa mayaman na impormasyon. Mahalaga ang pagtuklas sa tamang paggamit ng AI upang makamit ang potensiyal ng makabagong teknolohiya. 


Matagal na rin akong may kritika sa Buwan ng (mga) Wika at sa pamamaraan ng pagdidiwang natin nito. Kadalasan, nauuwi lang sa pagpupurong Tagalog o pagsusuot ng barong o filipiña ng mga taong “nagpapahalaga” sa wika at kultura ng ating bansa. Ngunit, nakakalungkot mang sabihin na ang tema ngayong taon ay isa na namang pagpapalamuti. Hindi pa rin natutugunan ang mga batayang problema ng ating bansa hinggil sa wika at kultura na marapat sanang pag-usapan at bigyang lunas ngayong buwan kung kailan napag-uusapan natin ang mga ito. Ngunit, mas mahalaga para sa ilan ang AI at kung papaano ito gamitin kaysa sa mga isyu na marapat sanang maging prayoridad ng ating bayan pagdating sa wika at kultura.


Ibang uring literasi ang kailangan sa AI. Hindi ito simpleng pagbasa o pagsulat lamang. Kailangan ng mas malalim na pag-iisip kung tutungo na agad tayo sa “responsableng” paggamit ng AI. Ngunit halata naman na wala pa tayo roon. Ibinalita na ng maraming mga institusyon na hanggang ngayon maraming naghihirap sa pagbasa at pag-unawa sa binabasa. Sa report ng Second Congressional Commission² (EDCOM 2) noong Mayo 2026, lumabas na halos 1.3 milyong Filipinong estudyante mula grade 11 sa senior high school ang mababa ang pang-unawa sa binabasa. At ano naman ang kinalaman nito sa pagdiriwang ng Buwan ng (mga) Wika? Marami. Una, anong ipagdiriwang natin kung ang mga bata ay hindi naman nakauunawa ng wika sa teksto? Anong pahahalagahan nila kung hindi naman nila nauunawaan ang panitikang binabasa? Higit lalo ngayon na nakalilimutan at nakaliligtaan na ng maraming Filipinong* mag-aaral ang kanilang mga unang wika at maging ang wikang Filipino dahil inalis na sa kurikulum ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) noong 2024. 


Sinubukan kong manaliksik ng mga pahayag mula sa KWF hinggil sa pagtanggal ng MTB-MLE. Maaring nagkamali ako, pero wala akong nakitang pahayag mula sa kanila na tinututulan ang pag-alis ng polisiya sa Fillipinas*. Sa isang balita mula GMA News³—inutusan pa nga ang Department of Education (DepEd) at KWF upang gumawa ng language mapping policy sa kung ano-anong mga klase ang kinakailangan pa ring gamitin ang mother tongue. Mula ngayon, optional na lamang ang paggamit ng unang wika sa mga monolingual na klase kahit na multilingual ang mga Filipino. Kung ganoon, hindi prayoridad ang pagpapanatili ng mga wikang labas sa imperyalismo ng Filipino at Ingles. Hindi ba trabaho ng KWF ang gawing prayoridad ang pag-aalaga ng mga wikang katutubo? 


Hindi rin naman natin maipagkakaila na maraming naging problema ang MTB-MLE, gaya ng kakulangan sa mga gurong nakapagsasalita ng mga mother tongue na tugma sa kanilang mga mag-aaral at mga teksbuk at materyales na kinakailangan sa pagtuturo. Ito nga dapat ang inaatupag ng mga language institutions gaya ng KWF upang mapaayos ang sistema ng wika. Kaso, unahin natin ang AI, kahit lagapak tayo sa pagbasa at pang-unawa. Ayon sa language acquisition theory⁴, mahalaga na mapahusay ang unang wika dahil ito ang pinakamahalagang wika sa linguistic repertoire ng bata. Saka na ito palalawakin hanggang matutuhan ang ikalawang wika, ikatlo, at iba pa. Sa panibagong language policy na Ingles at Filipino, paano ang mga bata na hindi unang wika ang dalawang wika na ito? Ipipilit na lamang sa kanila? Pero, AI muna ang unahin natin. Iyon ang magsasalba ng wika!


Nangangamba tayo sa mga namamatay na mga wika. May nagsasabi na makatutulong daw ang AI na iligtas ang mga ito. Sa katunayan ang nakita ko pa nga ay ang pagsuporta ng KWF sa paggamit ng AI upang i-preserba ang mga katutubong wika at palawakin ang wikang Filipino, ayon sa ulat ng ABS-CBN News⁵. Bakit AI ang nakikitang solusyon? Bakit hindi edukasyon at ang mga kabataang dapat matutuhan at maipagpatuloy ang mga wikang ito? Ayon sa tagapangulo ng KWF na si Marites Barrios-Taran, gagamitin daw ang AI sa pagsasalin at paglikom ng language corpus. Hindi ba kayang tumanggap ng mga tagasalin mismo at mga language researchers para buoin ang corpus? Bakit AI ang nakikitang kasangkapan na gayong kulang na kulang ang oportunidad para sa mga iskolar ng wika at kultura? AI na agad, ngayong laganap pa rin ang digital divide sa mga Filipino. Sino lamang ang makaka-access ng mga digital tools na iyan? Pero sige, sabi nila, tumalon na agad tayo sa AI. 


Panigurado ang tema ng KWF ay gagamitin sa mga poster making, slogan making, at pagsulat ng sanaysay. Mula sa karanasan ko sa pagsali sa mga patimpalak na iyan, wala namang sasali na magsasabi nang masama sa tema. Dahil kung tuligsain mo man iyan, tiyak na hindi mananalo ang piyesa mo o ang sanaysay mo. Maglilitawan ang mga papuri sa AI at ang pagiging “instrumento” nito sa pagpapayaman ng wika at kultura. Ang isang paaralan pa nga⁶, nagpatimpalak ng AI poster making. Imbes na mga estudyante ang gumuhit ng poster, nagsulat na lang prompt sa AI upang makakuha ng larawan. Ang kinalabasan ay puro AI slop na mga mukha na halos magkakaparehas ang itsura. Pero, gusto ko sanang malaman kung paano ito naging instrumento sa pagpapayaman ng wika at kultura. Iba rin kasi ang dalumat ko ng mga paraan upang payamanin ang wika at kultura na mas mahalaga kaysa sa paggamit ng AI.


May mga malawakan bang suporta sa mga manunulat natin na nag-aambag sa panitikan? Dahil ang panitikan ang daluyan ng wika at isa sa mga midyum kung saan ipinapahayag ang kultura. Nabibigyan ba ng pondo ang mga independent writers upang makapagpalimbag ng mga libro? Lalo na ang mga manunulat sa rehiyon na nagsusulat sa kanilang mga rehiyonal na wika? Naililimbag pa ang mga isinulat ng ating mga bayani at mga Pambansang Alagad ng Sining sa mga sikat na komersiyalisadong bookstore sa bansa? Sila ang marapat nating dinggin at basahin hinggil sa pagpapahalaga ng wika at kultura. May kopya ba ng Diksiyonaryong Filipino ang mga paaralan at mga mag-aaral? Tinatrabaho na ba ng mga kagawaran ang isang moderno at makabagong pambansang balarila at ortograpiya na mas makaaambag sa intelektuwalisasyon ng ating wikang Pambansa? May mga establisadong ortograpiya at diksiyonaryo na rin ba ang mga rehiyonal na wika na makatutulong bilang gabay sa mga kabataan na gagamit nito sa panibagong henerasyon? May plano na ba upang maibalik ang MTB-MLE? May mga suporta na ba sa ganito? O iaasa na lamang ba natin lahat ng ito sa AI?


Kasabay sa pagdiriwang ng Buwan ng (mga) Wika ay ang mainit na diskusyon hinggil sa Pax Silica, ang itatayong industrial hub at AI data center sa Filipinas kung saka-sakali. Bilang mag-aaral ng wika, naniniwala ako na politikal ito. Bakit AI ang ginamit na tema? Para isulong raw ang malayang pag-iisip. At para raw gamitin sa pagpapaunlad ng wika at kultura. Pero sa lente ko, para ito pabanguhin ang potensiyal ng AI sa gitna ng kritisismo. Isang malaking antitesis kung tutuusin, sasabihin nating ililigtas ng AI ang mga katutubong wika ngunit ang AI hub rin ang magpapatalsik sa mga katutubo sa mga lupain kung saan itatayo ang data center. Aanhin mo ang wika, kung wala ng taong matitira para ipadaloy ito?


Upang bigyang linaw, maari naman talagang magamit ang teknolohiya rito. Bahagi ito na mas episiyenteng language policy. Isa sa mga katangian nang maayos na sistemang pang-wika ang paggamit ng teknolohiya. Ngunit, may mga kagyat na batayang pangangailangan na mas marapat unahin kaysa sa AI—ang tao. Dahil hindi naman robot ang bubuhay sa wika at kultura. Aanhin natin ang teknolohiya sa pananaliksik, sa pagpepreserba ng wika at kultura, at ng intelektuwalisasyon kung wala namang suporta sa mga manunulat, lingguwista, mananaliksik, at mga iskolar/mag-aaral ng wika at kultura.


Habang buhay na lamang ba tayo magsusuot ng barong at filipiña, magpupurong Tagalog, at magtatalo sa paggamit ng “nang” at “ng” tuwing Buwan ng (mga) Wika? Ngayon naman, isinusulong ang AI kahit marami pang mga problemang pangwika at pangkultura na dapat unahin. Bigyang lunas muna ang mga batayang pangangailangan, bago natin tanawin kung papaano makatutulong ang AI. Hindi dapat masayang ang pera ng taumbayan sa mga institusyong tinatrato lamang na pambuwanan ang kahalagahan ng wika at kultura. Higit lalo ngayon, mas kailangan natin ng matibay at matatag na pundasyon para sa ating lahi.


*Intensiyonal ang paggamit ng “F” sa “Filipino” sa artikulong ito upang pantukoy sa parehong tao, wika, at kultura—gayon din ang paggamit ng “Filipinas.” Alinsunod ito sa suhestiyon⁷ ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario sa paggamit ng “F” bilang pagkilala sa kasaysayan ng wikang Pambansa at ng mga wikang katutubong gumagamit ng titik na ito.


Mga Talababa

¹Komisyon sa Wikang Filipino. (2026, July 13). Buwan ng Wikang Pambansa. [Facebook Post]. https://www.facebook.com/share/p/19KkUdPc3e/ 

²GMA News. (2026, May 29). 1.3 million Grade 11 students have poor reading comprehension — EDCOM. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/989385/1-3-million-grade-11-students-poor-reading-comprehension-edcom/story/ 

³Santos, J. (2024, October 12). Bill ceasing use of mother tongue for kinder to Grade 3 lapses into law. GMA News. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/923484/bill-ceasing-use-of-mother-tongue-for-kinder-to-grade-3-lapses-into-law/story/ 

⁴Abad, M. L. V. S. & Quintillan-bugas, R. (2010). The Mother-Tongue as a Factor in Language Acquisition. Philippine E-journals. https://ejournals.ph/article.php?id=3501 

⁵Lee, I. (2026, July 15). KWF embraces AI to strengthen Filipino, indigenous languages. ABS-CBN News. https://www.abs-cbn.com/news/technology/2026/7/15/kwf-embraces-ai-to-strengthen-filipino-indigenous-languages-1707 

⁶Tingnan ang patimpalak na “AI Poster”. https://www.facebook.com/share/p/1DXMtuDYAG/ 

⁷Rappler. (2021, August 19). Rappler Talk: Usapang wika kasama si Rio Alma. [YouTube Video]. https://www.youtube.com/live/_4o9Ok4XaG4?si=hTzIgbJQyIcRRnE0 



Isinulat ni Kristan Gile — "Alpas sa Tanikala"

Comments


bottom of page