top of page

KOLUM | Hahayaan Bang Maulit Pa?

Aug 21
3 min read

Nangyari na naman.


Nitong Agosto 18, isang Grade 8 student sa Ateneo de Zamboanga University ang armado nang pumasok sa campus at nagpaputok. May dalawang estudeyanteng nasawi at iba pang mga sugatan. Namatay rin ang suspek matapos ang insidente. Iniulat ding na-livestream ang pag-atake gamit ang body-worn camera (Reuters, 2026).


Mas nakababahala dahil wala pang dalawang buwan ang lumipas mula nang magkaroon ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, kung saan may mga estudyanteng namatay at iba pang sugatan (GMA News, 2026).


Dalawang trahedya. Dalawang paaralan. At dalawang pagkakataong dapat sana'y nagsilbing babala.


Kailan tayo tunay na kikilos?


Hindi lang ito tungkol sa baril. Madaling sabihin na kailangan lamang higpitan ang seguridad sa gate. Dagdagan ang guwardiya. Maglagay ng metal detector. Mag-install ng CCTV.


Mahalaga ang mga ito. Ngunit hindi sapat. Ang school safety ay hindi lang dapat paghihigpit sa gate. Kasama rin dito ang pag-unawa sa problema ng kabataan, sapat na suporta sa mental health, at mabilis na intervention bago lumala ang isang problema.


Mismong Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ay nagsusulong ng mas komprehensibong approach sa school safety, kabilang ang prevention of violence, early intervention, mental health support, at pakikipagtulungan ng paaralan, pamilya, komunidad, at pamahalaan (EDCOM 2, 2026).


Ibig sabihin, hindi na natin kailangang magsimula sa wala. May mga rekomendasyon na. May mga polisiya na. Ang kulang ay ang tuloy-tuloy at mahigpit na pagpapatupad.


Huwag isisi agad sa mga kabataan. Sa tuwing may ganitong trahedya, mabilis nating hinahanap ang dapat sisihin.


Social media.


Online games.


Baliw.


Hindi lahat ng kabataang gumagamit ng social media ay magiging marahas. Hindi lahat ng naglalaro ng online games ay may masamang intensiyon. At higit sa lahat, hindi natin dapat iugnay agad ang mental health condition sa pagiging marahas.


Ang dapat nating pag-usapan ay kung bakit may mga kabataang nahihirapang humingi ng tulong at kung mayroon ba silang sapat na suportang malalapitan.


Ayon sa World Health Organization, isa sa bawat pitong kabataang edad 10-19 ay nakararanas ng mental disorder sa buong mundo. Kabilang sa mga pangunahing suliranin ang depression, anxiety, at behavioral disorders (WHO, 2025).


Hindi ito nangangahulugang ang mental-health problems ang sanhi ng school violence. Ibig sabihin lamang nito ay maraming kabataan ang nangangailangan ng tulong, at hindi natin dapat hintaying magkaroon ng trahedya bago natin sila pakinggan.


May butas ba ang mga batas?


May Anti-Bullying Act. May Mental Health Act. May mga programa ang Department of Education. May mga panukala para mas maging ligtas ang mga paaralan.


Ngunit ang batas na hindi naipatutupad nang maayos ay nananatiling batas sa papel lamang.


Naging tanong din kung bakit napakadali para sa mga menor de edad ang makahawak ng baril. Iniulat ng Inquirer na ang ama ng Grade 8 student ay isang district commander ng Port of Zamboanga Enforcement and Security Services. Matapos ang insidente, pansamantala muna siyang inalis sa puwesto upang bigyang-daan ang isang impartial investigation, na naglalayong tukuyin kung nagkaroon ng kapabayaan sa paghawak at pag-iingat ng baril na ipinagkatiwala sa kanya (Inquirer, 2026).


Kaya hindi lamang paaralan ang dapat managot sa usapin ng seguridad. May pananagutan ang mga may-ari ng armas. At may pananagutan tayong lahat na huwag hayaang mawala ang atensiyon kapag tapos na ang balita.


Huwag nating hintaying maging normal ang ganitong trahedya.


Ang paaralan ay lugar kung saan natututo ang mga kabataan at hindi lugar upang matutong umiwas sa putok ng baril.


Hindi dapat normal para sa isang magulang na ipadala ang anak sa paaralan nang may pangambang baka hindi na ito makauwi.


At lalong hindi dapat normal ang mawalan ng buhay sa lugar na dapat protektado ang mga bata.


Kaya ang sagot sa trahedyang ito ay hindi lamang pakikiramay.


Hindi lamang panalangin.


Hindi lamang press conference pagkatapos ng insidente.


Kailangan natin ng pangmatagalang aksiyon, kahit mawala ang atensiyon ng publiko.


Kailangang palakasin ang seguridad sa mga paaralan. Kailangang seryosong pondohan ang mga serbisyo para sa mental health. Kailangang tiyaking gumagana ang anti-bullying at child-protection act. At higit sa lahat, kailangang magkaroon ng sistemang marunong makinig bago pa maging huli ang lahat.



Sanggunian:


Lema, K., & Corrales, N. (2026, August 18). Philippine student live-streamed fatal school shooting before taking own life, official says. Reuters. https://www.reuters.com/world/asia-pacific/mayor-says-shooting-incident-school-southern-philippines-reports-two-casualties-2026-08-18/


UNTALAN, S., & GMA News. (2026, June 25). DepEd: Tacloban shooting, recent school violence remain isolated cases. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/992656/deped-tacloban-shooting-violence-school-safety-measures/


World Health Organization. (2025). Mental health of adolescents. In World Health Organization. https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/adolescent-mental-health


EDCOM 2 Communications. (2026, July 9). Aquino pushes School Safety Bill to strengthen violence prevention in schools. Edcom 2. https://edcom2.gov.ph/aquino-pushes-school-safety-bill-to-strengthen-violence-prevention-in-schools


Sigales, J. (2026, August). BOC relieves Zamboanga school shooter’s father from Customs post. INQUIRER.Net. https://newsinfo.inquirer.net/2287029/boc-relieves-zamboanga-school-shooters-father-from-customs-post


Artikulo ni Precious Adrianne Sarsagat


Comments


bottom of page