KOLUM | ADM: Ang Daming Miktinig, Walang Naririnig?

Tag-ulan na naman. Ito ang panahon na masarap makinig ng mga tugtugin habang humihigop ng mainit na sabaw na luto ni nanay.
Ngunit para sa ilan, hindi tasa ng inumin ang hawak nila, kundi palangana para sa tulo ng bubong at dustpan pang salok ng tubig-baha.
Ang baha ay hindi na bago para sa mga Pilipino. Sa tuwing bumubuhos ang malakas na ulan, awtomatikong nagiging dagat ang mga kalsada, nagiging ilog ang loob ng mga bahay, at ang mga paaralan ay napipilitang magsara. Sa tuwing dumarating ang mga sakuna, gaya ng habagat, bagyo, at pagbaha, isa sa mga lubos na naaapektuhan ang edukasyon.
Ang mga estudyante ay nananatili sa bahay, hindi bilang pahinga, kundi bilang proteksyon dahil sa panganib na dulot ng pagtaas ng tubig. Dulot ng ilang araw na kanselasyon ng face-to-face classes, ipinapatupad ang Alternative Delivery Mode o ADM, sa mga paaralan.
Daing ng mga estudyante, makatarungan ba ito?
Batay sa Department of Education (DepEd) Order No. 022, s. 2024, itinatakda ang kanselasyon ng klase at trabaho sa paaralan kapag may bagyo, baha, at iba pang kalamidad sa Pilipinas. Layunin nitong siguraduhing ligtas ang mga mag-aaral sa gitna ng sakuna habang ipinagpapatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng distance learning.
Nakapaloob din sa kautusan na dapat ipatupad ang ADM “kung kakayanin” at dapat mabigyan pa rin ng konsiderasyon ang mga mag-aaral sa pagpapasa ng mga modules kung nasalanta, nawalan ng kuryente, o walang internet connection.
Malinaw naman na nakasaad na “kung kaya lang” o posible ang pagpapatupad ng ADM, subalit bakit kabi-kabilang LGUs pa rin ang patuloy na nagpapatupad nito sa gitna ng delubyong nagpapahirap na magkaroon ng akses sa pag-aaral?
Akala okay lang, suspended naman. Matutuwa na mga estudyante niyan. Oo, nakakatuwa nga na hindi makikipagsapalaran ang mga mag-aaral at mga guro para suungin ang baha sa kanilang lugar. Pero kung tatambakan lang din naman 15-30 pages na module para lang masabi na nakakahabol pa rin sa DepEd Calendar, parang no comment nalang.
Imbis na paglilinis ng bahay at pagsasaayos nalang ng mga gamit ang aatupagin, may sandamakmak na takdang-aralin pa na dapat unahin. Dahil kung hindi maipapasa sa takdang araw, babagsak ka.
Sakit na ‘yan ng mga institusyon. Hindi maipatupad nang maayos ang mismong alituntunin na isinasakal nila sa mga Pilipino.
Isipin mo habang nasa online class, iyong isa bata may laptop na nagagamit at may malakas na internet connection dahil may WiFi sila, pero ang kaklase niya wala na ngang maayos na gadget, hirap pa sa signal.
Ma'am, sandali lang po hindi ako makapag-open ng camera. Nilipad na po kasi bubong namin.
Saklap diba? Lubog na nga sa baha, lubog pa sa hindi pantay na oportunidad. Inanod na ang susi sa pagkatuto na gagamitin sana para sa kinabukasan ng kabataan.
Aminin na natin. Kaya lang naman nauso ang online classes at modular learning dahil sa pandemic. Sa ilang taon ng pagkakakulong sa apat na silid ng kanya-kanyang mga tahanan, nakasanayan nalang natin ang ganyan. Pero iba na ngayon. Back to the new normal, ika nga. Kaya bakit pinagpapatuloy pa rin ang ganitong implementasyon gayong nakapagdadagdag pahirap lang para sa mga mag-aaral?
Sa totoo lang, hindi naman tunay na nasasalok ng utak ang mga binubuhos na lektura at aralin kapag online class. Kapag nabigyan ng mga gawain, hihingi nalang ng tulong sa Google.
Sa halip na maging daan ang ADM patungo sa kaalaman, ito’y nagiging pader na lalong nagpapalayo sa mga kabataan sa tunay na kalidad ng edukasyon. Hindi sapat ang modules na basa, hindi sapat ang online class kung walang kuryente at internet, at hindi sapat na bigyan ng dagdag pasanin ang mga magulang sa gitna ng paghihirap.
Babalik at babalik lahat sa ugat ng problema. Ang baha na pasakit sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.
Kung maayos lang sana ang mga proyekto ng sangay ng gobyerno, hindi sana aabot sa punto na maaapektuhan ang pagkatuto ng mga mag-aaral.
Kanya-kanya mang estilo ang mga tao para lang makadaan sa baha at maitawid ang mga pangangailangan; may gumamit ng jet ski, gumawa ng bangka gamit ang bakal at kahoy, may nagpalutang ng kabaong, at sumasakay ng padyak para lang maiwasan lumusong sa maduming tubig. Sila ba kinumusta ng gobyerno?
Sa mga nagsasabing tigilan nalang ang flood control issue dahil wala rin namang mapapalang pagbabago ang mga tao, ano nalang gagawin ng mga Pilipino sa sitwasyong meron sila ngayon? Hahayaan nalang ba na magpalutang-lutang ang mga pinaghirapan nilang ipundar na bahay at kabuhayan? Ipasasawalang-bahala nalang ang mga buhay na inaanod at nawawala? Magkikibit-balikat nalang sa kalagayan ng mga mamamayan basta't masabi lang na may ginawa nang anunsyo ayon sa gusto ng nasasakupan?
Patuloy nalang bang magbubulag-bulagan ang mga ordinaryong mamamayan sa bulok na sistemang paulit-ulit na isinasampal ng mga nasa gobyerno?
Hindi niyo ba nakikita? Wala silang reklamo pagdating sa baha dahil hindi nila nararanasan ‘yan. Kasi sila, may pangalawa at pangatlong palapag ang mga bahay nila. Matitibay ang mga pader at bubong nila. Hindi nila pinoproblema kaya wala silang ginagawang pagbabago. Bahala na tayo sa mga buhay natin, basta sila nakaangat. Kailan lang ba sila kumikilos tungkol sa isang problema? Kapag naapektuhan na sila.
Hindi dapat makasanayan nalang ng mga Pilipino ang taun-taon na pagkalunod sa lugmok kahit hindi pa tuluyang nakakabangon. Mag-demand naman kayo. Humiling kayo ng pagbabago at simulan niyo sa maayos na pagboto.
Oras na para bahain ng kritisismo ang mga opisyal na patuloy nagpapalubog sa sistema ng bansa. Sa tinagal-tagal na isyu ng flood control, hindi pa rin lahat napananagot. Kalampagin ang mga mapagsamantala sa gobyerno at lunurin ng batikos ang mga proyekto nilang palpak na puno’t dulo ng mga malalaking problema.
Artikulo ni Crisha Señar
.png)




Comments