top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Pamanang Kapangyarihan

  • 4 days ago
  • 5 min read

Marcos, Duterte, Cayetano, Villar” 


Parang Wash, Rinse, Repeat lang. Paulit-ulit at walang katapusang pag-ikot ng kapangyarihan sa iisang pangalan. Tila hindi na natuto ang taumbayan. Patuloy pa rin silang naniniwala sa mga pangakong pagbabago kahit sila mismo ang ugat ng problema.


Ang samot-saring hinaing ng mga kinatawan tungkol sa Anti-Political Dynasty Bill ay bunsod nga ba ng pag-aalala na maging mahaba at matagal na proseso ito o baka dahil sa pansariling interes na protektahan ang kapangyarihang naipamana at pangambang mapabagsak sa posisyon?


Nitong Mayo 20, 2026, inaprubahan ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 8389 o ang Anti-Political Dynasty Bill na naglalayong wakasan ang konsentrasyon ng kapangyarihang pampolitika sa pagitan ng magkakamag-anak na nasa ikalawang antas ng consanguinity o affinity mula sa pagtakbo para sa o paghawak ng katungkulan sa parehong lokalidad, at national positions sa parehong termino. Ang panukala ay inaprubahan ng plenaryo ng Kamara kasunod ng rekomendasyon ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na pinamumunuan ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, na pinag-isa ang 17 na magkakaugnay na panukala sa substitute bill.


Ang pag-apruba ay naganap pagkalipas ng dalawang linggo matapos muling ipahayag ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang kahalagahan ng pagpasa ng panukalang batas, na sinasabing kailangan  sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa gobyerno. 


Malinaw na nakasaad sa Artikulo II, Seksyon 26 ng Konstitusyon ng 1987, “Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang politikal ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas.” Ang probisyong ito ay sumasalamin sa isang malinaw na layunin na pigilan at itaguyod ang pagiging patas sa serbisyong publiko. 


Gayunpaman, sa kabila ng umiiral na konstitusyon, nananatiling laganap ang political dynasties sa Pilipinas. Hindi ito biglang sumulpot, kundi bunga ng kawalan ng kongkretong batas na pagbabasehan sa kung ano ang political dynasty at kung paano ito pipigilan ang pangunahing dahilan ng diseminasyon nito. Mayroon ngang konstitusyon na tumutukoy dito, ngunit ang mga taong dapat magpatupad ng batas ay siya ring bahagi mismo ng sistemang baluktot. Tila ito na ang naging simbolo ng pulitika sa bansa—ang salit-salitang pagkakakilanlan ng mga nasa posisyon dulot ng kawalan ng isang nagbibigay-daang batas na tumutukoy at nagbabawal sa kanila. 


Kung saan may political dynasty, mayroon ding economic dynasty sa likod nito. Nagiging mahirap ang pag-usbong ng mga kakompetensiya dahil sa maugong na pangalan sa larangan ng negosyo at politika. Minsan ay mas matunog pa ang apelyido ng isang pamilya kaysa sa inilulunsad na plataporma ng bagong kandidato, kung kaya’t nakakasanayan na lamang ng mga mamamayan na paboran ang pangalan kaysa sa kakayahang mamuno at magsilbi para sa taumbayan. Ang pera at kapangyarihan ang nagpapalakas sa isa’t isa, na nagiging proteksyon at pabor para sa kanila. Kung sino ang mayaman, siya ang mamumuno.


Kagaya ng mga Villar, na kilala bilang prominente at makapangyarihang pamilya sa bansa. Sa ilang henerasyong nagdaan, nanatili ang pangalang Villar sa mga campaign poster, sa telebisyon, at sa Senado. Simula kay Manny Villar, na nagsilbing dating Speaker ng Kamara (1998–2000) at Pangulo ng Senado (2006–2008). Pagkatapos ng hindi matagumpay na presidential bid noong 2010, inilipat niya ang kanyang tuon sa pagpapalawak ng negosyo ng kanilang pamilya. Ang kaniyang asawa naman na si Cynthia Villar ay nagsilbi bilang kinatawan ng nag-iisang distrito ng Las Piñas mula 2001 hanggang 2010. Lumipat siya sa Senado noong 2013 at nagsilbi hanggang 2025. Sunod sa yapak ng mga magulang, nagsilbi rin bilang kinatawan ng Las Piñas si Mark Villar (2010–2016), bago hinirang na Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Matagumpay siyang tumakbo at nanalo para sa Senado noong 2022. Panghuli, ang pangalan na nangingibabaw ngayon ay ang bunsong anak na si Camille Villar. Siya ay nagsilbing kinatawan para sa Las Piñas mula 2019 hanggang 2025. Matagumpay niyang nakuha ang isang puwesto sa Senado at naglilingkod bilang pinakabatang senador sa ika-20 Kongreso ng Republika ng Pilipinas. 


Hindi hamak na mahalaga ang pagpapanatili ng legasiya ng pamilya sa pulitika. Si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ninais mahalal na presidente upang malinis ang pangalan ng kaniyang ama na si Ferdinand Marcos Sr. at ang reputasyon ng kanilang pamilya. Si Sara Duterte na tatakbo sa pagkapresidente sa susunod na halalan upang ipagpatuloy ang nasimulan ng kaniyang ama na si Rodrigo Duterte. Si Alan Peter Cayetano na iminungkahi na kung puwede ang ate na lang niya na si Pia Cayetano ang tumakbo bilang Senate President, na para bang naglalaro lang ng bahay-bahayan at nagpapasahan ng obligasyon.  


Ang mungkahing pagsasabatas ng panukala ay upang wakasan ang pang-aabuso sa kapangyarihan na nagdulot ng mabagal na pag-unlad ng ekonomiya, nepotismo, at political patronage. Ang mga senador na nagbibigay ng pansamantalang kagustuhan at pangangailangan ng taumbayan at ang kapalit ay suporta sa eleksyon. Hindi natutugunan ng mga tulong na ito ang pangmatagalang kapakinabangan na lubos na makakatulong sa mga nasa laylayan. Ang kasanayang ito ay lumilikha ng isang siklo ng paninibulos kung saan ang mga botante ay umaasa sa mga makapangyarihang indibidwal para mabuhay, kadalasan sa kapinsalaan ng patas na pamamahala at pag-unlad ng institusyon. Kung tuluyang maisasabatas, ang panukala ay magtatatag ng estratehikong reporma para sa mabuting pamamahala at paninindigan sa prinsipyo na magbubukas sa tiwala ng publiko. 


Hindi lamang sa mga opisyal ang may pagbabago, kundi pati na rin sa kaisipan at kakahayang pumili ng mga botante. Bukod sa pagsasaayos at paglilimita ng mga senador na tatakbo sa halalan, dapat ay mabigyan ng kaukulang kaalaman ang mga botante tungkol sa mga tumatakbong opisyal. Ang Commission on Elections (COMELEC) ay maaaring bumuo ng makabuluhang programa na tumutuon sa pagpapabuti ng kakayahang bumoto ng bawat indibidwal. Maaari itong maglaman ng detalyadong impormasyon at kuwalipikasyon tungkol sa opisyal na tatakbo upang masiguro ang aninaw at karapat-dapat na mahalal. Dagdag pa rito, mahalaga ring isama sa programa ang voter education na nakatuon sa pagpapaliwanag ng proseso ng halalan, kahalagahan ng boto, at epekto ng tamang pagpili ng tamang lider sa kinabukasan ng bansa. Ang pagbibigay ng mga plataporma gaya ng mga online portal at mga seminar ay makatutulong upang mas maunawaan ng mga mamamayan ang mga plataporma ng mga kandidato. Sa ganitong paraan, hindi lamang nakabatay sa kasikatan o pangalan ang desisyon ng mga botante, kundi sa malinaw na pagsusuri ng kakayahan at integridad ng mga opisyal. 


Kapag ang mga botante ay may sapat na kaalaman at kritikal na pag-iisip, mas nagiging makabuluhan ang kanilang boto. Ang pagbabago ay magsisimula sa ating pagpili. Huwag makalimot sa patuloy na panlolokong ginagawa ng mga senador na ang tanging nais makamtan ay ang mabangong pangalan at marangyang pamumuhay. Ang boses ng kabataan ang pag-asa ng bayan. Sa darating na Eleksyon 2028, bumoto nang tama at matalino, at huwag magpalinlang sa mga panatiko.


Isinulat ni Crisha Señar — Agos ng Korapsyon


Comments


bottom of page