top of page

#Danas

  • 6 minutes ago
  • 3 min read

Ang P sa PUP ay pila.


Pila bago makapasok sa gymnasium. Pila para sa admission. Pila para sa interview. Pila para sa medical. Pila para sa certificate of registration at ID picture. Hanggang Anonas Street, may pila.


Isinagawa ang unang araw ng enrollment noong Hunyo 7, 2026 na idinaraos sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) para sa mga bagong iskolar ng bayan, ngunit sumalubong sa kanila ang kabi-kabilang suliranin at pagpapahirap upang makakuha ng kanilang prioridad na programa.


Kamakailan lamang nang magkaroon ng pagbabago sa inilabas na resulta sa PUPCET 2026 iyan ay mas tiyak at partikular sa kung anong programa sila nakapasa, gayundin ang petsa at oras ng kanilang enrollment. Subalit, nanatili pa rin ang First-Come, First-Serve na enrollment process system para sa iilan.


Baby steps. Maliit na hakbang tungo sa pagbabago na imbis na magpabuti, ay nakakaperwisyo pa rin sa nakakarami.


Sa kabila ng mga paalala na huwag mag camping sa labas ng pamantasan, hindi naiwasan ng ilang mga enrollees ang dumating at pumila nang mas maaga sa kanilang enrollment time. Upang makasiguro na makakakuha pa rin sila ng ninanais nilang programa. 


May ilan na isang araw pa bago ang nakatakdang schedule ay nakapila na, habang ang iba naman, madaling araw nagsidating. Kahit sa labas pa man ng pamantasan natutulog, pinagbabayad sa paggamit ng mga banyo, at buong magdamag naghihintay ng kanilang kapalaran. Isa itong desperadong hakbang ng mga estudyanteng ayaw maubusan ng slot sa programang gusto nila. Ngunit, imbis na pasilungin at papasukin, hinayaan lang sila. Ano kayang thought process nila do’n?


Ulan. Init. Gutom. Antok. Pagod. Walang katapusang mga suliranin sa pagitan ng pahirap na sistema at pag-abot ng pangarap.


Siguro tama nga lang na theme song ng sinta ang kantang Danas ni Carol Banawa. “Sinong mapalad, sino ang kaawa-awa? Kami bang halos ang buhay ay inialay sa bansa.” 


Ang paghihirap na dinaranas ng mga iskolar ng bayan ay dahil sa ipinagkakait na badyet ng gobyerno. Taun-taon na lamang, pare-parehong mga plakard at panawagan ang ipinagsisigawan sa unang araw ng klase, pare-parehong mga karapatan ang ipinaglalaban, at pare-parehong mga tao ang pilit ginigising at binibigyang kamalayan tungkol sa korupsiyon at kaban ng bayan na nilulustay ng mga nasa gobyerno. 


Imbis na idagdag na tulong sa sektor ng edukasyon ang pondo, ninanakaw pa. Sa bawat sentimong kinokorap ay katumbas ng pagtupok sa nag-aalab na apoy ng pangarap ng mga kabataang naghahangad ng libre at kalidad na edukasyon. Ilang estudyante pa kaya ang maghihirap at iiyakan ang kanilang mga pangarap dahil sa kulang-kulang na oportunidad para sakanila? 


Ang enrollment na ito ay simula palang ng kalbaryong kakaharapin ng mga iskolar ng bayan sa pagpasok sa sintang paaralan. Patuloy na sasalubong sakanila ang bulok na sistemang dulot ng pagkukulang at kasakiman ng gobyerno. 


Ang patuloy na pagsasagawa ng North Wing sa ilalim ng Department of Works and Highway (DPWH) na inabutan na ng ilang batch. Ang kuryenteng nakaasa lamang sa generator na ngayo’y naghihingalo at unti-unti nang nauupos at hindi pa rin naaayos. Ang pag-aagawan at pag-uunahan na dulot ng kulang-kulang na silid-aralan at mga pasilidad. Gayundin ang walang-awang pagpapapasok kahit sa katirikan ng araw at kawalan ng bentilasyon. Ilan lamang yan sa dadanasin ng mga kasalukuyang iskolar ng bayan.


Ilang estudyante pa ba ang hihimatayin sa gitna ng pagsusulit dahil sa matinding init at siksikan? Ilang hinaing pa ba ang ipo-protesta? Ilang pagmamakaawa pa ba ng pagbabago sa sistema ang hihilingin upang mairaos lamang ang pag-aaral?


Walang katapusang katanungan sa tila walang agarang solusyon ng mga nasa posisyon. 


Bitbit ang tapang at determinasyon, iminumungkahing dagdagan ng ng Department of Budget and Management (DBM) ang badyet na nakalaan para sa taunang panuntunan sa pamantasan. Hindi sapat ang 3.62 na bilyones para sa 25 branch na maghahati-hati nito. Kung kayang tumanggap ng male-maletang pera ang mga opisyales, bakit hindi mapagbigyan ang hinihinging 12.7 bilyon na badyet? 


Sa proyekto na walang aninaw, pera at panahon ang nauubos. Mungkahi ang transparency report at breakdown tungkol sa proyekto ng DPWH sa North Wing at agarang pagsasaayos nito. Ang proseso ng pagbabahagi ng detalye at impormasyon ay kailangang nasusubaybayan sa official webpage ng unibersidad. Hanggat kulang ang pasilidad, patuloy na makokompromiso ang pagkatuto sa kulang-kulang na silid-aralan.


Badyet sa PUP ay dagdagan, at huwag ilaan sa kasakiman at pansariling interes lamang. Hanggat walang nayayanig at nakikinig, patuloy na ipagsisigawan ng mga kabataan ang dapat na matamasa nilang mga karapatan.


Isinulat ni Crisha Señar — Agos ng Korapsyon

Comments


bottom of page