Suliranin ng K-to-12 Program
- May 12
- 5 min read
isinulat ni Kristan Gile — “Alpas sa Tanikala”

Ayon sa sarbey ng Social Weather Stations (SWS) noong 2023, kalahati o 50 bahagdan ng mga Pilipino ang hindi nasiyahan sa K-to-12 program. Nagpanukala na rin ng batas sa Senado si Sen. Jinggoy Estrada upang tanggalin ang senior high school. Sinegunduhan naman ng Kabataan Partylist ang pagbasura sa programa dahil hindi umano naging matagumpay ito.
Nagmumula ang sentimiyentong ito sa mga naging kapalpakan umano ng programa lalo na pagdating sa pagbibigay nito ng trabaho pagkatapos grumadweyt ng mga estudyante sa senior high school. Dagdag pa, malaking pasakit sa bulsa ng mga naghihirap na Pilipino ang 2 taong idinugtong sa basic education imbes na sana ay igugol na lamang ang pera at pagod na ito sa kolehiyo.
Sa kabila ng mga hangarin ng K-to-12 upang gawing mas mahusay ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas, tila hindi ito nagbunga dala ng mga nakukubling problema ng mas malaking at malawak na sitwasyon ng ating edukasyon. Sapat nga bang isisi sa K-to-12 lahat ng pangambang bumabagabag sa mga Pilipino pagdating sa edukasyon? O may mas malaki dapat tayong problemang tingnan na marahil nakaliligtaan natin?
Isa ang Pilipinas sa mga huling bansang nagpatupad ng K-to-12. Samakatuwid, noong 2011 bago maisabatas ang K-to-12, ang Pilipinas lang ang kaisa-isang bansa sa Asya ang nasa ilalim ng 10-year basic education program. Kaya nakitaan ng pamahalaan ang pangangailangan na sumabay sa ibang mga bansang nasa ilalim na ng K-to-12. Lagi nating tinitingala ang Singapore, Vietnam, at iba pang mga bansa sa Southeast Asia, ngunit hindi ba tayo nagtataka kung bakit tila mas maunlad sila kaysa sa atin? Bakit gumana sa kanilang sistemang pang-edukasyon ang K-to-12 at hindi sa atin? Ang mas mahalagang tanong na nais sana nating tanungin: ano ang mayroon sila na wala sa atin?
Ang sagot: marami.
Hindi natin maikakaila ang nabubulok na sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Lumabas na lahat ng datos na maaring makapagsabi sa atin na may malalang educational crisis ang bansa. Sabi ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) nitong taon lamang, kailangan ng Pilipinas ayusin ang pundasyon ng sistemang pang-edukasyon. Naging titulo ng report nila ang “Fixing the Foundations: A Matter of National Survival.” Ibig sabihin nito, mahirap gumalaw sa isang sistemang hindi matibay ang pundasyon at ang alinmang balak na pahusayin ito ay baka magdagdag lang ng bigat sa pundasyong malapit ng bumagsak. Kaya’t naging suliranin ng K-to-12 ang mahinang pundasyon ng edukasyon at naging balakid ito sa pagiging epektibo ng programa.
Makikita rin natin ito sa iba pang programang pang-edukasyon gaya ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Kahit maraming mga pag-aaral ang sumusuporta sa kagandahan ng multilingual education at matibay na language policies, naging balakid pa rin ang sistemik na problema ng edukasyon sa pagpapatupad ng MTB-MLE. Kulang sa mga gurong mahusay sa mga wikang pang-rehiyon, kulang sa mga klasrum, kulang sa mga teksbuk, at kulang sa inklusib at daybers na pagkatuto. Anong ginawa sa MTB-MLE? Tuluyan na itong ibinasura noong nakaraang taon.
Tila isa itong pattern kung papansinin. Gaya ng nakikita nating pagpapatupad sa bagong kurikulum ng MATATAG na humaharap na naman din sa hamon ng mga kulang na klasrum, kulang na mga teksbuk, kulang at hindi sapat na sahod sa mga guro, kulang na suporta sa mga mag-aaral, at kulang sa mga paaralan. Malinaw ang mga ebidensiya at datos na nagsasabing mas mapapagaan kung “decongested” na ang kurikulum. Ito ang pangako ng MATATAG ngunit kung maraming kulang sa edukasyon at gaya ng inilabas ng EDCOM—nabubulok ang pundasyon—tila walang magtatagumpay sa kahit anong programa o kurikulum na nais nating ipatupad sa sistemang pang-edukasyon.
Hindi problema ang dalawang taong idinagdag ng K-to-12 program, kung handa lamang ang pundasyon ng edukasyon upang ipatupad ito. Walang masama sa work immersion programs ng K-to-12 at ang pagkakaroon ng specializations upang mas maging malinaw sa mga mag-aaral ang karerang nais nilang pasukin. Anong naging suliranin? Kulang sa mga partners na industriya para makapag-work immersion. May mga tracks at strands na hindi bukas sa ilang mga paaralan dahil kulang sa gamit at mga guro na tugma dito. Kulang din sa gabay ang mga mag-aaral tungkol sa kanilang career path at kung anong suwak na strand para sa kanila. Patuloy pa ring STEM-centric ang edukasyon at industriya ng bansa kaya’t naisasawalang-bahala ang iba pang mga landas katulad ng humanities at vocational. Kasalanan kaya ng K-to-12 program ito? O mas may malaking kasalanan ang mga namamahala ng sistema ng ating edukasyon? Kaya’t naiisip ng mga mambabatas na mas madaling ibasura ang K-to-12 dahil tila wala namang balak silang ayusin ang pundasyon ng edukasyon na nasa bingit na ng pagkaguho.
Hindi rin dapat iasa lahat sa K-to-12 ang garantiya ng trabaho kundi dapat sa pamahalaan na responsibilidad na pahusayin ang ekonomiya at industriya na tatanggap ng mga K-to-12 gradweyt. Hindi rin naman perpekto ang programa at may pangangailangan na repasuhin ang work immersion programs upang ihanda ang mga mag-aaral sa posibilidad ng pagtatrabaho sa hinaharap. Sa kabilang banda, huwag ding tingnan ang edukasyon na tila ba isang factori ng diploma upang makapagtrabaho lamang at kumita ng pera ang mga mag-aaral. Dapat iminomodelo ng ating kulturang pang-edukasyon na ang pag-aaral ay isang panghabang-buhay na proseso—vocational, academic, o alin mang landas. Hindi dapat minamadali dahil may pangangailangan tustusan na pangangailangan, kundi dapat yakapin upang mas maging mapagpalaya ang edukasyon. Trabaho ng pamahalaan at ng iba pang mga institusyon na maging kapakipakinabang ang edukasyon hindi lamang sa larangan ng paghahanapbuhay bagkus pati na rin intelektuwalisasyon ng bayan. Aanhin natin ang populasyong kumikita ng salapi ngunit hindi naman malaya sa pag-iisip at walang kritikal na pang-unawa sa lipunan.
Umaaray ang mga magulang sa gastusin ng pagpapaaral. Kahit tanggalin man ang 2 taon sa basic education, gagastos at gagastos pa rin ang mga magulang dahil hindi naman ginagawang abot-kaya at libre ang edukasyon sa ating bansa. Hindi pa rin sapat ang inaasahang mga public schools para sa mga mag-aaral na hindi kayang magbayad ng matrikula sa mga private schools. Kung mayroon namang public schools, kulang naman sa pasilidad o hindi kundusib ang lugar ng pagkatuto. Batay sa datos ng Department of Education (DepEd) nitong kasalukuyang taon, 165, 433 ang kulang na mga klasrum at aabutin ng tinatayang 20 taon bago ito matugunan. Mamanahin ng bagong henerasyon ang mga kakulangan na ito. Isabay mo pa rito ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin at ang pananatili ng mababang pasahod sa mga manggagawa. Kasalanan kaya ng K-to-12 at iba pang mga kurikulum ang mga problemang ito?
Madaling isisi sa K-to-12 ang kapalpakan ng edukasyon dahil kadalasang may mababaw din tayong pagtingin sa krisis na kinakaharap natin. Gaya ito ng madaling pagsisi ng mga lider ng bansa sa MTB-MLE kaya niratsada nila ang pagbabasura nito. Imbes na tingnan, imbestigahan, at repasuhin, idineklara nila agad na walang silbi at walang kuwenta ang mga kurikulum at programang may pinagbabatayang ebidensiya. Huwag daw tingnan ang teorya dahil iba naman daw ang nangyayari sa tunay na buhay. Ngunit ang mga teorya ay makapagbibigay lang ng paraan, nasa mga namumuno pa rin ang kapangyarihan sa paglapat ng teorya sa tunay na buhay. Kung may sisihin man, malinaw sa mga datos na ang mababang kalidad ng implementasyon at ang kakulangan ng konsistensi sa pagpapatupad ang dapat mapagbuntungan.
Kung tuluyang alisin ang K-to-12, anong alternatibo ang ibibigay ng mga mambabatas at mga punong administrador? Inamin maging ni Pang. Marcos Jr. na hindi epektibo ang programa dahil hindi daw nito naabot ang mga pangako. Anong gagawin niya bilang pangulo? Ang bawat tagumpay at pagiging epektibo ng mga programa at kurikulum na katulad ng K-to-12 ay iniaasa ng taumbayan sa mga namumuno. Hindi sapat na dapat aminin lamang nila na may kulang. Mas nararapat na kumilos sila upang tugunan kung ano ang mga kakulangan.
Hindi na dapat tayo nangangapa sa kung ano ang dapat nating gawin sa mga problemang pang-edukasyon. Hindi rin dapat ibaling ang lahat ng pagkukulang sa isang programa o kurikulum lalo na kung may napakalaking mga ugat na problema ang marapat ayusin. Hindi na dapat sagutin ang mga “ano”, kundi simulang gawin ang mga “paano.”



Comments