Senador Ba ‘To?
- May 12
- 3 min read
Isinulat ni Kristan Gile — Alpas sa Tanikala

Ang mahirap lang, habang nagmomomblema ang marami sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mayroon tayong multong senador na pinapasahod.
Isa sa mga mataas na pampublikong opisyal ang senador. Humigit kumulang na kumikita ito ng P300,000 kada buwan. Hindi pa kabilang ang mga pork barrel, insertion, at kickback sa mga proyektong pampamahalaan. Lahat ng mga benepisyo na ito ay kapalit lamang ang pag-attend sa mga plenary hearings at gumawa ng batas para sa ikauunlad ng bayan. Pero parang hirap na hirap gampanan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang posisyong hinahawakan niya.
Habang isinusulat ito, 31 ulit ng wala sa senado ang senador. Nagtago siya nang mabalitaang mayroon na raw arrest warrant mula International Criminal Court (ICC). Sa takot na matulad kay dating pangulong Rodrigo Duterte, kinain ng kumunoy ang bato hanggang sa hindi na natin siya makita. Sayang naman. Kung totoo sana na mayroong arrest warrant, matutupad na ang panaginip ng senador. Ang pangarap niyang makasama muli ang minamahal niyang Tatay Digong. At hindi nanggaling sa akin iyan. Ani ni Senador dela Rosa noong Marso 2025, kahuhuli lamang ng ICC kay Duterte: “I am ready to join the old man, hoping that they would allow me to take care of him?” Kaya bakit nagninikluhod sa takot ang matikas na bato? Kung handa naman pala siyang samahan si Tatay Digs sa The Hague?
Ang hindi natin masikmura ay ang pagsasayang ng pera ng taumbayan para sustentuhan ang buhay ni Senador dela Rosa. Walang “no work, no pay” policy ang Senado, ayon sa tagapangulo na si Senador Vicente “Tito” Sotto III. Ngunit, handa silang amiyendahan ang patakaran ng Senado hinggil dito. Marapat lamang kung ganoon dahil kung walang sahod ang pangkaraniwang mga manggagawa kapag hindi sila nagpapakita, dapat pareho rin sa mga pampublikong opisyales. Dapat ganoon din ang gawin sa missing-in-action na si Senador dela Rosa.
Dahil sa patuloy na pagliban ng bato sa Senado, nabansagan na tuloy siyang “most absent” na senador ng mga diyaryo at pahayagan. Sa katagalan, baka hindi makalipad si Darna kung laging wala ang bato. Walang maiaabot si Ding kapag kailangan nang mag-transform ni Darna para iligtas at tulungan ang mga nangangailangan. Walang silbe ang bato. Walang pakinabang sa mga tao. Nagaaksaya ng buwis para pasahuran ang hindi nagseserbisyo. Kung sa tipikal na empleyado, awtomatikong sisante at walang sahod na matatanggap sa katapusan. Ang mahal nating si Senador dela Rosa, may libo-libong pisong suweldo kada buwan.
Pero landmark din ang nagawa ng senador sa Senado. Isa siya sa mga nanigurong hinding-hindi makakalusot ang impeachment case ni Bise Presidente Sara Duterte. Sa mga panahong nagdadalawang-isip ang Senado kung itutuloy ba nila ang pagdinig sa kaso, present ang magiting na senador para maging kalasag ng bise. Nagpakita ng parliamentary prowess ang butihing senador. Naging eksperto sa usapin ng impeachment. Ipinagtanggol ang saligang batas laban sa mga taong nais abusuhin ito. In good times and bad times, laging nariyan ang bato para sa mga pinapanatikong politiko.
Minsan matikas at makapal din ang bato. Akalain mo ba namang kahit hindi pumapasok, may lakas pa rin ng loob na mag-request sa institusyon ng bahay-bakasyunan para sa pamilya. Wow, hindi lang pang-sports, pampamilya pa. Hindi lang bato, rubbing alcohol pa! Para sa family Baguio trip, nag-request si Senador dela Rosa na gamitin ang Senate Mansion noong nakaraang Marso. Mukhang hindi pinayagan ng Senado dahil sa dahilang under repair daw ang pasilidad. Pero ibang klase ang ganoong katalasan ng ilong. Parang empleyadong hindi pumapasok, pero may karapatan pang humiling ng kung ano-ano sa amo. O hindi naman kaya estudyanteng nag-e-expect ng mataas na grado kahit absent siya buong semestre at midterms at finals lang ang pinasok. Biruin mo iyon, sa kolehiyo, lumiban ka lang ng tatlo o apat, dropout ka na. Malas lang natin, hindi akma ang mga ganoong pamantayang pangkaraniwan sa mga tulad ni Senador Bato. Sandali, senador ba ‘to?
Pagdating ng eleksiyon, bitbit-bitbit na naman ng senador ang apelyido ng mga Duterte. Ibabandera na naman niya ang kaniyang loyalty kay Tatay Digs at sa tagapagmana nitong si Sara. Natural, ihahahal na naman siya ng mga tao. Gayunpaman, sana maisip din ng nakararami na walang patutunguhan ang mga boto kung ang mauupo ay walang konsistensi sa pagtatrabaho.
Napakadaming mga batas na dapat pagdiskusyunan sa plenaryo. Ang ilan diyan, natatambakan, hindi naririnig, at walang naproprodyus na committee report. Karamihan sa mga batas na iyan ay ilang dekadang hinihintay ng mga magsasaka, mangingisda, urban worker, construction worker, tindera, LGBTQIA+, at iba pang ordinaryong tao at manggagawa. Sino ba naman sila para manghingi ng sense of urgency sa isang senador na ang dahilan kaya hindi nagtatrabaho ay baka makalaboso? Sinong magiging representante ng kanilang mga hinaing at isyung pangkabuhayan kung mumultuhin lamang sila ng mga opsiyales ng gobyerno?
Hindi lamang iyan basta boto o puwesto. Buhay, pangkabuhayan, at katayuang panlipunan ang nakataya rito.



Comments