Sakim sa Pasko
- May 12
- 4 min read
Isinulat ni Crisha Señar

Sa kabila ng lamig ng simoy ng hangin ngayong Disyembre, nangingibabaw pa rin ang nag-aalab na galit ng sambayanan tungkol sa isyu ng korupsiyon at flood control projects. Kamakailan lamang ay agaw-pansin sa taumbayan ang nag trending na Christmas caroling ng UP Symphony Orchestra. Ginawan nila ng parody version ang awit ni Jose Mari Chan na Christmas in our Hearts at binigyan ng titulong “Greed is in their Hearts.”
“Whenever I see girls and boys lumulusong dun sa street, I remember the bags ng mga nepo babies,
Whenever there’s baha na, lumulutang na their cars, lulubog… Ang Christmas, coz greed is in their hearts.
Budget sa flood control, for a bright tomorrow… Inubos, nilimas, ninakaw na, ohh gaaad.
Let’s swim, Merry Christmas, nothing beats this holiday. Mag-Noche Buena dun sa bubong, baha is all around us. Habang ang mga kurakot, lumulusong dun sa snow, the cold will never bother them, coz greed is in their hearts.”
Magkahalong tuwa at lungkot ang mababatid sa kantang ito—tuwa dahil tunay na nakakaaliw ang lirikong ipinalit sa orihinal na salin nito at lungkot dahil batid na ang mensahe ng kanta ay sumasalamin sa karanasan ng bawat Pilipino na pilit iwinawaksi ng mga nasa kapangyarihan. Ang interpretasyon ng Greed is in their Hearts ay isa lamang patunay tungkol sa pagdurusa ng maraming Pilipino dahil sa kasakiman ng mga namamahala sa gobyerno.
Unang natalakay ang kontrobersiya sa flood control projects noong Hulyo ng taong ito sa 2025 State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Subalit, makalipas ang limang buwan ay hindi pa rin nabibigyang linaw ang hinaing ng mga Pilipino ukol dito. Matatandaan na sangkot ang ahensiya ng Department of Public Works and Highways na nakapagtala ng mahigit 2, 409 kontratistang humawak ng mga nasabing palpak na flood control projects. Simula noong 2022, tinatayang nasa 118 bilyong pisong pondo ng gobyerno ang inilaan para sa mga flood control projects sa buong bansa, ngunit sa kabila ng mga inulat na kompletong proyekto, 5, 500 ang itinuturing na “ghost” projects ng pamahalaan.
Dito na pumapasok ang harap-harapang korupsiyon ng ilan sa mga kontratistang sangkot sa mga proyektong ito. Si Sarah Discaya ang isa sa pinaka matunog na pangalan ngayon. Matatandaang unang tumunog ang pangalang Discaya dahil sa kanilang YouTube vlog na nagsiwalat sa kanilang 40 luxury cars na tinatantiyang nagkakahalaga ng humigit-kumulang 450 milyong piso. Si Sarah Discaya ay chief financial officer at marketing manager ng isang contracting firm. Hindi maipagkakaila na mataas ang sahod na natatanggap ng mga nagtatrabaho para sa gobyerno, subalit hindi ito batayan upang makapag may-ari ng milyon-milyong sasakyan at ari-arian sa loob lamang ng ilang taon. Nagbunsod ito sa kabi-kabilang usapin tungkol sa magarbong pamumuhay, kapangyarihan, at pulitika na dumadaloy sa pamahalaan ng bansa.
Pinatawan si Sarah Discaya ng dalawang arrest warrant para sa paglabag ng Republic Act 3019 o ang Philippine Anti-Graft and Corruption Practices Act, na may piyansang P90,000, habang ang warrant para sa malversation ay non-bailable, ayon kay NBI Spokesperson Atty. Palmer Mallari.
Simbolo ng pag-asa para sa maraming Pilipino ang pagkakakulong ni Discaya. Pag-asang maaaring makamit natin ang hustisya at ikulong ang mga dapat managot.
Ngunit ang isang nakabilanggo ay hindi sapat sa libo-libong pamilyang naaapektuhan tuwing sinasalanta ng bagyo ang ating bansa at sa daan-daang taong nawawala at namamatay dahil sa pinsalang idinudulot ng pagbaha. Hanggang kailan titiisin ng mga Pilipino ang kapabayaang dulot ng kasakiman ng mga nasa gobyerno? Hindi sapat ang mga salitang “Dapat sanay na” at “Wala na tayong magagawa pa”, dahil kung nais talaga ng mga namamahala na pagbutihin ang pamumuhay ng kanilang nasasakupan, gagawa at may magagawa pa silang paraan upang tulungan ang bawat mamamayan.
Pasko—ang panahon ng pagbibigayan at pagpapatawad. Ginugunita sa Pilipinas ang itinuturing na pinakamahabang selebrasyon ng pasko simula Setyembre hanggang Disyembre. Sa bawat kalsada ay maaaninag ang samu’t saring kumikinang na mga parol at pailaw, sa mga bangketa nama’y mayroong mga nagtitinda ng puto bumbong at bibingka, at ang mga batang nagbabahay-bahay upang mangaroling sa mga tahanan. Subalit, dahil sa korapsiyon ay unti-unti nitong pinapatay ang diwa ng kapaskuhan. Limang-daang piso raw na noche buena ay sapat na para sa isang pamilya. Kailan pa naging sapat para sa handaan ang badyet na pang merienda? Kung kaya ng mga pamilya ng nepo babies ang maghanda ng magarbo at engrandeng salusalo, bakit magtitiis ang mga Pilipino sa corned beef, fruit salad, at pineapple juice na dadagdagan ng maraming yelo? Hindi naghahangad ng mala-fiestang handaan ang bawat pamilya, ngunit hindi rin tama na magtiis at kalimutan ang tunay diwa ng Paskong Pilipino dahil sa pangungurakot ng mga gahaman.
Panahon na ng pagpapatawad, ngunit makasarili lamang ang kayang patawarin ang mga taong bilyon-bilyon ang ninanakaw sa pera ng bayan. Huwag sana nating kalimutan ang bawat taong namamatay sa kapalpakan ng mga imprastraktura at proyektong pinondohan gamit ang pera ng mga mamamayang lumalaban nang patas.
Sa huli, ang awitin ng UP Symphony Orchestra ay isang paanyaya—na ‘wag makalimot at ‘wag manahimik sa kabila ng sapilitang pagtatago ng katotohanan. Bagkus, ating gamitin ang boses ng taumbayan upang umingay muli at pag-usapan ang kontrobersiya ng flood control. Alingawngaw ng sigaw ng taumbayan, tama na. Sobra na. Hangga’t walang nananagot sa mga sangkot sa korupsiyong ito, hindi mananahimik ang hustisya at patuloy lamang silang hindi patutulugin ng kanilang mga konsensiya



Comments