top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Sa Silangan Pa Rin Sisikat Ang Araw

  • 6 days ago
  • 1 min read

Araw-araw natutunghayan ang sikat ng araw,

Ngunit bakit tila dilim pa rin ang bumabalot sa tanaw?

May mga mata’t tainga na mulat sa kirot at sigaw,

Ngunit pinipiringan ng dahas at alingawngaw.


Labis-labis ang siphayo ng sugatang Inang Bayan,

May bakas ng dugo at luha noon hanggang sa kasalukuyan.

Mga tinig na minsang ikinulong sa piit,

Pinapatahimik ng punglo at kapangyarihang pilipit.


Subalit sa bawat pahinang pilit sinusunog,

May mga boses na muling bumabangon at dudulog.

Kung ang tao man ay tila ibong sugatan,

Tutungo sa silangan hahanap ng lunas, pagbabago ang lulan.


May mga boses na isinilang sa hinagpis,

Mga kuwentong humugot sa pait at pagtitiis.

Kung kaya’t taludtod ay bagwis ng mamamayan,

Nabubuhay mula sa abo ng nakaraan.


Sapagkat ang panitikan ay hindi tanikala,

Hindi lamang tuyong tinta sa lumang pahina.

Ito’y dalisay na dugong umaagos sa bena,

Liwanag na gagabay tungo sa paglaya.


At sa bukang-liwayway kung kailan sinag unang natataw,

May mga kathang kailanma’y hindi magugunaw.

Sugatan man ang bayan sa mahabang pakikibaka,

Patuloy na maririnig ang tinig tungo sa laya.


Isinulat ni Tristan Miras

Comments


bottom of page