top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Sa Paskong Darating…

  • May 12
  • 3 min read

Isinulat ni Kristan Gile



Hala! Magpapasko na! Kumusta ka?


Hindi masaya ang paskong Pilipino. Dahil bukod sa pamimilit nila ng 500 pesos na Noche Buena, malaya pa rin ang mandarambong at kurakot ng bayan.


Namutawi mula mismo sa bibig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bago sumapit ang pasko, tiyak na may mga makukulong sa mga nasangkot sa sistematikong korupsiyon ng flood control. Bakit bago magpasko? Christmas gift? Aguinaldo? Kung ganoon ba ay dapat magpasalamat ng mga Pilipino dahil may makukulong? Sino ba iyang mga inaabangan na makukulong?


Pero teka lang muna, huwag bastang magsaya kapag may nakulong na talaga. Alam naman nating mga pawang maliit na mga isda iyang makakalaboso. Tiyak na hindi mahahagip sa kulungan  itong mga politikong nasa Senado at Kapulungan. Kung sakaling may maikulong man, tiyak na pagkalipas ng ilang taon, malaya na naman sila. Madali lang naman kasing paganahin ang hustisya—lalo na sa mga mahihina at walang kapangyarihan. Ganoon naman talaga ang patakaran ng mga lider at namumuno sa atin. Kunwari galit sa korupsiyon, tapos sila naman pala itong mga promotor talaga ng katiwalian—gaya nina Sara Duterte at Marcos Jr. na parang “mhie” at “dhie” lang ang tawagan.


Daming papuri sa pangulo nang gawin niyang priority bills ang Anti-Political Dynasty Law, Independent People’s Commission Act, Party-list System Reform Act, at ang Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability o CADENA. Wow! Big bills! Ngunit paano makasisigurong hindi pagpapabango itong gawa ng pangulo? Kung totoo talagang kampanya ang “good governance”, bakit hindi niya inuna iyang mga panukalang batas na iyan noong pagkaupong-pagkaupo niya mismo sa Malacañang. Hinintay pa talaga na maging perya ang Kongreso at mababoy ang kaban ng bayan bago gawing prayoridad itong mga “long overdue” na batas. Puwede ba, hindi na gagana itong mga trapong galawan. Maraming nagsasabing may “character development” na raw. Kung totoo nga iyan, sana isauli muna ang bilyong-bilyong ill-gotten wealth ng pamilya nila, magbayad ng estate tax, at ikulong si Imelda para sa mga kinulimbat nilang pera ng bayan. Hindi ba at alive at kicking naman siya?


Dumako naman tayo sa hinirang ng mga Dogshow Divas Supporters o ang mga DDS—the Bastion of Anti-Corruption and the Most Trusted Government Official in the Whole Universe, the one and only in the Multiverse of the Avengers, Honorable Vice President Sara Duterte. Sabi ng mga DDS, “VP Sara, you’ve made it!” Pero VP, bilang mukha ng kontra-korapsiyon, hindi ba dapat sagutin mong boluntaryo at walang pagpapalabok ang isyu ng katiwalian laban sa inyo? Kahit iyon na lamang ang aguinaldo mo sa masang Pilipinong dapat nakinabang sa milyong-milyong pondong idinadawit sa iyo. Baka nagkaroon na ng amnesia ang iba, pero hindi pa rin namin nakalilimutan ang nakabinbin mong impeachment case. Hindi yata patas kung nagtatalumpati ka laban sa katiwalian ng dati mong ka-UniTeam kung ikaw rin mismo ay nasa parehong papalubog na bangka. Gaya ng UniTeam niyo, wala ring forever ang impunidad na nararanasan mo. Baka sa susunod na pasko, hustisya na ang regalo para sa mga biktima ninyo. 


Ang hirap kaya kapag parehong tiwali ang pagpipilian. Nasusukol sa isang false dichotomy ang mga tao. Duterte o Marcos? Kadiliman o Kasamaan? Pati ang mga pangkat na progresibo, hindi magkasundo-sundo. Transition council ba o magtiis na lang sa pamunuan ni Marcos dahil mas “lesser evil” naman siya kaysa kay Duterte? Ngunit kailangan natin lumabas sa dikotomiya ng dalawang naghaharing pangkat na ito. Hindi lamang simpleng pagpapalit lamang ng gobyerno ang makalulutas ng sistematikong korupsiyon. Bukod sa maayos na pamunuan, kailangan din ng aktibong mga mamamayan na hindi tinatanggap na normal na penomena ang pagnanakaw. Sa matagal na panahon, naging manhid na ang puso ng mga Pilipino sa katiwalian. Ngayong lantaran na at malaki na ang nakawan, doon lamang tayo nagising mula sa mahaba at mahimbing na pagkatulog. 


Ngayong pilit tayong pinapipili sa dalawang apelyidong halos pareho naman ang uri, unawain nating produkto sila ng makalumang politika. Hindi man magkaisa agad-agad ang mga oposisyon, isa lamang ang malinaw: dapat tayong umalpas sa tanikala ng mga nabubulok na institusyon at mga trapong lider. Hindi madali ang tatahaking daan natin tungo sa ideal na lipunang umiiral nang may kaayusan at kalakasan. 


Maraming kailangang isantabi. Gaya ng ayuda at sobreng may salaping ipinantatanim ng utang na loob. Kasama na rito ang kanya-kanya nating pagkiling sa personalidad ng mga politikong tila mga santong inilalagay sa altar. Huwag nating tanungin kung kailan ang pagbabago. Tanungin natin kung handa na ba tayong magsimula. 


Kaya’t sa paskong darating, managot lahat ng sangkot!

Comments


bottom of page