Sa Isang Kumpisalan
- May 12
- 3 min read
Isinulat ni Inkstar

Babala: May sensitibong mga paksa ng karahasan at pang-aabuso.
“Padre, may mabuting plano ho ba talaga ang panginoon?”
“Anong bumabagabag sa ‘yo at diringgin ko?”
“Hindi ko na po alam ang gagawin ko. Paulit-ulit akong nagkukumahog. Humihiling sa Panginoon na tapusin na ang aking pagdurusa!”
“Elena, mukhang mabigat ito. Sige, ilahad mo nang husto nang maunawaan ko.”
“Ilang beses na hong nangyari. Paulit-ulit. Tila ho baga walang katapusan. Wala ho akong ibang mapagsabihan. Ni-hindi alam ng aking butihing asawa. Ang aking mahal na asawa, sa kakatrabaho, halos di na makauwi mula sa sakahan.
“Dumagdag pa itong pasakit. Padre, hindi ko na alam ang gagawin ko. Para siyang bangungot na dumarating sa pagtulog ko. Hindi ako mapayapa! Baka tapusin ko na lamang ang aking buhay!”
“Elena, kumalma ka. Narito ako, nakikinig sa ‘yo. Magsabi ka nang totoo. Ano bang nangyari sayo?”
“Hindi ko ho siya nakita. Pero ilang gabi ng nangyayari ito. Kahit kinandado ko na ang pinto, pagpatak ng diyes oras ng dilim. Tinitingnan pauulit-ulit kung nakasara ba ang mga bintana. Mapapanatag ako nang sandali. Ngunit pagpapasok na ako sa kwarto. Naririnig ko ang mga yapak niya. Agad-agaran niya akong susunggaban at bubusalan ng panyong may kakaibang amoy, hanggang sa mawalan ako ng malay.
“Padre, ginalaw niya ho ako. Hindi ko siya kilala. Hindi ko alam kung anong gusto niya sa akin. Madilim. Hindi ko makita ang kaniyang mukha. Gusto ko na hong matapos ang paghihirap na ito. Naawa ako sa aking sarili, pati na rin sa aking butihing asawa. Ilang gabi, Padre! Ilang gabi na nangyayari ito.”
“Elena, hindi ko lubos mawari ang karumal-dumal na bagay na ito. Higit lalo na maikwento mo ang buong katotohanan. Narinig ko ang lahat ng hinanakit ng iyong puso. Narito ang Diyos, Elena. Manalig tayo. Hindi Niya tayo pababayaan. Elena, hindi bulag, pipi, o bingi ang Diyos. Nakikita Niya ang mabuti. Nakikita Niya ang masama. Alam Niya ang mga pighating dinaranas mo. Alam Niya ang lahat!”
“Kung alam Niya, bakit ho wala Siyang ginagawa? Bakit hinahayaan Niyang mangyari lahat sa akin ito? Bakit Niya ako ginawang mahina? Tinanggalan Niya ako ng lakas. Hinayaan Niyang magpatihulog ako sa bangin ng karimlan. Walang silbe ang Kaniyang nalalaman!”
“Elena… Pananampalataya, pananampalataya ang magliligtas sa atin.”
“Tapos na ‘ko sa pananampalataya, Padre!
“Noong isang gabi, alam kong mangyayari na naman ito. Kaya’t pumitas ako ng nakalalasong talbos ng bulaklak sa may sakahan. Inilagay ko isang sisidlang papel at isiningit sa puwang ng aking bestida.
“Gabi na. Alam kong paparating na ang hayop na iyon. Isinara ko ang pinto at kinandado. Isinara ko ang mga bintana. Narinig ko ang kaniyang yapak. Sinunggaban niya ko patalikod, ngunit hinarap ko siya. Dali-dali kong hinugot sa bestida ang talbos at pinahid ko sa kaniyang leeg. Halos masakal ko siya, hanggang sa mawalan ako ng malay.
“Nakakalason iyon. Nakapupula ng balat. Makati sa tuwing nahahanginan. Tutubuan ng mga butlig ang sino mang napahiran.”
“Elena…?”
“Naisip ko lang ho, Padre. Nangyari ang lahat ng ito… nang magsimula akong magserbis sa simbahang ‘to.”
“Elena… Elen—”
Tinaas ni Elena ang kurtinang naghihiwalay sa kanila ng prayle. Nasumpungan niya ang namumulang butlig-butlig sa leeg ng pari.
“Walang hiya ka!” sigaw ni Elena nang hugutin niya ang balisong mula sa bestida at makailang ulit niyang saksakin sa dibdib ang pari hanggang bumaha ng dugo ang kumpisalan.



Comments