top of page

Politikal Ang Magmahal, Radikal Kapag Tumagal

  • Jun 27
  • 1 min read

Ang kulay ng bahaghari ay hindi lang basta palamuti,

Ito ay simbolo ng kasaysayan, tapang at pighati.

Mga boses na pilit pinapatahimik at ikinukulong,

Lundayan ng takot sa lansangan.

Kapalit ng laban sa pagmamahal,

Nahusgahan na nang walang pakundangan.

Sa impyerno raw ihahalal,

Bagkus mas masahol pa ang umibig kaysa magtaksil sa sariling bayan.


Tila tanikala na nakagapos sa boses na naghihikahos,

Mga matang nakamasid at bulong-bulungan sa paligid,

Hindi mawari kung bakit nga ba naging mali,

Ang pagmamahal sa kapwa at pagpili.

Naghuhumiyaw man ang damdamin, hindi maiparating.

Daing ng puso'y kailan kaya aaminin?

Sa lipunang puno ng panghuhusga at kasakiman,

Ang ultimo pag-ibig ay hindi mapagbigyan.


Malaya raw ang magmahal,

Ngunit kapag kaparehong kasarian na ay bawal?

Paano makakamit ang malayang pag-ibig,

Kung lumang pamantayan ang kumakabig?

Mga lumang pananaw na naglilimita sa halip na magpalaya.

Ang puso't diwa ay mahina,

Para sa damdaming hindi mapangalanan at mapagsigawan,

Walang kakayahang ipahayag sa lahat nang walang alinlangan.


Sa bawat kulay na hagkan ng pagkatao,

Kaakibat ng tapang ang salungat sa mapanghusgang mundo.

Bilang bahagi ng bahaghari, ang hiling ay mabuwag ang pangmamata,

Ng mga taong salat sa pagtanggap at pag-unawa.

Ngayong hunyo, tuloy ang pagmartsa at pakikibaka,

Sa bawat kulay na ipinaglalaban,

Ang malayang pag-ibig ang magpapalaya sa bayan.

Para sa isang lipunang tanan ang sangkabaklaan.


Isinulat ni Crisha Señar

Comments


bottom of page