Piglas
- Jun 28
- 2 min read

Hindi tayo pwede.
Mga salita na paulit-ulit kong naririnig sa mga serye at pelikula. Bakit? Dahil ba kami ay kakaiba o hindi lamang kami tanggap ng mapanghusgang lipunan? “Bakla ka!” “Tomboy ka!” “Wala kang puwang sa mundo!” Pinamumukha nilang ang aming kasarian ay mali at hindi katanggap-tanggap na pagkatao.
“Kasalanan ang pagiging bakla.” “Makasalanan ka.” Galing pa ito sa mga taong nagsisimba linggo-linggo na hindi man lang matutunan ang katagang, "Pantay-pantay tayo sa mata ng Diyos." “Sabi sa Bibliya,” “Nakalagay sa kasulatan,” ang palagi nilang sinasabi. Ngunit nakasulat din na mahalin mo ang iyong kapwa at huwag kang manghuhusga.
Ang batas at pamantayan ng lipunan ay tila pader na pilit kaming ikinukulong. Sa bawat pag-abante, panghuhusga ang aming sinasalubong. Kami ay tao rin na may dangal—hindi kami basura na basta-basta niyo na lamang sinisipa at pinagtatabuyan. May puwang kami sa mundong ito, gaano man ninyo piliting kamuhian at limutin na kami ay bahagi ng lipunan na ito.
Ako’y isang sirena—kahit anong gawin nila, bandera ko’y ‘di tutumba.
Drum na may tubig ang sinisisid, naglalakihang mga braso saki’y dumidikdik. Tulad nito ang mga bulong ng tao, ang mga tawang mapang-api, at ang mga tinging nakakatakot. Ngunit sa halip na malunod sa mga ito, natutunan naming gawing musika ang bawat banat na lumalabas sa kanilang bibig. Kung ang tingin nila sa amin ay kakaibang nilalang, sige, tatanggapin namin. Kami ay isang sirena. Hindi dahil kami ay mahina, kundi dahil may kakayahan kaming lumangoy at mamuhay sa kailaliman ng dagat na kinatatakutan ng marami.
Kaya naman, anomang unos ang maranasan, diskriminasyon ang kakaharapin, at pangungutya ang maririnig, isa lamang ang aming sasabihin: kami ay patuloy na lalaban at mamumuhay nang may ngiti sa aming mga labi. Hindi matitibag ng anomang malalaki at malalakas na alon ang tibay ng aming dibdib dahil patuloy kaming lalangoy hanggang sa maabot ang aming mga ninanais.
May puwang kami sa mundo, at ang aming kuwento ay hindi matatapos sa mga pagdurusa; dahil ito ay magwawakas sa tagumpay ng isang baklang nilait, muling tumayo, lumaban, at nagtagumpay.
'Di ka sayang, 'di kailangang patunayan.
Sa mundong puno ng mga boses na mapanghusga, mga matang mali lamang ang nakikita, at mga taong nag-aabang lamang sa iyong pagbagsak—tandaan mong tanggap kita.
Hindi mo kailangang magbalatkayo o magpanggap, dahil ang tunay na pagtanggap ay nagsisimula sa sarili. Hindi mo rin kailangang humingi ng paumanhin sa simpleng pag-iral mo. Ikaw ay ikaw, at walang sinoman ang may karapatang hadlangan ito.
Itapon na sa kalawakan
Sanlibong 'bakit' na 'di matuldukan
'Di kailangang buhating mag-isa
May kasama ka, tandaan mo ‘yan. Iwanan ka man ng lahat, nandito kami upang maging iyong kanlungan. Kami ang iyong pahinga mula sa magulong mundo. Tandaan mo: 'di ka sayang.
Isinulat ni Edsteven Marasigan



Comments