top of page

Pero, bawal bang maging ganito?

  • Jun 28
  • 3 min read

Sa murang isip ko, tila napakasimple ng tanong. Katulad lamang ito ng pagtatanong kung bakit may mga batang mahilig maglaro sa putikan at may iba namang mas gustong magkulong sa silid habang nagbabasa ng libro. Katulad lamang ito ng pagtatanong kung bakit may mga bulaklak na namumukadkad sa umaga at mayroon ding pinipiling sumabay sa pagsikat ng buwan.


Ngunit habang lumalaki ako, napagtanto kong may mga tanong palang hindi sinasagot ng panahon. May mga tanong na sinasagot ng paraan ng pagtingin ng tao sa kapuwa.


“Bawal bang maging ganito?”


Naaalala ko ang mukha ng aking kababata sa tuwing bumabalik sa akin ang tanong na iyon. Ang batang masaya lamang na nakipaglaro sa akin ng barbie. Ang batang walang ibang ginawa kundi maging siya.

At marahil, iyon ang nakapagtataka. Kung paanong may mga tao na tila galit na galit sa mga bagay na wala namang inaagrabyado. Kung paanong may mga pusong kayang tumanggap ng iba't ibang kulay ng langit tuwing dapithapon ngunit nahihirapang tanggapin ang isang taong naiiba sa kanilang nakasanayan.


Bakit nga ba?


Marahil dahil mas madaling mahalin ang mga bagay na pamilyar. Mas madaling tanggapin ang mga bagay na kahawig natin. Mas madaling yakapin ang mga bagay na hindi hinahamon ang mga paniniwalang matagal na nating itinayo.

Ngunit kung iisipin, hindi ba't ang buong daigdig ay nabuo mula sa pagkakaiba? Ang mga bituin ay hindi magkakapareho ng ningning. Ang mga dahon ay hindi magkakapareho ng hugis. Maging ang mga alon sa dagat ay walang iisang anyo. Subalit kailanman ay hindi natin hiniling na maging pare-pareho ang mga ito upang matawag na maganda.


Marahil dahil nauunawaan natin na ang kagandahan ay hindi nasusukat sa pagkakapareho. Ngunit pagdating sa tao, madalas nating hinahangad na magkasya ang lahat sa mga hangganang matagal nang iginuhit ng lipunan. Para bang sapat na ang iilang katawagan upang ilarawan ang lawak ng pagkatao. Para bang may nakatakda nang hulmahan kung paano dapat kumilos, magmahal, manamit, magsalita, at makilala ang sarili.


Ngunit ang tao ay hindi kailanman naging ganoon kasimple.


May mga kuwentong hindi magkasya sa mga pangalang ating kinalakhan. May mga damdaming hindi maikukulong sa mga kahong matagal nang ipinasa sa atin ng nakaraan. May mga taong natatagpuan ang kanilang sarili sa mga landas na hindi natin dinaanan, at may mga pagkakakilanlang hindi agad maunawaan ng mga mata na sanay lamang tumingin sa iisang direksiyon.


Kaya nakalulungkot isipin na kung kailan tao na ang pinag-uusapan, saka natin gustong magkaroon ng iisang hulmahan—isang anyo, isang kilos, isang paraan ng pag-iral. Na para bang ang pagkatao ay isang kasuotang maaaring ipatahi ayon sa gusto ng iba.

Ngunit ang pagkatao ay hindi tela. Hindi ito maaaring tabasin upang magkasya sa paningin ng nakararami. Sapagkat ang bawat tao ay dumarating sa mundo na may sariling himig, sariling kulay, at sariling paraan ng pagkinang.


At marahil, ang pinakamalungkot na pangyayari ay hindi ang pagiging iba, kundi ang pagpilit sa isang tao na ikubli ang mga bahaging nagbibigay-buhay sa kaniyang pagkatao.


Dahil ano ang mangyayari sa isang ibong pinagbawalang lumipad? Sa isang awiting pinagbawalang marinig? Sa isang liwanag na pinilit ikulong sa loob ng madilim na silid?

Maaari silang manatiling buhay. Ngunit unti-unti silang mawawalan ng dahilan upang magningning.


At marahil, iyon ang trahedyang hindi nakikita ng marami. Hindi ang pagkakaiba ng isang tao, kundi ang mga pangarap na napipilitang manahimik. Ang mga ngiting natututong magkubli. Ang mga salitang hindi mabigkas. Ang mga bahagi ng pagkataong unti-unting nilulunod upang makuha lamang ang pagtanggap ng mundo.


Kaya hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin ang tanong na minsang isinilang sa pagitan ng isang sampal at isang pagtangis.


“Bawal bang maging ganito?”


At sa tuwing pinagninilayan ko ito, iisa lamang ang sagot na marahang bumabalik sa akin.


Hindi kailanman naging kasalanan ang maging totoo sa sarili.


Sapagkat ang mundo ay hindi gumaganda dahil lahat tayo ay magkakapareho. Gumaganda ito sa tuwing may taong pinipiling maging totoo sa kung sino siya—kahit pa may mga matang tumatangging umunawa.


Dahil sa huli, hindi ang pagkakaiba ang dapat katakutan.


Ang dapat katakutan ay ang mundong masyadong nasanay sa paghusga, hanggang sa nakalimutan nitong may mga pusong nasasaktan sa bawat pagtatangkang gawing mali ang isang bagay na hindi naman kailanman naging kasalanan.


Isinulat ni Ronelin German


Comments


bottom of page