top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

PAYBTAWSAN!

  • 6 days ago
  • 7 min read

‘Yung aking secret weapon kapag medyo malayuan ‘yung biyahe ko, kaunting barya. 13 piso, swak sa isang biyahe ng dyip kung hindi ko trip mag-bisikleta papunta sa kung saan. Kasi kung titingnan, maalinsangan sa daan, amoy-usok sa paligid-ligid, at nangangalay din ‘yung mga payat kong binti kaka-pedal. Paahon pa naman ‘yung ruta ko. ‘Pagdating ko sa eskuwela, para akong nakipaglaban sa sampung kabayo. Kung mag-dyip ako, para lang akong nakipaglaban sa isa.


Noong kabataan ko bago ako lumipat sa Maynila, mayroon akong kapitbahay na jeepney driver. Kakaiba ‘yung dyip nu’n, ‘yung Patok. Mataas ‘yung pintuan sa likod, mahaba ‘yung upuan, matulin ‘yung takbo kasi pang-resing daw! ‘Ba, kung magkakamali ng hakbang eh mahuhulog ka sa lansangan nang una ang batok. Kapag pumaparada siya duon sa may dulo ng eskinitang tapat namin, sa lapad ng dyip niya, parang nabarikada ‘yung buong daan. Tapos may parang ringtone pa ‘yan na matinis kapag pumapaurong, katunog ng Lambada. Ano na kaya ang nangyari sa dyip niya ngayon?


Siguro ‘yung medyo magulong kapaligiran ng dati kong tinitirhan ‘yung nagtulak sa akin sa pagkatuto ng mga sasakyan. Punong-puno kasi ‘yung mga daanan sa amin ng kung ano-anong sasakyan. Kapitbahay, dyip na Patok, minivan na abandonado, motor na nakalagay sa tabi ng bahay ng manok. Lumang tanawin kada Linggo ‘yan, ‘sabay sa kape’t spaghetti na may kesong binili sa talipapa. Mahihilig ‘yung mga kapitbahay ko sa pagbubutingting, kaya nahawa ako. 


Nung lumipat kami dito sa Maynila, nagbago rin ‘yung daloy ng paligid. Mas tahimik dito kaysa nung sa una naming tinirhan, ni kahit ingay ng jackhammer at grinder ay wala kang maririnig. Parang walang tao, kasi walang lumalabas kapag umaga. Sasakyan lang ang dumadaan, sa hapon pa ang marami. Sa utak ko, “‘ba, parang ghost town”. Katabi namin ‘yung ospital sa amin, kaya siguro walang maingay. Baka may magising kami. Tatlong taon na kaming nandito sa gitna ng kawalan. Nami-miss ko ‘yung ingay sa dating amin.


Eh, nu’ng nagkaroon ng giyera duon sa Gitnang Silangan, sabi ko sa lola ko nu’n, “Kung mag-bisikleta kaya ako?” Tumataas ‘yung presyo ng gaas, diesel, pati ‘yung tangkeng paglulutuan ay baka mamaya’y bigla na lang maubos at hindi na makabili dahil sa sobrang laki ng taas-presyo. Payag naman sila, pero ang problema lang, medyo matatakutin ang binatilyong ito pag makakakita ng sasakyan sa kalye! Baka babangga ako dito, wala akong pambayad para diyan. Hindi ako p’wedeng sumemplang, baka mapisat ‘yung katawan ko habang wala ako sa ulirat. Hay.


Gawa nang medyo kuripot, sige. Hataw. Nagbisikleta pa rin ako kahit may takot ako sa traffic. Nu’ng una kong subok, pinagsisihan ko agad. ANG INIT! 


Tapos, nabutas pa ‘yung gulong ko. Hindi man lang naka-kalahati ng daanan papuntang eskuwela. 


Bumalik ako sa pagdi-dyip. Baka kasi sa paulit-ulit kong subok, kung hindi man ako mabundol, makabundol, o kaya naman ay masiraan, ay magmukha akong tinalo ni Son Goku sa suntukan. Aminin natin, mas kumportable naman talaga ang biyaheng sasakyan, mapa-dyip pa ‘yan o taxi. May libreng hangin pa na galing labas. Kaunti lang naman ‘yung gagastusin. 13 piso mula bahay ko hanggang eskuwela, tapos isang beses isang linggo papasok ng pisikal. Bente-sais para sa buong linggo, parang wala pang isang pastil ‘yan kung tutuusin. ‘Liit na bagay.


Siguro, sa akin, maliit. Hindi naman ako ‘yung nagmamaneho.


Mahigit sandaang piso na rin ‘yung presyo ng diesel, dinig ko sa mga tsuper na nakakausap ko sa umaga. Kung minsan daw, parang hindi na kinakaya ng ordinaryong kita. Sa ulo ko, ‘yan din ‘yung dahilan kung bakit gusto kong mag-bisikleta eh. Tataas ang presyo, tataas ang pasahe, tataas ang pagkain. Baka may p’wedeng ipaubaya para sa kaunting barya. Sa iisipin nila, parang hindi rin makatarungan ‘yung ganitong taas-presyo. Pagkain na nila iyan sa isang araw, eh. Mauubos pa sa boundary saka sa pampa-full tank. 


Nagkataong napag-usapan na rin lang ‘yung pampa-full tank, may PHP 5000 raw na pinamimigay ng gobyerno para sa kanila. Sa isip-isip ko, parang hindi yata tatagal ng isang buwan. Baka nga isang linggo lang, wala na. Araw-araw kaya silang bumabiyahe! Mahigit walong oras pa ang pasada nila sa isang araw. 


Nu’ng nakita ko ‘yung mga tsuper uli, medyo masaya naman sila na kahit paano’y mayroong kaunting grasya, pero alam din nilang mawawala din ‘yun sa bawat segundong kailangan nilang magpa-gas, mag-boundary, kumain, at pumasada uli. Ngayon mayroon, baka bukas, kalahati na lang, o baka sa susunod na araw, ikapu na lang ‘yung natira. Tapos, ipapambayad pa ‘yun sa iba pang bagay. Wala na ulit. Wala pa ‘yan sa kalingkingan ng dignidad ng mga tsuper ko.


Kahit magsisisigaw sila sa kalye ng paghingi ng tulong, walang nakikinig. Paulit-ulit silang tinatawag ng lansangan, magtrabaho ka na lang nang paulit-ulit, dahil ano pa bang maaaring gawin kung hindi iyun lang. Sa pakiwari nila’y wala naman ding magsasalba sa kanila kung hindi sila din lamang pati ang republikang kanilang dinadala sa kanilang likuran.


Parang gameshow eh, ‘no. Paybtawsan for ebriwan. Walang dahilan, nandiyan na lang. Mawawala din sa mga susunod na araw na parang walang nangyari… sa isip-isip ko, napakalaki naman ata ng kawalan ng kontrol natin sa sarili nating mga polisiya. Nahuhuli ko ‘yung sarili ko minsan, iniisip kung gaano ba kalaki ang epekto kung sakaling kumuha pa ako ng diskwentong pang-estudyante sa dyip, kung gawin kong 11 galing 13 ang binabayad kong barya. Eh, ‘wag na. Kaunti na nga lang ‘yung kita, aagawan pa.


Mainit sa harapan ng dyip. Harang ‘yung windshield sa hangin ng tsuper, pati ‘yung pasaherong katabi ay damay. Tuloy, kapag tumatakbo na, lahat ng hangin ay napupunta sa gilid. Natatawa ako kung minsan, kasi kahit ganu’n, parang maning-mani ng mga tsuper itong ganitong klase ng kalakaran mula umaga hanggang gabi. Mala-superhero ‘yung tibay ng katawan sa ganitong klaseng panahon. Kung ako, parang kumalaban ng kabayo kahit sumakay na ng jeep, sila’y parang bagong gising lang kahit sila mismo ang nagmamaneho. Relaxed.


Kahit mainit sa harapan ng dyip, paborito ko ‘yong upuan. Mabilis makababa, mas kita ‘yung daan, saka ‘kita ko kung paano mina-maniobra ‘yung sasakyan. Mahilig ako sa mga sasakyan, itong mga tsuper na ito ay parang maestro sa isang espesyal na sining na sila lang ‘yung kayang gumawa. Maging mathematician habang nagmamaneho ng matandang manual. Hindi ko kaya ‘yan.


Sa harapan kasi, kita mo ‘yung kamay sa manibela (yung kalahati ng kamay ay may hawak-hawak na perang papel), ‘yung kabilang kamay sa kambyo pati sa preno de mano, tapos ‘yung dalawang paa na parang nagbi-breakdance sa silinyador, preno, saka sa clutch. ‘Yung mala-sayaw na galawan nitong mga swabeng tsuper sa tuwing mag-memenor dahil may pumara, habang may kinukuwentang pamasahe, kay gandang panoorin. Matatalino din sila!


Para akong kinikiliti ng mga ganitong maliliit na bagay. Lumaki kasi ako sa ingay ng makina at hanggang ngayon, kahit wala na iyon sa paligid ko, hindi pa rin nawawala ‘yung aking pagkahilig. Gusto ko nga ring matuto kung paano makapagmaneho ng old-fashioned na manual sa mga dyip. Magiging kasing-cool ko ‘yung mga tsuper sa kalsadang hindi marunong mapagod at mag-atubili. Kahit mayamang karerista at marangyang sports car eh, walang palag sa amoy ng pinaghalong alinsangan ng kalsada at tapang ng diesel na dumiidkit sa katawan at damit. 


Nitong mga nakaraang araw, dahil napapadalas ‘yung paglabas-labas ko ng bahay, mas napapadalas din ‘yung pagsakay ko sa dyip. Natuto na ako na huwag mag-bisikleta kapag tanghaling tapat. Masarap sa pakiramdam ‘yung hangin. Iniisip ko kung minsan, kung gusto ba ng mga tsuper na maging pasahero na lang din, o kaya naman ay maglakad na lang sa malayo nang walang kailangang kumpunihin at gastusan, o kaya naman magbisikleta na lang kahit tirik ang araw. Mahirap ang trabaho sa ganitong kalakaran, lalo na’t ‘yung salaping inuuwi ay hindi naman napupunta sa pangkabuhayan.


Pero alam naman natin sila. Primera, segunda, trisera lang nang mag-uli. Kabig lang nang kabig.


Kesehodang magutom, maubusan ng langis o maski mawalan ng panggastos sa sariling hapunan, hindi nila ibibigay ‘yung kanilang pangkabuhayan dahil lang sa mga madilim na nangyayari sa paligid. Buhay na nila ‘yun. Kung aagawin pa ‘yun, parang tinanggalan mo ng bapor ang isang kapitan. May kakaibang kasiyahan sa katotohanang mahirap ang buhay ngunit palagi silang mayroong babalikan para maka-waltz sa araw-araw, ‘yung kanilang dyip. ‘Yung kakaibang kasiyahan sa kanilang katiyakang hindi sila iiwan ng kaisa-isa nilang makinaryang subok na ang tatag sa iilang taon ng pamamasada.


Mabigat para sa kanila, alam nilang may maling nangyayari at baka isang araw ay wala na silang maiuwi. Kasabay ng bawat ikot nila ng manibela’y isang tahimik na panalanging naghahangad na sana bukas, maging ayos na ang lahat at wala nang kailangan pang habulin. Hanggang wala pa iyon, kontento muna sila sa pakikipagkuwentuhan at pagpapatuloy ng kalakaran sa kanilang nakasanayang takbo. 


‘Yung kumakalansing kong mga secret weapon sa pitaka kong halos wala nang laman ‘yung bumubuhay sa mga cool na tsuper na ito. Alam ko ‘yung mga ngitian nila kapag may nagsasabing “sa inyo na po ‘yong sukli”. ‘Yung kakaunting extra, kapag nagdadagdag, kasya na sa pagkain ng isang buong araw, bayarin para bukas, school supplies kung may anak na nag-aaral, at saka pang-asikaso ng pang-ayos sa piyesa.


Alam ko ‘yung mga ngitian ng mga cool na tsuper kapag may pinatutunguhan ‘yung perang pinaghirapan sa ilang kilometrong minamaneho. ‘Yun naman kasi lagi ang dahilan kung bakit sila nasa lansangan. Masarap sa pakiramdam na may nakikita silang paglalaanan ng pawis. Walang katumbas ‘yun. Kahit mumunting tulong ng gobyerno na lilimanlibong piso, walang palag sa kasiyahang naidudulot ng katotohanang may napaglalaanan sila ng kanilang pagod.


Idaraan sa biro ang hirap, kakaladkarin na lang ng gulong ang bigat ng kasalukuyang panahon. Alam mo naman itong mga tsuper na ito, kung nagagawa nilang makapagdala ng isang buong republika sa kanilang likuran, sisiw na sisiw ang ganitong mga pagsubok. Kahit sa sobrang liit ng lilimanlibong pisong tulong, iraraos pa rin ang araw. ‘Yung mga manibela nilang makinis na makinis sa loob ng ilang taong pagkidkid ng pawis at balat, ‘yung mga pedal na wala nang marka sa ilang taong pagrurumba, at ‘yung mga kamay na mabuto na dahil sa tigas ng kambyong hawak, d’yan lamang sila sigurado. 


Kahit man gumuho ang buong mundo, alam nilang may kakargahin at kakargahin silang tao. Mga inang galing sa trabaho, estudyanteng pasado at estudyanteng walang grado, mga taong may kaniya-kaniyang kinakargang bagahe at mga taong may kargang pag-asa, mga gamit na magpapanatili sa kanilang buhay. Kakargahin nilang lahat iyan sa saliw ng musika ng makinang matanda, galaw ng paang mas mabilis pa sa kidlat, matang kasintalas ng agila sa dilim. Isang buong republika ang dala ng mga tsuper na ito sa araw-araw na ginawa ng Diyos. 


D’yan lamang sila sigurado. Hindi mauubos ang taong may pupuntahan at uuwian.


Sa kanila, madilim ang panahon, pero dahil hanggang ngayon ay sumasakay pa rin ako, mga kaibigan ko, mga magulang ko, at iba pang mga hindi ko kakilala at katukayo, hindi mamamatay ang industriyang kanila nang dadalhin hanggang sa tuluyang huminto ang kanilang mga makina’t gulong. Hiling lang, sana bukas, okey na ang lahat. Hangga’t wala pa sila roon, ipagpapatuloy muna nila ang paghahatid ng isang batalyong katao sa kanilang mga destinasyon. Ipagpapatuloy muna nila ang sayaw ng kanilang buhay sa lansangan. Maghahatid sa kung saan-saan.


Ngingitian pa rin nila ‘yung mga secret weapon kong kumakalansing. Kahit hindi man ‘yon buong paybtawsan.


Isinulat ni Charlie Comendador

Comments


bottom of page