Para Kay P
- Jun 28
- 3 min read

Ako si P.
At mahal ko si P.
Katulad ng aming pamantasang pinagdugtong ng letrang u—PUP—pipiliin kong bumalik sa piling ng isa't isa. Kahit saan ako pumunta, handang mag-U Turn bumalik lamang sa kaniya. Pero sa kalsada ng Maynila, hindi ka pwedeng lumiko ayon sa gusto mo. May batas ang mundo, kaya kailangan mong maghintay...
Nang maghintay...
At maghintay.
Kalahati na ng semestre nang matanaw ko ang iyong ngiti. Sa paraang nangungusap ang iyong mga mata, nagniningning ang iyong presensya. Hindi ako maarte sa tuwing aayain mo akong pumunta sa Lagoon at hindi ko susundan ang iyong anino. Takot lang akong maligaw at hindi na kita matanaw sa likuran ko. Magsalisihan man sa catwalk at kalsada ng Teresa, walang panahong hindi kita inabangan. Buo na ang loob kong mahalin ka saan man tayo dalhin ng ating mga paa.
Lumipas na ang dalawang semestre, ngunit nanatili tayo sa pagsulyapang tila panahon ng sariwang taon kay Sinta. Hindi ako torpe sa mga sandaling tinatanggihan kong ihatid mo ako sa LRT Pureza. Naghahari lang ang takot sa aking puso dahil pareho tayo ng kasarian. Kahit mag-aya ng gala ang buong tropa, gusto ko mang sumama pero hindi na lang. Sapagkat sa paborito mong asignaturang kasaysayan, kailanman hindi namayani ang dalawang hari sa isang kalupaan.
Lumikdaw ang panahon, sabay ng paghihintayan natin sa mga mensahe ng isa't isa. Wala akong rason para sa pag-iwas at pag-aalinlangan, at wala rin akong dahilan para magdabog sa kalawakan na wala ako sa larawan sa GC katabi ka. Sadya lamang na side characters tayo sa mundong ito, at dumating kang hindi pa ako handa. Pero hindi talaga tama na sumulat pa tayo ng vows para sa kasal-kasalan, kahit ang tingin ng iba sa atin ay kasalanan. Wala tayong reception bukod sa mga upuan ng gymnasium, tumutugtog ang mga awit ng pag-ibig, sabay ang himig ng tibok ng ating puso.
Singsing na lang, magiging tayo na. Subalit walang makapapaliwanag—siyensya man o teorya—sa unti-unti nating pagkawala sa bisig ng isa't isa. Na ang huling uwi ko na pala mula sa saglit nating pagsulyapan ay huli na rin nating pagkikita. Kahit komunismo nga'y hindi na tayo mapag-iisa, dahil sa kapitalistang bansang ito, pribilehiyo ang magmahal nang malaya. Walang kaso ang maghawak-kamay sa tabi ng Jollibee o tarangkahan ng Ninoy Aquino Building, ngunit mapapaisip ka rin saan tayo dinala ng mga ideolohiya ng lipunan.
Kaya tatakbuhan kita ngayon. Lilisanin ko ang apat na sulok ng kwarto maiwasan ka lang. Magtatago ako sa likod ng pila upang hindi ka masilayan. Lilipas ang panahon at hindi na rin kita matatandaang abangan. Dahil marahil brutal ang lipunan, kasalanan kong limutin ang vows na ginawa natin, at para sa akin, ang singsing sa aking daliri ay simpleng palamuti na lamang.
Sana kayanin kong hindi lumihis ng daan…
Na kung darating ang panahon na hindi na tayo magkasama, at magtatagpo muli bilang estranghero sa pasilyo ng Maynila, huwag kang mahiyang bumati at ngumiti.
Na matapos ang sampung taon, kung pipiliting sumiksik ng iyong anak na kumaway sa tanglaw ng kapighatian ng mundo nating dalawa, huwag mo siyang pigilan.
Na kung ang vow mo para sa atin ay inialay mo na sa iba, huwag kang lilingon at umihip ng pagkabahala.
Ako si P. At salamat kay Sintang pamantasan na pinagdugtong ang kapalaran nating dalawa. Pero dahil may batas ang mundo, tititig na lamang ako sa kawalan habang nakikinig sa paborito nating kanta at magpapasalamat. Dahil ang panahong ginugol natin ang bente kwatrong oras sa harap ng Obelisk, tangan ang kaluwalhatian ng pag-ibig at pagsinta, ay alaalang mananatili sa akin kailanman.
Isinulat ni John Kenneth Dapitan



Comments