top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Paparatíng na perwi-Shaw Boulevard Station

  • May 12
  • 3 min read

Isinulat ni Sherwin Kien Bruzon – Púnto de Mása



Biruin mo ‘yon, ang dami nang nangyari sa’yo—gumising nang maaga, pumila nang mahaba sa sakayan, naipit sa mabigat na traffic, at naglakad nang malayo—bago pa makarating  sa estasyon ng tren, tapos puro kalokohan ang madaratnan mo? Over naman sa pangri-ragebait…


Hindi talaga nawawala sa balita ang mga aberya sa pampublikong transportasyon. Kagaya nitong ika-8 ng Pebrero nang mag-viral ang post onlayn ng isang komyuter sa isa sa mga escalator ng Metro Rail Transit (MRT) Shaw Boulevard Station, kung saan makikita ang karatulang may nakasulat na, “Each step you climb is a gift to your heart, lungs, and muscles.” 


Umani ito ng sari-saring reaksiyon ng pagkadismaya at pagkagalit ng mga netizens—dahil sino ba namang hindi? Saka kahit pa naglabas ng pahayag ang pamunuan ng MRT-3 na agad itong ipinatanggal, at hindi umano ito sumasalamin sa kanilang posisyon, hindi nito maikukubli ang katotohanan: Sa kanila mismo nagmumula ang parehong pangmatagalang problema at pansamantalang solusyon.


Humingi ang DOTR-MRT-3 ng paumanhin; anila, mahalaga sa kanila ang pakikinig sa mga hinaing ng mga pasahero ukol sa aksesibilidad, kaginhawaan, at kaligtasan ng mga komyuter. Ngunit malinaw din na walang bisa ang salitang hindi ginagawa. Kung tunay nga ang mabubulaklak na pahayag, bakit pinagpapatuloy ang mga inisyatibang hindi maayos na napag-usapan? 


Gumagana naman daw ang lahat ng escalators. Pero nakapag-isip ng pahayag, na-layout, na-print, at naisabit ang ganiyang karatula? Kung anong nilinaw ng pagkaimprenta, ‘yon ang nilabo ng mensahe. Kung maayos nga ang mga escalator na ‘yan, una pa lang ay hindi na maiisip na magkaroon ng ganiyang adbokasiya.


Sige. Nandoon na tayo sa panghihikayat para sa ikabubuti ng kalusugan. Ngunit hindi ‘yan para sa lahat. Paano ang mga may kapansanan at mga senior citizen? Paano ang mga taong hapong-hapo na sa layo ng nilalakad araw-araw? Sa totoo lang, kapag komyuter ka, hindi ka naglalakad nang parang nasa Luneta—kailangang magmadali kasi may hinahabol na oras. Nakahihingal ‘yon.


At bukod sa isyu sa karatula ng naturang estasyon, nag-viral din noong ika-11 ng Pebrero ang larawan ng mga tauhang ginawang “standee” hawak-hawak ang tarpaulin upang gabayan ang mga mananakay patungo sa mga gumaganang escalator.  Ani ng mga suki ng estasyon, hindi lang ito isang beses nangyari. Ginawa ito ng mga tauhan dahil sa bisa ng pag-uutos na hindi makatao at mapagsamantala. 


Kaya sa kasunod na araw, bukod sa paghinging muli ng tawad ng pamunuan, ipinag-utos ni DOTr Secretary Banoy Lopez ang pag-refer sa MRT-3 Disciplinary Committee ng lahat ng mga sangkot sa naturang isyu para sa imbestigasyon at sa maaaring parusa na makaharap.


Gayunpaman, hindi sapat ang paulit-ulit na paghingi ng tawad sa kasalanang paulit-ulit ding ginagawa. Sa halip na tugunan ang problema mula sa pinag-ugat nito, kung sa halaman, pinayayabong pa. Ganiyan ba talaga kapag hindi direktang apektado? 


Sana naiisip din ng may awtoridad diyan sa estasyon na ang mga pinaglilingkuran nila ay ang mismong komyuter at manggagawang nagpapasahod sa kanila. Malalang sistema na ng transportasyon ang iniinda ng taumbayan, ngunit patuloy pa ring kumakayod para sa pamilya at ekonomiya. 


Magkaroon sana tayo ng hiya at pananagutan sa bawat isa na pare-parehas lang iniraraos ang araw-araw. Ginagawa ng mga mananakay ang bahagi nila sa pagbabayad, at hindi lamang iyon para makarating sa pupuntahan nila; kalakip din nito ang kahit papaano’y maayos at ligtas na biyahe sa murang halaga. 


Alam niyo, isa lamang ito sa marami pang suliranin sa sektor ng transportasyon—sa halip na mabawasan, nadaragdagan pa. Hindi sapat ang palaging pagpapaalala na mag-ingat sa mga mandurukot, kung palagi ring ninanakaw ang kaban ng bayan na dapat sana’y mapunta para sa makataong serbisyo-publiko.


At kung may nakakatakot pa bukod sa mga mandurukot, ‘yon ay ‘yong mga taong tumutugon sa problemang hindi nila pangunahing nararanasan.  


Kung talagang may malasakit ang pamunuan ng estasyon sa kalusugan ng taumbayan, huwag lamang nilang bigyan ng gamot ang taong may sakit na; tulungan nila itong maiwasan. 


Hindi lamang sa pagbibigay ng gamot ang malasakit sa kalusugan, kundi sa pagtulong din kung paano iiwasan ang sakit. Sa madaling salita, hindi kailangan ng solusyon kung pipigilan ang problema. 


At sa huli, ipaaalala ko lang: mas matimbang ang gawa kaysa sa salita; kailangan ang maayos na serbisyo, hindi ang perwisyo. Dahil hindi kami nagbabayad ng buwis para magtiis.

Comments


bottom of page