top of page

Pagiging

  • Jun 27
  • 1 min read

Noong una,

akala ko ang paglaki ay parang pagtubo ng puno—

may direksyon, may hulma,

at may nagsasabing ganito dapat ang anyo ng mga dahon. 


Ngunit habang lumalalim ang panahon,may mga damdaming hindi mawari ng kahapon.May mga salitang tila ayaw magpaliwanag,at mga katahimikang mas nagbibigay liwanag.


May mundong sanay sa mga guhit at sugat,na tila bawat nilalang ay dapat iisa ang tugon.At kapag lumihis nang kaunti ang galaw,maraming mata ang kusang lilingon.


Kaya natuto akong maging hangin at anino,manahimik at magkunwaring buo.Hindi dahil wala akong nais sabihin,kundi may mga bagay na sarili muna ang dapat dinggin.


Ngunit ang panahon ay hindi humihinto,hindi nito tinatanong ang ilog kung saan ito tutungo.hindi rin nito pinipilit ang bulaklak mamukadkad.Dahil ang bawat usbong ay may sariling oras ng paglaladlad.


At doon ko naunawaan,

hindi pala kailangang lahat ay pangalanan.Na ang paglaki ay hindi karerang dapat tapusin,kundi daang unti-unting pinipiling tahakin.

Hindi kailangang baguhin para matawag na tama.Hindi kailangang ituwid para tanggapin ng iba.

Na may mga kulay akong inakalang bawal isuot,hanggang sa napagtanto kong ako pala ang bahaghari.


Isinulat ni Precious Adrianne Sarsagat


Comments


bottom of page