Pa’no si Praybeyt Titser?
- May 12
- 4 min read
Isinulat ni Kristan Gile — Alpas sa Tanikala

Sa mahabang pila ng mga nagnanais makapasok sa DepEd, may mga titser na nagtitiis sa mababang pasahod at benepisyo.
Matagal nang ikinakampanya ng mga guro ng Department of Education (DepEd) ang pagpapataas ng sahod. Kasama sa bigat ng trabaho ng pagtuturo ang mga dagdag na gastusin sa paggawa ng instructional materials, mga gagastahing pera sa pagprepara ng class demonstrations at observations, at iba pang mga gawaing pampaaralan na napipilitan silang maglabas ng pera mula sa bulsa.
Kung tutuusin, maraming mga baguhang guro ang gustong-gustong makapasok sa DepEd dahil sa subsidiya at mga benepisyong maibibigay nito. Gayunpaman, nanatiling malaking pagsubok sa buhay nila ang pagsabayin ang mabigat na responsibilidad ng pagtuturo at ang mga pangangailangang pampinansiyal. Marami sa kanila ang nalulubog sa mga patong-patong na utang. Imbes na ibigay ang 100% ng kanilang oras sa pagtuturo, napipilitan silang rumaket at kumuha pa ng ibang trabaho. Iba-ibang dagok ang ipinupukol sa mga guro sabay pa ng pagsalo nila sa mga sisi ng magulang at mga tao sa internet dahil sa lumalalang krisis ng edukasyon.
Upang maging pakonsuwelo sa mga titser na patuloy na nagtiya-tiyaga sa sistema ng bansa, nagkaroon ng adjustment sa pasuweldo ng mga pampublikong opisyales na kinabibilangan din ng mga DepEd titser. Sa executive order ni Pangulong Marcos Jr. noong 2024, nagkaroon ng dagdag sa mga sahod ng iba’t ibang salary grade levels. Ang problema lang, halos isang libo hangga limang libo ang naidagdag. Halimbawa, kung ang isang opisyales ay nasa salary grade level 11—mula P27,000 tumaas lamang ng bahagya ng P28,512. Sa 2nd hanggang 4th tranche naman tataas ito mula P28,512 hanggang P33,387 alinsunod sa Salary Standardization Law noong 2019.
Nakakatakam ang pagtaas. Parang naging mabait at galante ang pamahalaan. Kaya akala tuloy ng marami, mayaman na mayaman ang mga titser dahil sa taas-sahod. Ngunit ang nakaliligtaan ng nakararami, hindi agad-agad itong tataas. Kada taon lang magkakaroon ng maliit na pagbabago. Malamang sa malamang, tumaas na ang presyo ng bilihin, ang presyo ng langis, at nagmahal na ang mga serbisyo. Ang ilang mga libong paunti-unting taas-sahod, kakainin lang ng implasyon. Sa huli, kapos pa rin si titser. Bakit na lang hindi agarang itaas sa nakabubuhay na halaga?
Kung hikahos na ang mga pampublikong guro sa pasahod, paano naman si praybeyt titser? Hindi sila kasama sa estandardisasyon ng pasahod dahil pawang mga pampublikong opisyales lamang ang sakop nito. Dahil sa uring ekonomiya at polisiyang mayroon tayo, malaya ang mga pribadong paaralan at unibersidad na magtakda ng pasahod na karaniwang nakabatay lamang sa minimum wage. Hindi pa natin pinag-uusapan dito ang provincial rate na isa ring isyu kung bakit mababa ang suweldo ng mga manggagawa. Mula sa datos na nakalap ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), ang karaniwang sahod ng mga praybeyt titser sa Metro Manila ay naglalaro sa halagang P17,000. Sa ibang probinsiya, maaring bumaba ito ng P10,000 dahil iba ang reyt ng pasahod batay sa minimum wage.
Ang depensa ng mga pribadong paaralan, hindi sila makapagpataas ng sahod dahil nakabatay din ito sa kung magkano ang kinikita nila. Binabase rin nila ang pasahod sa halaga na binabayad na matrikula ng mga magulang sa pagpapaaral ng kanilang mga anak. Anang naman ng ACT, kailangan may gawin ang pamahalaan upang solusyonan ang mababang pasahod sa mga praybeyt titser. Ang DepEd ay may isinasagawang subsidiya para sa mga pampribadong guro na nagkakahalagang P2,000. Kulang na kulang na tulong para sa mga gurong biktima rin ng pagbabago ng ekonomiya at implasyon. Sa sahod na P17,000 at P10,000 kakaltas pa rito ang mga bayarin para sa benepisyo, utilities, pagkain, pamasahe, at ang epekto ng 12% na value-added tax sa mga bilihin.
Ayon sa IBON Foundation noong Enero 2026, ang living wage o ang makatao at nakabubuhay na sahod ay P27,196 kada buwan. Kung sa P17,000 na sahod kulang pa ng halos P10,000. Sa P10,000 naman, kulang ng tinatayang P17,000. Saang kamay ng Diyos kukuhain ng mga praybeyt titser ang panggastos sa araw-araw?
Natural para sa mga guro na nagsisimula ang pumasok sa pampribadong paaralan. Kumbaga, training at practice muna. Dahil nais ng lahat na pumasok sa DepEd para sa mas mataas na pasahod at benepisyo. Ang sistema, maraming nagkukumahog na makipagkompetensiya para sa mga “item” at makapagturo sa pampublikong paaralan. Ang iba, napililitan na magtiis na lamang sa mababang pasahod ng mga pampribadong paaralan kaysa magsayang ng oras sa pag-a-apply sa DepEd. Hindi sana magiging problema ang mga ito kung itinataas naman ang estado ng kabuhayan at pasahod ng mga praybeyt titser. Kahit nasaan man ang guro, pampubliko o pampribado, guro pa rin sila. Pareho silang sumusunod sa itinatakda ng sistema ng edukasyon ng bansa. Nagtuturo sila sa ilalim ng lumalalang krisis ng edukasyon ng bansa. Bakit hindi tulungan ng pamahalaan para gumaan naman ang buhay ng mga praybeyt titser?
Inamin na ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) sa kanilang final report na maraming kailangang ayusin sa sistema ng edukasyon ng bansa. Inamin na rin nila na mayroon tayong krisis sa edukasyon. Naglatag sila ng mga solusyon: sa kurikulum, sa teorya, at sa pagsasapraktika ng mga gawaing panturo. Nagbago na ang kurikulum, naging MATATAG. Rerepasuhin ang K-to-12 program. Magiging 3-term na ang school calendar. Lahat ng aspekto ng mga pagbabagong ito, nakaturol sa mga gurong magpapatupad. Kabahagi rito ang mga pampribadong paaralan. Ano ang plano at mga gagawin para sa kompensasyon ng mga praybeyt titser?



Comments