top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Noon at Ngayon: Sino ang mas Mahina?

  • May 12
  • 3 min read

Isinulat ni Precious Adrianne Sarsagat — Tinig ng Musmos



Mahina ba ang kabataan ngayon, o malinaw lamang sa kanila ang bigat ng mundo?


You are weak.” Ito ang pahayag ni Sen. Robin Padilla na naging sentro ng mainit na diskusyon, lalo na sa hanay ng kabataan. Inilahad niya ito sa gitna ng usapan tungkol sa epekto ng social media at sa pagiging sensitibo ng kabataan, lalo na sa mga isyu ng mental health. Ayon pa sa kanya, “Hindi kayo katulad noong panahon namin na hindi iyakin. Noong panahon namin, hindi uso ang salitang ‘depression’. Ngayon, batang maliliit sasabihin ‘I’m depressed’.” Mabilis itong kumalat sa social media at naghatid ng magkakaibang reaksyon—may ilang sumang-ayon, ngunit mas marami ang tumutol at kumuwestyon sa ganitong pananaw.


Mahina nga ba ang kabataan ngayon, o mas bukas lamang silang umamin at magpahayag ng nararamdaman? Ang pagtawag sa kabataan bilang “mahina” ay isang mababaw na panghuhusga na nagtatakip sa mas malalalim na isyu ng lipunan, tulad ng kakulangan ng oportunidad, limitadong suporta, at mababang pag-unawa sa mental health. Sa halip na alamin ang ugat kung bakit mas lantad ngayon ang usapin tungkol sa depression, nauuwi ang diskusyon sa paghahambing at paninisi.


Huwag baliwalain ang depresyon. Hindi ito uso lamang, kundi isang kinikilalang medikal at sikolohikal na kondisyon sa buong mundo. Ayon sa World Health Organization (WHO), isa ito sa pinakakaraniwang mental disorder na maaaring magdulot ng mas malalang kahihinatnan kung walang sapat na suporta at gabay. Tinatayang mahigit 720,000 katao ang namamatay taon-taon dahil sa suicide, at ito ang pangatlong pangunahing sanhi ng kamatayan sa edad 15–29.


Matinding lungkot, kawalan ng gana sa buhay, at pag-iisip ng pagpapatiwakal ay hindi simpleng emosyon lamang. Mga seryosong sintomas ito ng kalagayang pangkaisipan. Kaya kapag sinabing “hindi uso ang salitang depression” lalo lamang lumalalim ang stigma na nagiging hadlang sa tamang pag-unawa.


Hindi sapat ang pahayag na “noong panahon namin…” bilang batayan ng paghusga. Kaugnay sa mga hamon na kinakaharap ngayon ang pagtaas ng mga kaso ng mental health concers—kabilang ang problema sa pera, akademikong presyon, at kawalan ng kasiguraduhan sa trabaho.


Pitumpu’t anim na porsyento naman ng mga kabataang Pilipino ang nakararanas ng mild depression o anxiety dahil sa kawalan ng seguridad pampinansyal at trabaho—mas mataas kumpara sa global average, ayon sa AXA Mind Health Report 2025. Ipinapakita nito na may konkretong ugat ang problema at hindi ito basta-bastang pagdami ng “sensitibong” kabataan.


Malaki ang impluwensya ng mga lider sa pananaw ng nakararami, dahil nagiging batayan ito ng interpretasyon ng publiko sa usapin ng mental health. Bilang mga taong may awtoridad, inaasahang sila ang nagbibigay ng mga pahayag na may empatiya at responsibilidad, sapagkat sila ang dapat na nagsisilbing huwaran.


Kung nagmumula sa nakatataas  ang stigma, paano aasahang may pagbabago ang sistema kung ang mga lider mismo ang nagmamaliit?  Sa halip na magpahayag ng mapanghusgang laybel sa kabataan, mahalagang alamin na hindi ang kabataang nagpapahayag ng kanilang pinagdaraanan ang problema. Ang tunay na isyu ay ang sistemang nagpapalalim ng stigma at nagpaparamdam na bawal o kahinaan ang pag-amin ng emosyon.


Hindi tanda ng kahinaan ang pagiging bukas sa usaping pangkaisipan. Ito ay hakbang tungo sa pag-unlad mula sa panahong ang emosyon ay itinatago at ang pagdurusa ay tahimik na dinadala.


Hindi maihahambing kung sino ang mas mahinang henerasyon. Iba ang noon sa ngayon. Ngunit ang depresyon at iba pang mental health disorders ay hindi bagong imbento ng kabataan. Sa halip na husgahan, mas makabubuting unawain at suportahan sila. Hindi kahinaan ang matapang nilang pagsasalita—hakbang ito upang gawing mas maayos ang lipunang kinabibilangan nila.

Comments


bottom of page