Magmahal? In this economy??
- 29 minutes ago
- 2 min read

Masaya ang magmahal pero mahal ang magmahal.
Hindi natin ma-ikukubli na sa bawat kibot natin, may bayaran na naman. Pati ang dagat at kabundukan na binigay satin ni Lord may entrance fee na rin. Minsan nakaka(t)awa nalang din talaga na umabot na tayo rito, na kahit ang simpleng magmahal ay parang hindi na afford ninuman.
Sa nagtataasan na presyo ng gasolina at mga bilihin, para bang luho nalang sa isang tao ang oras na isipin ang maghanap ng taong para sa kanya. Yung taong mamahalin sya kung anong meron sya, yung taong magpapaligaya kapag malungkot ka, o yung taong bibigyan ka ng fries, burger, at milkshake kasi cravings mo raw.
Hindi na kaya ng “mahal kita” para ibsan ang gutom ng taong ang isip ay mag-ipon.
Hindi na kaya ng “I love you” para hagurin ang buong araw na pagod sa trabaho.
Hindi na kaya ng “iniirog kita” para pawiin ang mga pawis ng katawang kumakayod.
Masakit mang lunukin pero hindi mapapakain o mapapagaling ng pagmamahal na yan kung butas ang bulsa at sira ang sistema.
Mapait ang reyalidad. Hindi tayo nasa Fairytale para may isang prince charming na aahon sa atin. Wala tayong prince charming na ipagtatanggol ka sa gobyernong ninanakawan ka ng buwis at kinabukasan mo. Wala tayong prince charming na ipagtatanggol ang karapatan nating magsalita, ipaglaban ang karapatan, at magkaroon ng maayos na pamahalaan.
Ika nga nila political ang magmahal.
Tama naman. Ito ay hindi dahil dilawan ka o DDS ka, kundi dahil ang mismong taong pipiliin mo ay repleksyon ng kinabukasan na gusto mo.
Pipili ka ba ng taong corrupt at sinungaling?
Pilipili ka ba ng tao na sa salita lang magaling pero wala sa gawa?
O kaya ay pipili ka ba ng taong walang ibang ginawa kundi ibulsa ang perang pinaghirapan at pinagpawisan mo?
Diba hindi? Dahil ang pag-aasawa ay hindi biro.
Ang pag-aasawa ay hindi parang gobyerno ng Pilipinas.
Hindi ito kagaya ng gobyerno na kapag may sala ka pwede mong bayaran ito dahil mayaman ka. Hindi ito kagaya ng gobyerno na papatawarin ka kapag may nagawa kang mali kasi mataas ang posisyon mo sa buhay. Hindi ito kagaya ng gobyerno na kapag gusto mo ay mapapasayo agad.
Magulo, komplikado at may presyo ang magmahal.
Isinulat ni Jazztine Domingo



Comments