top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Madugo ang Rebolusyon

  • May 12
  • 3 min read

Isinulat ni Shane Jamiel Tevar – Mula sa Masa




Sa ilang taong pagkakasailalim ng Pilipinas sa kolonyalismo at diktadurya, kailanman ay hindi nito nakamit ang kasarinlan sa payapang pakikibaka. Kaya bakit natin isinusulong ang kalmadong protesta kung lantaran tayong nilalapastangan ng mga tiwaling nasa gobyerno, at diktahan sa kung paanong paraan dapat magalit, lumaban, at manindigan ang mga Pilipino?


Ang pagmartsa ng taumbayan mula Luneta hanggang Mendiola noong ika-21 ng Setyembre laban sa anomalya ng mga flood control projects, ay nagbukas nang malalim na usapin: mali ba ang marahas na pakikibaka? Marami, kahit yaong galit din sa katiwaliang nagaganap, ang hindi sumang-ayon sa naging marahas na sagupaan ng mga pulis at raliyista, naniniwalang hindi dapat humantong sa gulo. Ang pagtatagpo ng dalawang uri ay maihahambing sa himagsikan: maraming Pilipino ang nagnanais ng pagbabago, ngunit hindi lahat ay handang isugal ang buhay sa dahas. Sa gayon, kahit iisa ang puyos laban sa katiwalian, nananatili ang alinlangan kung ang landas ba ng dahas ay tunay na makapagdudulot ng kalayaan—ngunit alam nating lahat ang sagot dito.


Subalit hindi ba’t higit na marahas ang magnakaw? Dahil sa bawat pisong kinurakot, lumulubog sa baha ang bayan, at sa bawat pagsasawalang-bahala, may buhay na nauwi sa sakit at pagkamatay—doble ang pasakit nito sa mga taong nakatira sa eskinita’t estero. Ngayon, kung nakaiistorbo man ang pagkilos ng mga nagpoprotesta sa mga komportable, higit namang dapat marinig ang sigaw ng masang matagal nang ninanakawan ng pagkakataong mamuhay nang marangal.


Dagdag pa rito, napakadali para sa mga Pilipino na kondenahin ang kanilang kapwa kaysa usisain ang kalupitan ng mga berdugong kapulisan. Hindi ba’t nakagagalit kung paanong binabaligtad ang naratibo—ginagawang masama ang imahen ng masang galit at pinapakitang makatao pa ang mga pulis? Hindi na bago ang karahasang idinudulot ng mga awtoridad sa bawat kilos-protesta. Paulit-ulit na lamang ang eksena: mga aktibistang tinataboy, binabagsakan ng teargas, binobomba ng water cannon, at hinahablot at kinakaladkad sa kalsada. Makikita ang mga pangyayaring ito sa mga bidyong in-upload ng Altermidya, isang network ng mga progresibong organisasyon ng midya. Makikita rin ito mismo sa mga kumakalat na imahe mula sa mga taong naroon mismo sa kamakailang kilusan.


Sa katunayan, isang iskolar ng bayan mula sa PUP College of Engineering na si Gio Caballes ang iligal at bayolenteng inaresto ng kapulisan. Ayon sa mga ulat ng PUP Office of Student Regent (OSR), nangdodokumento lamang siya ng mga pangyayari sa isinagawang kilos-protesta nang bigla siyang marahas na hagitin. Isang pangyayari lamang itong nagpapatunay na kasuklam-suklam ang paulit-ulit na sapilitang panghuhuli at ang iligal na pagdedetina sa mga naninindigan sa kalsada. Nakakatawang bantay-sarado lagi ang inoorganisang pagkilos ng mga raliyista ngunit tila bulag-bulagan sa kahit anong anomalyang ginawa’t ginagawa ng mga nakaupo.


Kung ating pagninilayan, sa klasismo ng lipunan nag-uugat ang ganitong pagtingin. Genggeng. Young stunna. Squammy. Utak-adik pa nga ang tawag mula sa salita ni Isko Moreno, ang alkalde sa lugar kung saan naganap ang protesta. Mga salitang ibinabato ng mga nakakaangat sa strata upang maliitin ang kababayang ang tanging kasalanan ay mabuhay sa realidad ng lansangan. Tinatawag silang nanggugulo, ngunit sino ba talaga ang gumugulo? Sila bang araw-araw ay hinuhubaran ng kahirapan at kawalan ng hustisya, o ang mga naghaharing-uri na patuloy na nanlalamang? Kung may sinumang may karapatang magalit, sila iyon—ang masa, ang mga tao sa kalsada. Sa kadahilanang ang kanilang galit ay hindi kapritso, kundi bunga ng kumakalam na sikmura at sugat na matagal nang iniwan ng sistemang mapaniil.


Matuto tayo sa ating kasaysayan, na sa bawat pagkakataong nakalaya ang bansa ay laging may dugong dumanak—may dahas at matatalim na salitang nag-ugat sa nagbabagang galit ng masa. Sabihin na nating hindi tama ang may masaktan at masugatan ngunit hindi ito maiiwasan kung ang mga nagsasalita ay patuloy na titingnan bilang naghahanap lamang ng gulo at ang pinagsasalitaan ay mananatiling manhid, ni hindi marunong mahiya. Mas lalong hindi tama na supilin ang matagal ng naipong galit ng mga Pilipino—galit na sagisag ng demokrasya. Nananahan ang kapangyarihan sa kamay ng nagsasanib-puwersang tao; naroon ito sa mobilisasyon, sa kapit kamay na sabay-sabay bumubuwag sa mga barikada ng kalsada, sa sama-samang paghingi ng katarungan, at sa kolektibong sigaw na hindi na kayang patahimikin. Ang puyos na ito ang mismong paalala natin sa tiwaling gobyerno: kayang-kaya baligtarin ng mga nasa ibaba ang tatsulok.


Ang payapang pakikibaka ay para lamang sa mga taong tinatablan ng konsensiya, ngunit malinaw sa ating kasaysayan na matagal nang nabulok ang moralidad ng nasa estado. Nawa’y lagi nating tandaan na sa bawat sulok ng lipunan, hindi ang mga awtoridad na may sirang prinsipyo ang kakampi kundi ang sambayanan. Sapagkat, ang mga buwayang nasa gobyerno at ang tutang nagtatanggol sa kanila ang tunay na kaaway. Saan mang panig tumingin ay iisa lamang ang dapat nating panigan—ang masa. Lagi’t laging alay sa kanila ang simpatiya’t paninindigan.

Comments


bottom of page