Kikislap ang Tala
- Jun 27
- 2 min read

Tagu-taguan, maliwanag ang buwan
Ako’y isang tala—’yun nga lang ay natatakpan.
Lumusulot sa mga ulap, lumulutang sa alapaap.
Kung tatabi kay Moroporo,
kikislap pa ba ako?
Sabi ni inay, ako raw ay maghintay…
ang bituing maliit ay dapat munang magpalaki,
magpainit,
magpaganda;
dahil ang liwanag ko ay hindi pa sapat para mapansin ng madla.
Kikislap, ngunit hindi pa nakatakda.
Ang tanong ko naman,
“Bakit, ako ba’y kakaiba?”
Sumagot muli siya,
“Kailangan mong maghanda para sa tamang panahon dahil makulay ka.”
Noong una’y ‘di ko pa mabatid ang kaniyang pinahihiwatig,
inisip kong may mali, may hindi kaibig-ibig.
Natatakot kumislap, nangangambang ‘di magustuhan ang pagkuti-kutitap.
Minsan ay napadpad ako sa ibayo
at ang mga bituin doon, pinagtatawanan ako.
Hindi ko mawari kung may kapuna-puna ba
sa pagiging iba ng kulay at hugis ko sa kanila.
Kinutya, minaliit, at binato ng mga bulalakaw,
napilitan tuloy na magkubli sa lugar na walang ibang makatatanaw.
Ang tala, nasa kwarto, sa loob ng aparador.
Imbis na lumilipad sa kalangitan, humihikbi katabi ng mga damit na de kolor.
Silang mga namumuti, mga puro’t walang bahid ng mantsa
ay walang takot na gumagalaw, namumuhay, nagsasalita.
Sa tagal ng mga taong nanatili sa kawalan,
araw-araw kong ninanais na balang araw ang mga tao’y masilayan
itong mas tumitinding liwanag na hindi maipaliwanag;
basta lang naramdaman, hindi pinili’t kusang sumisinag.
Hanggang sa natapos ang pagbabalatkayo,
sumabog ang mga kulay, nag-iwan ng kinang sa buong kosmiko.
Pasasaan pa’t mabubunyag din naman,
ang mahalaga’y tanggap ang nararamdamang nagbibigay-kulay.
Tama nga si inay, kinailangan kong humanda,
‘Di para baguhin kung ano ang nakaukit,
bagkus tanggapin na maningning akong isang tala,
tala na uusbong sa kalawakan,
mapa-gabi mang maraming bituin at may buwang nakikipagsabayan,
o araw na nakasisilaw sa mga mapanghusgang paningin
—mas matindi pa rin ang taglay kong kagandahan.
Isinulat ni Aldred C. Tamondong



Comments