Kahit Konting Awa
- May 12
- 4 min read
Isinulat ni Crisha Señar – Agos ng Korupsiyon

“Mga ate, kuya, ‘wag kayong matakot sa akin. Huwag niyo pong itago ang mga selpon niyo. Hindi po ako magnanakaw. Manghihingi lamang po ako ng kaunting tulong, pangkain lang sana.”
Mga linyang madalas nating marinig tuwing nasa pampublikong sasakyan. Masasabi nating bahagi na sila ng pang-araw-araw na buhay natin. Minsan ay good vibes ang kanilang hatid dahil sa kuwela nilang mga pakulo, ngunit madalas, perwisyo ang tingin nating dala nila sa atin.
Badjao—mga katutubong pangkat etniko sa Pilipinas. Kilala ang mga badjao dahil sa kanilang mga tradisyonal na gawaing pangingisda at pamumuhay malapit sa tabing-dagat. Sa kabila ng pagiging tanyag sa pagkakaroon ng kayamanan ng dagat, sa siyudad—malayo sa kanilang pagkakakilanlan ang natatamo nilang pagtrato.
Sa kasalukuyan, kilala ang mga badjao bilang mga pulubing naninirahan sa lansangan at kadalasang nanghihingi ng limos sa daan at mga pampublikong sasakyan. Dinadaan-daanan, minamata ng mga tao, o ‘di kaya’y tinataboy. Ilan lamang ‘yan sa masalimuot na karanasang kinakaharap ng mga indigenous people na nasa siyudad.
Talamak ang paglaganap ng mga nanlilimos sa bawat lungsod; lalo na sa bawat sulok ng Maynila. Sa abalang kalsada ng Quiapo ay nagkalat ang mga indibidwal na nanlilimos malapit sa simbahan. Mga bata, mag-ina, may sakit at pamilyang nananahan sa gilid ng bangketa. Tunay na nakakalungkot na sa kabila ng maayos na buhay na tinatamasa nila noon sa kanilang mga tribo, nauwi pa rin sila sa pakikipagsapalaran sa hirap ng buhay sa siyudad.
Sa kabila ng paghahanap ng marangal na trabaho at angkop na oportunidad para sa bawat indibidwal, madalas biktima sila ng pananamantala. Nadadawit sa mga sindikato at ilegal na gawain gaya ng human trafficking at begging syndicate. Ayon sa datos mula ng taong 2021-2022 ng Coalition Against Trafficking in Women – Asia Pacific (CATW-AP), tinatayang anim sa bawat 1,042 biktima/survivor ng gender-based violence at trafficking ay mga katutubong kababaihan.
Lubos na nakakabahala ang bilang ng indibidwal na nadadawit sa mga ganitong klase ng pamumuhay. Ngunit, hindi maiwawaksi sa kanila ang pakikipagsapalaran sa siyudad at paghahangad ng mas maayos na buhay kumpara sa gutom at kahirapang tinatamo ng kanilang tribo na hindi naaabutan ng tulong ng pamahalaan.
Sa mga sitwasyong gobyerno ang tanging makakagawa ng paraan upang lutasin ang problema ng kahirapan, nagkakaroon ng puwang sa pagpapadala ng agarang tulong para sa mga katutubo. Una, ang kakulangan ng pondong nakalaan para sa kanila. Hindi ganap na nakakarating sa mga katutubong mamamayan ang tulong na nais ihatid ng ahensya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dala ng kakulangan ng monitoring at transportasyon. Dulot ng malalayong probinsya at tribo, malaki ang nailalaang pondo para sa pamasahe sa pabalik-balik na pagproseso ng mga dokumento. Mailap din ang mga tulong gaya ng social assistance. Hindi ito buong naibibigay sa mga indibidwal dahil sa mga kickbacks.
Bilang karagdagan, nakakaapekto sa kalidad ng serbisyong ibinibigay sa kanila ang kaunting kaalaman ng pamahalaan ukol sa tunay na pangangailangan ng mga katutubong mamamayan sa kani-kanilang tribo. Ang karaniwang nangyayari, nagkakaroon ng maling paggamit ng kapangyarihan na baguhin ang problemang kanilang kinakaharap. Sa kakulangan ng pagkonsulta, nakakaligtaan ang tunay na serbisyong panlipunan na nais makamit ng bawat indibidwal sa kanilang tribo.
Buhat ng katiwalian at kakulangan sa pamahalaan, hindi mapapanatag ang mga katutubong mamamayan na mabigyan sila ng kaukulang pagtanaw sa mga pangangailangan at oportunidad para sa kanila.
Bilang pagtugon, bumuo ang DSWD ng mga programang nakalaan para sa mga indigenous people na layuning tulungan sila upang makabangon at hindi na bumalik sa pamumuhay sa mga kalsada. Isa riyan ang Comprehensive Program for Street Children, Families, and IPs o (COMPRE), na naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mga indigenous people na nasa lansangan at bigyan ng maayos na tahanan, edukasyon, at serbisyo. Sa tulong ng Local Government Unit (LGU) at Non-Governmental Organization (NGO), nakakatanggap ng buong suporta ang mga katutubong indibidwal upang paunlarin ang kanilang buhay at hindi na muling bumalik pa sa lansangan.
Base sa datos ng 2021 Compendium of DSWD & Selected SWD Statistics, umabot sa 21, 855 ang bilang ng pamilyang naabutan ng tulong ng ahensya mula sa taong 2017-2021. Bagamat mayroong pagbabago ng porsyento sa mga nagdaang taon, mas mataas pa rin ang kabuuang bilang nito kumpara sa average accomplishment rate na 217.79%.
Ang NCR at Rehiyon IX ang may pinakamalaking bilang ng bata at pamilya na napaglingkuran ng tulong na programa na nagtala ng 27.3% at 33.3% rate. Nananatili mang mababa ang disbursement rate sa iba’t ibang rehiyon, sa tulong ng mas pinabuti at pinagtitibay na budget ng pamahalaan, mas mapapalawig pa ng ahensya ang pag-abot ng tulong para sa mga indigenous communities.
Kung ang isang katutubo ay naging biktima ng human trafficking, maaari silang lumapit sa ahensya hinggil sa programa ng Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons (RRPTP). Naglalayon ang programang ito na magbigay ng kaukulang legal na tulong sa pamamagitan ng pagsugpo sa mga illegal recruiters at sindikato sa paraan ng paghahatid ng katarungan at proteksyon. Layunin din ng programa na maging daan upang makabalik ng ligtas at maayos ang katutubong indibidwal sa kanyang probinsya, gayundin ang paghahandog ng livelihood assistance hanggang sa tuluyang makabangon mula sa masalimuot na karanasan.
Walang malaking proyekto at mamahaling ayuda ang makahihigit sa unti-unting pagbitaw ng tiwala ng mga indigenous people sa gobyerno dulot ng kakulangan ng kalinawan at integridad ng mga nakaupong namamahala. Para sa mga batang kumakalam ang sikmura, pamilyang kinakalimutan ng sistema, at kababayang nawawalan ng pag-asa, hindi awa ang solusyon para sa kanila kundi agarang aksyon at tulong mula sa pamahalaan.



Comments