top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Hindi Tamad si Juan

  • May 12
  • 3 min read

Isinulat ni Shane Jamiel Tevar – Mula sa Masa



Sabi ng iba, hindi kasalanan ng isang tao kung pinanganak silang mahirap, ngunit kasalanan na nila kung mamamatay silang mahirap pa rin. Ngunit naangkop ba ang katagang ito sa Pilipinong naninirahan sa bansang puro buwaya at sakim ang nagpapatakbo?


‎Ang mga kamakailang pahayag ni Pasig Mayor Vico Sotto tungkol sa etika ng mga posibleng bayad na panayam ay nagbigay-pansin sa mga lifestyle feature kung saan ipinapakita ni Sarah Discaya at ang asawa nito ang kanilang karangyaan, partikular na ang paglalantad ng kanilang 40 magagarang sasakyan. Hindi naman ito magiging isyu kung una, hindi siya minsang tumakbo para sa posisyon sa gobyerno at nangakong magsilbi sa taumbayan. Panghuli, kung hindi kasama ang kanilang mga kompanya; Omega & Alpha Construction at  St. Timothy Construction sa listahan ng nilabas ni Pangulong Marcos Jr. na “Ghost Flood Control Projects List.” Ayon dito, tinatalagang nakakuha ng 100 bilyon ang Top 15 na kontratista, 20 porsyento ng kabuuang badyet para sa flood control projects na isinagawa mula noong termino ni Marcos noong 2022.


Ang impormasyon at pag-iimbestigang isiniwalat ng administrasyon ay napakahalaga sapagkat halos lumubog na ang bansa sa baha habang hindi malaman kung saan napupunta ang perang pinagtatrabahuhan ng mga Pilipino—ang mga buwis na binabayad para sana sa mas maginhawang pamumuhay. Ilang magarang sasakyan ba ang katumbas ng isang multong proyekto ng mga contractors? Saan napunta ang perang dapat sana’y makapagbababa ng baha sa España kung saan dumaraan ang libo-libong pampublikong transportasyon? Kung saan lumulusong ang napakaraming mag-aaral, manggagawa, at iba pang ordinaryong Pilipino dahil hindi naman titigil ang kanilang responsibilidad sa simpleng pag-ulan—kahit pa sa banta ng mga sakit tulad ng leptospirosis. Sa katunayan, iniulat ng Department of Health (DOH) na may itinalagang 1,112 kaso ng nasabing sakit matapos ang bagyong Crising, Dante, at Emong—ito ay mula Agosto 3 hanggang 9. Kung wala namang  baha, wala ring  leptospirosis—at mangyayari lang ito kung ang pondong nakalaan upang kontrolin ang pagbaha ay napupunta sa kung saan ito nararapat, hindi sa bulsa ng kung sinuman. Kaya hindi lamang sa pangalan ng mga ito dapat nagtatapos ang imbestigasyon, ngunit marapat na maibalik sa mga Pilipino ang ninakaw na bunga ng kanilang paggawa. Manapa, magkaroon naman si Juan ng hustisya.


Dagdag pa sa mga ito, hindi ba’t isang sampal sa taong sumasahod ng P695 para sa walong oras na trinabaho nila ang makita ang lantarang pagbabahagi sa social media platforms ng mga kumpirmadong korap na kontratista ang kanilang marangyang pamumuhay? Isa na rito si Claudine Co, sikat na influencer kung saan malaya at taas-noong ibinabahagi ang kanilang mga family travels—iba’t ibang bansa ang napupuntahan. Muli, hindi naman ito problema kung hindi ika-9 ang kompanyang Hi-Tone Construction na pag-aari ng kaniyang amang si Christopher Co at ika-8 naman ang Sunwest Corp na pagmamay-ari ng kaniyang tiyuhin na si Zaldy Co, sa mga kontratistang maraming nakulimbat mula sa mga mitolohikong flood control projects. Hindi ito magiging problema kung ang perang winawaldas nila ay hindi galing sa dugo’t pawis ng taumbayan. Hindi ito magiging problema kung hindi kinailangang suongin ni Dion dela Rosa ang baha para lang mahanap ang kaniyang ama—ang paglusong na naging kapalit ng kaniyang buhay matapos siyang makakuha ng leptospirosis


Sa kabilang banda, itinanggi naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na wala siyang kinalaman sa korapsiyon at katiwaliang nangyayari sa departamento. Ngunit kinikilala niya ang pagkakaroon ng ghost projects, partikular sa Calumpit, Malolos, at Hagonoy, Bulacan sa mga pagdinig kamakailan ng Senate Blue Ribbon Committee. Hindi ba’t nagpapakita ito ng kung hindi korapsyon ay inkompetensiya, na patunay na mistula siyang naging kasabwat at kailangan ng pananagutan? Ang mga iregularidad na ito ay tumutukoy sa mahinang pamumuno kaya walang ibang pagpipilian si Bonoan kundi ang magbitiw ng pwesto’t managot sa mga Pilipino.


Hindi tamad si Juan—nagtatrabaho siya nang walong oras sa isang araw para sa kakarampot na sahod. Sumusugod siya sa baha at nakikipagsapalaran sa peligro’t sakit na maaaring makuha para lang kumita o hindi mawalan ng trabaho. At uuwi siya sa bahay, mababalitaan kung paano ipangalandakan ang marangyang pamumuhay ng mga nakaupo—minsan pa’y ang buong angkan nito. Magagarang kotse, mamahaling bag at mga damit, mga kumikinang na diyamante’t porselanas—masasabi ba nating tamad si Juan kung ang perang pinagtrabahuhan niya ay sa luho ng mga naghaharing uri napupunta?

Comments


bottom of page