top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Hindi sapat ang ‘Happy Teacher’s Day’

  • May 12
  • 6 min read

Isinulat ni Kristan Gile – Alpas sa Tanikala



Isa ang pagiging guro sa mga itinuturing nating “noblest profession.” Ani nga sa pudpud at gasgas na pagtutulad, parang nakasinding kandila ang mga guro na kinukonsumo ang sarili upang makapagbigay liwanag sa daan ng iba. 


Pero gaya ng kandilang nakasindi, nauubos at kalaunang mamamatay ang ilaw nito. Sakto sa kasalukuyang kalagayan ng mga Pilipinong gurong nauupos na ang mga mitsa dahil sa tambak-tambak na suliraning dala ng kapita-pitagang propesiyong ito.


𝗡𝗼𝗯𝗹𝗲𝘀𝘁 𝗣𝗿𝗼𝗳𝗲𝘀𝘀𝗶𝗼𝗻?


Mataas ang lunggati ng mga guro na makapagturo at makapagsilbi sa bayan, pati na rin ang mga mag-aaral na nais baybayin ang landas ng pagtuturo dahil sa nakitang hiwaga mula sa kanilang mga naging guro na nag-udyok sa kanilang tahakin ang pedahohikal na pagpapakadalubhasa.


Ngunit sa segundong magsabi ang isang gradweyt ng senior high school sa kaniyang mga magulang na nais niyang kumuha ng programang pang-edukasyon sa kolehiyo, ang madalas na tugon: “Walang pera diyan.” Wala namang guro ang yumaman sa pagtuturo, ani ng marami. Kahit ang mga ordinaryong Pilipino batid kung gaano kasaid ang pagiging guro sa Pilipinas kaya ultimo mga anak nila ay pinagsasabihang huwag tahakin ito. Sa kabila ng lahat, mamumuhunan ang guro ng pagod, pera, at hirap para mapanindigan niya ang malaking kahingian ng trabaho. 


Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng “noble” sa karaniwang dinidikit sa pagiging guro? Ayon sa Oxford Languages, ang “noble” ay tumutukoy sa tao o bagay na may mataas na uri at kalidad, may angking prinsipyong at halagahan tinitingala ng karamihan. Sa mga populistang talumpati ng mga politiko tuwing Buwan ng mga Guro, laging pinupuri ng mga karangalan ng isang guro. Subalit, hindi naman naipambibili ang mga papuring ito ng bigas o ng isang kilong manok iaadobo na pang-ulam.


Kadalasan layon ng mga mabubulaklak na mga salitang ito ang itatak sa isipan ng mga guro na dapat lamang silang maging matatag, gaya ng tawag sa bagong kurikulum. Katatagan lamang ang solusyon sa lahat ng problema kahit nababaon sa utang at lampas dalawa na ang mga sidelines ng isang guro para lamang mabuhay araw-araw.


Batay sa datos ng Asian Labour Review (2023), 93.3 bahagdan ng mga pampublikong guro ang nasa mga posisyong kumikita lamang ng P23,465 kada buwan. Ngayong taong 2025, sa pamamagitan ng pag-amiyenda ng sahod ng mga guro, naging P30,024 ngunit hindi pa rin ito sapat. Ayon sa pananaliksik ng IBON Foundation, kakailanganin ng isang pamilya ng P1,200 kada araw upang mamuhay nang maayos. Sa kasalukuyang sahod ng mga guro mula sa posisyong Teacher 1, halos kulang ng P200 kada araw o P6,000 kada buwan.


Sino ba talaga ang tinitingala nating mayroong mataas na antas ng prinsipyo at halagahan? Mga guro o politiko? Mga kaagapay ng mga mag-aaral sa pagkatuto o mga tusong opisyales na pinagpiye-piyestahan ang kaban ng bayan? Sang-ayon sa impormasyon mula Department of Budget and Management (DBM), kumikita ang senador at mambabatas ng kongreso nang P293,191 hanggang P334,059. Hindi pa kasama ang kanilang mga kinukurakot na pondo mula sa pork barrel at budget insertions na umaabot ng milyon, bilyon, at trilyon gaya ng nangyayari ngayon sa anomalya ng flood control.


Kaya sino ngayon sa bansa natin ang maituturing na “noblest profession”, mga guro o mga politiko?


Abstraktong konsepto lamang ng lipunan natin kung tawagin nilang “noblest” ang pagiging guro. Kumbaga isang tropeyong iginagawad sa pinakamagaling na manlalaro ngunit walang kasamang perang mapapanalunan para gamiting panggastos sa sarili at pamilya. 


𝗢𝘃𝗲𝗿𝘄𝗼𝗿𝗸𝗲𝗱 𝗣𝗿𝗼𝗳𝗲𝘀𝘀𝗶𝗼𝗻?


Hindi lang sa usaping salapi nagkukulang ang mga minamahal nating guro kundi pati na rin sa oras na marapat sanang ginugugol nila sa kanilang sarili at pamilya. Imbes na ilaan nila ang mga sandaling hindi sila nagtuturo sa apat na sulok ng klasrum, ibinibigay pa nila ito sa mga gawaing labas na sa kanilang trabaho.


Sa isinagawang pag-aaral ng Cerebro, isang educational technology company, napag-alamang may tinatayang 400 oras na serbisyo ang mga guro na hindi nababayaran. Hindi lamang pagtuturo ang ginagawa ng isang guro sa paaralan. Bukod pa sa 40 oras kada linggo na kailangan nilang bunuin ng 8 oras kada araw na pagtuturo at 2 oras kada araw na paghahanda sa klase, kadalasan trabaho rin nila ang pagiging subject coordinator, activities coordinator, club adviser, school clinicians, guidance counselor, canteen manager, atbp. Wala ring kasiguraduhan kung mayroong dagdag bayad ang mga ekstrang gawaing ito o hindi kaya kung ang mga overtime ng mga guro.


Bilang tugon, naglabas ng mandato ang Department of Education (DepEd): DepEd Order (DO) No. 002, s. 2024 at DO No. 005, s. 2024. Ipinaguutos ng dalawang memoranda na ito na (1) tanggalin ang mga administrative tasks sa mga guro, (2) at klaruhin o limitahan ang trabaho ng guro upang maiwasan ang ekstrang oras hindi sakop ng trabaho. Marahil at mahusay ang naging desisyon ng kagawaran hinggil dito, ngunit makasisiguro ba na ang mga polisiyang ito ay tatawid sa totoong buhay at hindi lamang hanggang sa papel?


Sa pagsusulit ng IDInsight at Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) taong 2025, hindi pa rin naging epektibo ang mga memoranda. May dagdag trabaho pa rin si teacher. Mula sa 2,000 paaralan at 15,000 mga guro na kanilang nasarbey, nakita na 52 oras ang trabaho ng isang guro imbes na 40 oras lamang sa isang linggo. Tinatayang nasa 12 oras ang ekstrang trabaho nila. Kung kakalkulahin, may 576 oras sa isang taon ang ginugugol ng mga guro labas sa pangkaraniwan nilang trabaho. 


Kung tutuusin, sobra-sobra ang pananahan ng mga guro ng bayan sa paaralan. Ninakaw ng tambak-tambak na trabaho ang mga oras na dapat nagagamit nila sa ibang mga bagay. Hindi rin nakapagtataka kung bakit ninanais ng iba na mag-abroad upang magturo. Kumpara dito, mas mataas ang sahod ng mga guro sa ibang bansa. Mayroon din silang mga teaching aide assistant na makatutulong sa kanila sa mga ekstrakurikular na gawain. Bakit ngayon tayo magtataka sa paglisan ng mga titser, kung walang kakayahan ang ating bayang panatilihin sila rito?


𝗗𝗮𝗻𝗴𝗲𝗿𝗼𝘂𝘀 𝗣𝗿𝗼𝗳𝗲𝘀𝘀𝗶𝗼𝗻?


Sa Estados Unidos naririnig natin ang mga gun shooting incidence. Kadalasan, nangyayari ang mga ito sa loob mismo ng paaralan. Mag-aaral at ang mga titser ang unang biktima ng bala. Mula sa mga pigurang nakalap ng CNN US (2023), tumaas ang bilang ng mga guro umaalis sa propesiyon. School-based violence ang isa sa mga dahilan. Inireklamo rin nila ang kawalan ng suportang pampinansiyal at ekonomikal. 


Sa Pilipinas, bagaman hindi tipikal ang school violence mula sa mga gun shooting incidence, makikita ang paralelismo. Isang guro mula Balabagan Trade School sa Lanao del Sur ang namatay sa pamamaril. Noong Agosto 4, 2025 nang mabawian ng buhay ang gurong si Danilo Barba Jr. mula sa kamay mismo ng kaniyang mag-aaral sa Grade 11 na si “Kaizer”. Sa loob mismo ng paaralan narinig ang putok ng .45 caliber-pistol na sumaklot sa buhay ng guro. Ang dahilan ng estudyante sa pagpaslang sa kaniyang guro ay ang palyadong marka natanggap, ayon kay Lanao del Sur police director Col. Caezar Cabuhat.


Hindi lang oras, pera, o ekstrang trabaho ang bitbit ng mga titser. Minsan, nalalagay rin ang kanilang buhay sa peligro. Malinaw na hindi kasalanan ng guro ang magbigay ng mababang marka. Hindi rin dapat humantong sa ganitong pangyayari ang bunga ng palyadong grado. Kailangang makatanggap ng naayong parusa ang mag-aaral bunga ng paghahasik niya ng karahasan sa paaralan—lugar kung saan hindi dapat dugo ang dumadanak bagkus ang kahusayan sa pag-iisip. Sa malalim na pagtingin, biktima lang pareho ang guro at ang mag-aaral sa malaking problema natin sa sistemang pang-edukasyon. 


Sa tuwing may gurong kulang sa suporta, may mag-aaral ding hindi mabibigyan ng kalidad na edukasyon. Sa tuwing may gurong naghihikahos sa pang-araw-araw niyang buhay, may mag-aaral ding hindi natututo sa loob ng silid-aralan. Sa tuwing may gurong nalulubog sa patong-patong na mga utang, may mag-aaral ding napag-iiwanan. Sa madaling salita, kung nais natin ng mahusay na mag-aaral, kailangan pagbutihin rin natin ang kalagayan ni titser. 


𝗛𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗹𝗮𝗻𝗴 “𝗛𝗮𝗽𝗽𝘆 𝗧𝗲𝗮𝗰𝗵𝗲𝗿’𝘀 𝗗𝗮𝘆”


Taon-taon, tuwing buwan ng Setyembre-Oktubre, inilalaan natin ang mga araw upang ipagdiwang ang mga guro. Subalit, taon-taon din na tila walang malaking pagbabago sa estado ng kaguruan. Hanggang ngayon, hindi pa rin nadidinig ang hiling nilang maiakyat sa P50,000 suweldo ng Teacher 1. Hanggang ngayon, hiling pa rin nila ang pagbabawas sa dagdag pasanin na trabaho at mga administrative na gawain. Samahan ng bayan ang pagbati ng mga kongkretong aksiyon na magpapabago sa kasalukuyang estado ng kaguruan.


Hindi masama ang pagdiriwang ng Araw ng Mga Guro. Mainam na ipaalam ng ating lipunan kung gaano kahalaga ang gampanin ng isang guro sa pagpanday ng bagong henerasyon. Pero hindi sapat ang “Happy Teacher’s Day” lang. Hindi sapat ang mga salitang papuri na walang ngipin. 


Ang pagiging “noble” ay nasa mataas na antas ng pagkatao. Sang-ayon sa Hirarkiya ng Pangangailangan ni Abraham Maslow, kung “noblest profession” ang pagiging isang titser, nasa tuktok ito ng piramide—ang self-actualization. Paano magiging “noble” ang isang guro kung hindi natutugunan ang mga pundasyonal na pangangailangan? Paano maaabot ng ating mga titser ang tuktok ng piramide, kung kulang-kulang ang nasa ibaba? Kung tunay na lunggati nating maging karangal-rangal ang ating mga guro, gawing makatotohanan ito. Kung tunay na nais nating makapagsilbi sila sa sariling bayan, hulmahin natin ang bayan at gawing nakabubuhay para sa mga kanila.

Comments


bottom of page