top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Hindi Artepakto ang Babae

  • May 12
  • 3 min read

Isinulat ni Kristan Gile — Alpas sa Tanikala



Ang artepakto—politika. 


Kung kailan naman Marso at Buwan ng Kababaihan, doon talaga maglalabasan itong mga walang respeto at paggalang sa mga babae. Mga misoginong may alikabok sa utak na maialis sa kanilang budhi ang paniniwala na ang mga babae ay mga bagay, mga artepakto nilang koleksiyon na maaaring paglaruan kung kailan man naisin. 


Ang masaklap sa Pilipinas, mismong mga may katungkulan pa ang mukha ng anti-feminismo. Hindi ko lubusang maisip kung bakit nabigyan ng pagkakataong maghasik ng pambabastos ang isang mambabatas sa kongreso. Ani Bong Suntay, mambabatas mula Quezon City: “Lastly, alam mo naman minsan nasa Shangri-la ako. Nakita ko si Anne Curtis–– ang ganda ganda pala niya. You know, may desire so loob ko na nag init talaga at naimagine ko nalang kung anong pwedeng mangyari pero siyempre hanggang imagination na lang yun..“ Ipinahayag niya ito bilang analohiya sa isa sa mga argumento sa kasong impeachment ni bise presidente. Kinulang kaya siya ng ugat sa utak upang, sa lahat ng mga halimbawa, iyong mga pahayag pa ng kabastusan ang kaniyang napili? 


Hindi dapat palampasin ang mga ganitong uri ng mga hirit lalo pa nagmula ito sa mga nasa kapangyarihan. Napakalaking implikasyon ang dulot nito, hindi lamang sa kung anong uri ng pamahalaan ang nais nating hubugin, bagkus kung papaano natin tingnan ang katayuan ng mga Pilipina sa ating bayan. Matagal ng ipinaglalaban ang pagpapabuti ng imahen ng mga babae. Hindi lamang sila mga bagay o kagamitan na nagsisilbi sa mga kalalakihan. Hindi sila manyika na instrumento ng pantasya at imahinasyon. Hindi rin sila mga artepakto upang gawing sisidlan ng mga “nag-iinit” na pagnanasa ng mga taong wala sa hulog ang kaisipan.


At anong nangyari pagkatapos magpahayag ng ganitong uri ng diskurso ang mambabatas? Imbes na manghingi ng pasensiya dahil sa kawalang rasyonalidad ng kaniyang sinambit, ipinagtanggol pa niya at ipinipilit idebate ang  kaniyang punto. Saan mang anggulo tingnan, hindi mababali ang misogino niyang mga pagpaparatang—kahit pa itago niya ito sa baluktot na pagpapalusot o paggamit lamang ng analohiya. Makikita natin kung gaano kataas ang tingin ng mga taong ito sa kanilang mga paniniwala. Bunga na rin ng anim na taong pambabastos at mababang tingin sa kababaihan sa ilalim ng pamumuno ng administrasyong Duterte. Sino ba ang kinikilingan ng nasabing mambabatas? Isang apelyido at pangalan lang naman ang handa nilang ikampanya, kahit na kapalit ng kawalan nila ng respeto sa mga babae. Kung ang sinusuportahan nila ay isang kilalang-kilala na misogino, hindi naman nakagugulat kung maging repleksiyon ito ng kanilang sariling pag-uugali. 


Sa kabilang banda, mahalaga rin na lalong ihalal pa ang mga kababaihan sa upuan ng kapangyarihan. Daan ito upang may mga humarang at humadlang sa ganitong uri ng misoginiya, lalo na sa nirerespetong plenaryo ng Kongreso. Isa sa mga unang nakapansin ng kamalian sa naging pahayag ng misoginong mambabatas ay si Congresswoman Bel Zamora ng San Juan. Agad-agaran siyang naghain ng mosyon upang matanggal sa rekord ang pahayag. Marami ring mga babaeng opisyales ang naglabas ng sentimiyento sa kabastusan na nangyari. Nariyan sina GABRIELA partylist representative, Sarah Elago; Quezon City Mayor Joy Belmonte; Senator Risa Hontiveros; ML partylist representative, Leila de Lima, atpb. Ito ang dahilan kung bakit nararapat na maupo sa kapangyarihan ang mga kababaihan, hindi lamang para isulong ang karapatan, ngunit upang maging puwersa ng oposisyon laban sa misoginiya at patriyarka. Siguraduhing walang lugar sa plenaryo ang mga diskursong nagbaba sa estado at katayuan ng mga kababaihan.


Sa mas malawak na pagtingin, hindi lamang ito simpleng isyu ng isang lalaking mambabatas na nagbigay ng bastos na pahayag hinggil sa mga kababaihan. Nakita na natin ito noon pa. Tila ginawa na nilang normal ang ideya ang ganitong uri ng diskurso. Tinrato nilang pawang biro ang mga mensaheng nakaturol sa pagtrato sa mga babae bilang mga kasangkapan lamang. Isa sa malaking akala nila na umiikot ang mundo sa perspektiba lamang ng mga lalaki, at marapat kumumpas ang lahat ng bagay batay sa kung ano ang pamantayang nilikha ng kalalakihan. Hindi ito natural sa ating lipunan, bagkus ipinagtibay ito ng uring politika na mayroon tayo. Politikang nabubulok sa kalumaan. Politikang niluma na ng panahon. Dahil luma nga ito, luma rin ang mga taong nagpapalakad sa burukrasya. Ang politikang kasingluma ng mga artepakto, gayon din ang trato nito sa kababaihan, bakla, tibo, at iba pang minoryang grupo. Sementado na ang ulo sa mga normatibong paniniwala, kahit kapalit nito ang pagtapak sa karapatang pantao ng iba. 


Hindi lamang ang mambabatas na si Bong Suntay ang nagpapalaganap ng ganitong kalumaan. Marami at nagpaparami sila. Handa silang kalusin ang puwersa ng bagong politika (gaya ng kababaihan) para maprotektahan ang kanilang mga politikal na interes na nakabaon sa kumunoy ng kalumaan.

Comments


bottom of page