top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Gipit na Pangarap

  • May 12
  • 4 min read

Isinulat ni Crisha Señar — Agos ng Korupsiyon 



Sa’n mang sulok ng unibersidad ay iba’t iba ang makikita, mula sa kulay ng buhok, disenyo ng polo at saya, at kasuotan sa paa. Samot-saring personahe at talino ang taglay ng mga estudyanteng buong puso ay handang ialay. Ang sintang paaralan na  minsa’y sinilayan, ngayo’y abot kamay ng kapalaran. Mga iskolar ng bayan na buong pusong lumalaban para sa pangarap at para sa bayan.


Ngunit, taon-taong patuloy na dinaranas ng mga mag-aaral ang kakulangan ng mga pasilidad at walang ginhawang pamamalagi sa mainit at siksikan na silid-aralan. Sa muling pagsisimula ng panibagong semestre na huhubog sa kakayahan at katatagan ng mga iskolar ng bayan, handa ba ang paaralan sa pagharap sa libo-libong estudyanteng makikipagsapalaran sa matinding budget cut?


Isa ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa pinakamalaking pampublikong pamantasan na may tinatayang 70, 000 mag-aaral mula sa iba’t ibang sangay ng bansa. Sa kabila ng pagiging tanyag na unibersidad na nagtataya ng pinakamalaking populasyon ng mga iskolar ng bayan, harap-harapan itong pinagkakaitan ng pondo ng gobyerno.


Mula sa panukalang 12.7 bilyong badyet, inaprubahan lamang ng Department of Budget and Management (DBM) ang 3.62 bilyong badyet para sa Fiscal Year 2026 sa National Expenditure Program (NEP). Mariing kinundena ito ng mga estudyante, faculty, at staff dahil hindi sapat ang badyet na nakalaan para sa dalawamput limang sangay ng unibersidad. 


Kada taon ay napapangakuan ang mga mag-aaral ng buong pagpapatupad ng normal na klase para sa lahat, ngunit taon-taon din nakakaramdam ng pagkadismaya ang mga iskolar sa pagbali ng pangakong maayos at komportableng pag-aaral. 


Kamakailan lamang ay naglabas ng pormal na anunsyo ang Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA) tungkol sa implementasyon ng full face-to-face classes sa mga undergraduate programs para sa ikalawang semestre ng taong panuntunan 2025-2026. Nakaangkop ang panukalang ito sa major subjects alinsunod sa CHED Memorandum No. 9, Series of 2022. Samantala, ang mga General Education (GEED) courses ay mananatili sa blended learning modality at nangangailangan ng hindi bababa sa walong face-to-face classes bawat semestre. 


Dala ng kakulangan ng silid-aralan at hindi matapos-tapos na pagsasaayos ng North Wing, ipapatupad ang paggamit ng mga silid ng College of Law, mga pasilidad ng Laboratory High School, at mga laboratoryo ng College of Computer and Information Sciences (CCIS).


Sa kabila ng kagandahan ng pagpapatupad ng implementasyong ito na maaaring maglinang sa kaalaman at humasa ng kakayahan ng bawat mag-aaral, tila guhit sa tubig ang buong ideya gayong ang buong pamantasan ay humaharap sa krisis ng kakulangan ng pondo at kawalan ng pagtakda ng nararapat na bilang ng mga silid-aralan at pasilidad.


Nakagawian na lamang maging parte ng pang-araw-araw na kalagayan ng libo-libong mag-aaral sa sintang paaralan ang pagsisiksikan at pakikipag-unahan sa maliit na espasyo ng silid para gamitin sa lektura. Idagdag pa ang maalinsangan at walang kaayusan na mga pasilidad dala ng kulang-kulang na bentilasyon at upuan. Sa halip na pag-aaral na lamang ang natatanging aalalahanin sa loob ng unibersidad, iisipin pa ng mga estudyante kung saang silid magsasagawa ng diskusyon, saan banda uupo na abot ng hangin, o kung ipapatupad na lamang ang online class upang iwas-aberya sa klase. 


Isinasagawa taon-taon ang College Entrance Exam (PUPCET) ng pamantasan upang magbukas ng oportunidad para sa mga mamamayang nasa laylayan at mabigyan ng libreng edukasyon. Sa nagdaang taon, umabot sa 181, 598  ang kabuuang aplikante sa sintang paaralan. Subalit, tinatayang nasa 12, 000 lamang ang mapalad na natatanggap at nabigyan ng pagkakataon na makuha ang nais nilang programa. Mayroon itong humigit-kumulang 6.6% – 10% na acceptance rate. 


Sa kabila ng lahat n’yan, hindi na lamang sa mga silid, upuan, at kuryente kapos ang mga mag-aaral at guro, kundi pati na rin oras at pahinga. Bunsod ng kakulangan sa bawat departamento ng pangunahing pangangailangan at maging sa mga guro, nagreresulta ito ng work overload at academic overload, kung saan ang mga gawain at responsibilidad ay sobra-sobra sa kailangang gampanan ng mga propesor at estudyante. Isa sa pangunahing rason ay ang talatakdaan ng pasok at pagpapalit-palit ng modality (asynchronous at synchronous classes). Sa halip na nakalaan sa lektura ang face-to-face na klase ay minsa’y ginagamit ito upang magsagawa ng mga pangkatang aktibidad at gawain kaya’t minamadali nalang ang diskusyon. 


Hindi dapat nagtitiis ang mga mag-aaral at mga guro sa isang pamantasan na pinapatakbo ng pondo ng mga mamamayang naghihirap para rito. Hindi sapat ang normalisasyon at “sanayan lang” sa paghihirap sa katiwaliang kinakaharap ng pamantasan. Kung ang sistema mismo ang bigong magbigay ng linaw sa daloy ng pera at kung saan inilalaan, malabong makamit ng sektor ng edukasyon ang makatarungang pagtanggap at paggamit ng pondo nito. 


Ang korapsyon ay nabubuhay sa dilim, ngunit ang kadiliman ay talo ng liwanag. Isa sa mungkahing maaaring isulong ay kalinawan sa pagtatalaga ng pondo sa bawat imprastraktura at proyektong isinasagawa sa pamantasan. Ang ahensya ay dapat pairalin ang paglalabas ng transparent breakdown ng pinaglalaanan ng gastusin sa pamantasan upang maaninaw ang katotohanan sa inilalabas na pera ng bayan. Ang proseso ng pagbabahagi ng detalye at impormasyon ay kailangan nasusubaybayan sa official webpage ng unibersidad. 


Upang magbigay pundasyon sa edukasyon at liwanag ng pag-asa para sa mga iskolar ng bayan, pinapairal ang Republic Act 10931: Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Sa likod ng malaking papel sa pagpapasa ng libreng edukasyon para sa lahat, malaki rin ang butas ng implementasyon nito. Ang libreng matrikula na pinapatupad ng gobyerno ay hindi naaayon sa mga pagbabago at pagtaas ng mga kahilingan ng mga estudyante at ng unibersidad. Dapat isaalang-alang ang pangunahing pangangailangan ng unibersidad sa pagtatala ng badyet nang sa gayon, hindi magkaroon ng kagipitan sa paglalaan ng proyekto sa pamantasan.

 

Ang edukasyon ay karapatan ng mga mag-aaral na nais malinang ang kanilang kaalaman. Subalit ang patakaran ay pili lamang ang nabibigyan ng akses sa full funding ng Tertiary Education Subsidy (TES). Tinagurian itong “Universal Access to Quality Tertiary Education” kaya hindi dapat mapagkaitan ng oportunidad ang ilan, bagkus ay palawigin ang sakop para sa lahat ng estudyante na nasa mababang laylayan. Upang maisagawa ito, dapat bigyang prayoridad ang paglilipat ng pondo sa sektor ng edukasyon, partikular sa TES, upang masigurado na ang pondo ay ginagamit sa pagtulong at pagpapaunlad ng edukasyon para sa mahihirap.


Marapat nang wakasan ang panggigipit ng gobyerno at bigyang-pansin ang malaking puwang sa edukasyon. Hangga’t ang pagbabago na hinahangad ay kulang sa aksyon, patuloy na haharapin ng pamantasan ang paghihirap na dulot ng baluktot na sistema. 


Comments


bottom of page