EDITORYAL | Kung “Corned beef” ay pakikibaka, sana matalsikan ito ng inyong mga mata
- May 12
- 4 min read

Corned beef. Sayang ang pag-aaral. Kawawa ang magulang.
Ito ang mga linyang paulit-ulit na ibinabato sa social media mula nang dumanak ang dugo noong April 19, 2026, sa Brgy. Salamanca, Toboso, Negros Occidental. Sa gitna ng ingay ng mga troll at mga taong lunod sa disimpormasyon, tila naging mura na lang ang halaga ng buhay sa Pilipinas. Itatagalog na lang namin ito sa inyo, para sa mga hindi makaintindi at simpleng walang kahit anong komprehensyon sa kanilang mga utak: Ang pagiging aktibista ay hindi kailanman naging krimen, at ang pagpaslang sa mga iskolar ng bayan ay hindi kailanman magiging “sayang” kundi isang pambansang trahedya.
Mula Disimpormasyon Patungong Dehumanisasyon
Ang unang kailangang himayin ay ang sistematikong pagbababoy sa dangal ng mga biktima. Hindi aksidente ang paglitaw ng mga cryptic posts na nagsasabing “naka-isa muna si RJ kay Alyssa bago nategi” o ang paggamit ng salitang “corned beef” para sa mga bangkay. Ito ay isang porma ng dehumanization, isang sikolohikal na taktika upang alisin ang pagkatao ng mga biktima sa mata ng publiko.
Kapag itinuring mo na lang silang “lamog na karne” o paksa ng malalaswang tsismis, mas madali para sa masa na tanggapin ang karahasan nang walang galit o konsensya. Ang sadyang pag-uugnay sa isang malisyosong naratibo nina Alyssa Alano at RJ Nichole Ledesma ay hindi lamang misoginistiko; ito ay isang kalkuladong hakbang upang ilihis ang usapin mula sa karumal-dumal na pagpaslang patungo sa paninira ng karakter. Ang mga taong nag-e-edit at nagpapasahan ng mga mukha ng nasawi ay hindi lamang naghahanap ng “content” sila ay nagpapakabusog sa sakit ng iba para pagtakpan ang kawalan ng hustisya.
Aktibismo, Hindi NPA
Ang pinakamalaking “butas” sa naratibo ng estado ay ang pilit na pag-equate ng aktibismo sa terorismo. Si Alyssa Alano ay isang UP Diliman USC Councilor at Political Science major. Si Maureen Keil Santuyo ay isang estudyante ng UPOU. Sa ating unibersidad, ang pag-aaral ay hindi nagtatapos sa apat na sulok ng silid-aralan. Ang social investigation at community immersion ay bahagi ng ating akademikong laboratoryo.
Ang pagpunta nila sa Negros upang unawain ang kalagayan ng mga sakada (sugar workers) ay hindi pagsasanay para maging rebelde; ito ay ang pagsasabuhay ng ating mandato bilang mga iskolar ng bayan. Ang pagdadala ng notebook, recorder, at pakikinig sa hinaing ng mga magsasaka ay ang kanilang “field research.” Kung ituturing nating terorismo ang pag-alam sa hirap ng masa, tinatapyas na rin natin ang kalayaan ng bawat unibersidad na magluwal ng mga lider na may malasakit. Ang aktibismo ay buhay na demokrasya; ang red-tagging ay ang pagpatay sa kaisipang kritikal.
Ang Mitolohiya ng “M16” at ang Katotohanan ng Overkill
Upang bigyang-matwid ang operasyon, laging nagpapakita ang militar ng mga “narekober” na baril at camouflage gear. Ngunit suriin natin ang lohika: paanong ang mga estudyanteng ang bawat galaw sa loob ng campus ay dokumentado ay biglang magiging bihasang guerrilla sa loob lamang ng ilang buwan? Ang presensya ng mga armas na ito ay hindi na bago dahil ito ay madalas na planted evidence, isang lumang script upang pagtakpan ang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) upang pagtakpan o manipulahin ang isipan ng mga mamamayan.
Ang kalagayan ng kanilang mga bangkay ay malinaw na ebidensya ng overkill. Ang pagtadtad ng bala sa isang katawan ay ginagawa upang sirain ang mukha at pagkakakilanlan ng biktima, isang paraan para burahin ang bakas ng posibleng torture bago ang pagpaslang. Si RJ Ledesma, bilang mamamahayag ng Altermidya, ay isang protektadong indibidwal sa ilalim ng Republic Act No. 9851. Ang pagpatay sa isang journalist at sa mga researchers na walang kakayahang lumaban ay hindi “encounter” ito ay malinaw na foul play at war crime.
Ang Ironya ng Pagmumulat at ang Paniningil ng Kasaysayan
Dito lumalabas ang masakit na ironya: Ang mga aktibistang ito ay namatay habang ipinaglalaban ang mga taong mismong bumabatikos sa kanila. Ipinaglalaban nila ang karapatan sa tamang pasahod, libreng edukasyon, at hustisyang panlipunan, mga bagay na tinatamasa rin ng mga taong nag-re-react ng “Haha” sa social media.
Sinasabi niyo na “sayang ang pag-aaral nila.” Ngunit mas sayang ang talino ng mga taong nagtapos nga at naging propesyonal, pero nanatiling tuta ng mga politikong ninanakawan sila ng kinabukasan. Ang tunay na “bobo” ay ang taong nakikita na ang kawalan ng katarungan pero pinili pang kampihan ang mga pumatay. Kung hindi sumisigaw ang mga estudyante, sino ang magbabantay sa kaban ng bayan? Ang mga aktibista ang nagsisilbing “preno” sa pang-aabuso; ang pagpatay sa kanila ay pagtatangkang patahimikin ang budhi ng bansa. Ang Toboso 19 ay hindi lamang estatistika. Ang dugo nina Alyssa, RJ, at Maureen ay hindi dumanak para sa sarili nilang kapakanan, kundi para sa isang bukas na ang mga katulad niyo ay hindi na kailangang maging alipin ng maling naratibo. Hindi kami titigil sa paniningil sa bawat ebidensyang itinanim niyo at bawat pambabastos na ginawa niyo.
Sila ay binhi. At sa bawat “iskolar ng bayan” na inyong pinapatay, sampu ang mamumulat at papalit sa kanilang hanay.
REFERENCES:
KARAPATAN: Drone video footage of Fabillar, killing of minors in Negros expose grave human rights and IHL violations – Karapatan April 28, 2026. (2026, April 28). Karapatan. https://www.karapatan.org/media_release/karapatan-drone-video-footage-of-fabillar-killing-of-minors-in-negros-expose-grave-human-rights-and-ihl-violations/
Office, D. I. (2026, April 23). Statement of the UP Diliman Committee on the Protection of Academic Freedom and Human Rights on the killing of University Student Council (USC) councilor Alyssa Alano in Negros – University of the Philippines Diliman. University of the Philippines Diliman. https://upd.edu.ph/statement-of-the-up-diliman-committee-on-the-protection-of-academic-freedom-and-human-rights-on-the-killing-of-university-student-council-usc-councilor-alyssa-alano-in-negros/
R.A. 9851. (2026). Lawphil.Net. https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2009/ra_9851_2009.html
Statement of the Commission on Human Rights on the armed clash in Negros Occidental – CHR Philippines –. (2016). Chr.Gov.Ph. https://chr.gov.ph/2026/statements/statement-of-the-commission-on-human-rights-on-the-armed-clash-in-negros-occidental/



Comments