top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Bata’y Dinggin, ‘Wag Red-tagin

  • May 12
  • 3 min read

Isinulat ni Precious Adrianne Sarsagat – Tinig ng Musmos



Hindi sila basta bata. Hindi lang sila estudyante. Sila ay mga lider. 


Sa Pilipinas, ang red-tagging ay patuloy na nagiging sandata laban sa boses ng mga lider-estudyante. May ilang mga mag-aaral na nagpapahayag lamang ang binabansagan at nauugnay na agad sa terorismo o rebeldeng grupo sa kabila ng kawalan ng sapat na patunay. May seryosong banta sa kaligtasan at kalayaan ng mga kabataan ang gawaing ito.


Isang malinaw na halimbawa ang kaso ng mga lider-estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Matapos makilahok sa mga kilos-protesta, nakaranas ang mga PUPian na sina Jacob Baluyot at Tiffany Brillante ng red-tagging at imbestigasyon. 


Walang pinipila ang red-tagging sa pag-uugnay sa mga indibidwal o organisasyon bilang mga komunista, terorista, o subersibo. Ang mga epekto nito ay sumasaklaw sa maraming antas, kapwa sa lipunan at sa indibidwal. Karamihan sa mga tinatarget ay mga pigura ng oposisyong pampulitika, mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatang pantao, mga tagapangalaga ng kalikasan, mga unyon ng manggagawa, o sinumang pumupuna sa pamahalaan (Luning, 2025).


Matapos sumali sa mga mapayapang kilos-protesta laban sa korapsyon at iba pang isyung panlipunan noong Setyembre 21, 2025, si Jacob Baluyot, isang lider-estudyante at manunulat mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), ay sinubpoena ng Philippine National Police at Criminal Investigation and Detection Group para sa imbestigasyon ng mga rally. Ayon sa mga ulat, hindi siya sangkot sa anumang marahas na aksyon, at ilan sa kanyang depensa ay nakabatay sa kanyang karapatang magpahayag at mamamahayag. Dagdag pa, ang kanyang pangalan ay naging bahagi ng usapan na tila iniuugnay siya sa mga banta laban sa seguridad, na nagdulot ng tensiyon hindi lamang sa kanya kundi pati na rin sa mga kapwa niyang aktibista at mag-aaral na nagtatanggol sa karapatang pantao.


Sa katulad na sitwasyon, si Tiffany Brillante, dating pangulo ng Sentral na Konseho ng Mag-Aaral ng PUP, ay kabilang sa mga estudyanteng pinadalhan ng subpoena matapos ang mga nasabing kilos-protesta. Sa halip na tugunan ang mga pinuna nila sa katiwalian at iba pang suliranin, ang usapan ay napunta sa legal na imbestigasyon—isang proseso na mariing tinuligsa ng mga organisasyon ng kabataan at mga grupo ng abogado bilang pananakot at pang-aabuso sa karapatan ng mga kabataan. Nagbukas ang mga pangyayaring ito ng mas malawak na usapan kung ligtas pa bang bumoses ang mga estudyante sa loob at labas ng unibersidad.


Ginagamit ng red-tagging ang kapangyarihan para takutin ang mga estudyante at kabataang lider. Nauugnay ang mga lider-estudyante sa terorismo o rebeldeng grupo kahit walang sapat na ebidensya, panganib ito sa kanilang reputasyon, kaligtasan, at kalayaan. Lumilikha ito ng takot sa posibleng harassment, imbestigasyon, kaso, o karahasan, na humahadlang sa kanila na ipagpatuloy ang kanilang paninindigan. Sa ganitong paraan, pinatatahimik ng red-tagging ang kabataan—hindi sa pamamagitan ng makabuluhang dayalogo at paggalang sa kanilang boses, kundi sa pamamagitan ng pananakot at pagsupil sa karapatang magpahayag.


‎Hindi kasalanan ang pagpapahayag ng saloobin, kundi paggamit ng karapatan—isang bagay na hindi dapat ipagkait kaninuman. Lalo na sa mga kabataang direktang naaapektuhan ng mga isyu ng lipunan. Sino ba ang makikinabang sa mga katiwaliang nangyayari ngayon? Hindi ba’t kaming mga kabataan? Karapatan naming bumoses, magpahayag, at kumilos para sa aming kinabukasan.


‎Ano nga ba ang kahalagahan ng mga kabataang namumuno? Sila ang nangunguna sa mga programa at pagpupulong, hindi lamang sa loob ng unibersidad kundi pati na rin sa komunidad. Sila ang nagsisilbing boses ng mga estudyanteng may suliranin at pangangailangan. May kakayahan silang umunawa ng isyu o suliraning higit pa sa kanilang sariling karanasan. Dito nasasaksihan ang talino at malasakit ng isang henerasyong naghahangad ng tunay na pagbabago sa lipunan.


‎Kaya naman, walang batayan upang insultuhin, patahimikin, o bansagan pa ang mga lider-estudyante sa tuwing sila ay nagsasalita. Kailan pa naging mali ang paghingi ng hustisya? Sa halip na pakinggan ang kanilang hinaing, madalas silang nauugnay sa terorismo—isang mapanganib na akusasyong walang sapat na katibayan.


‎Habang pilit na pinapatahimik ng lipunan ang kabataan at minamaliit ang kanilang kakayahan, lalong nawawala ang kawalan ng katarungan. Hindi kaaway ang kabataan. Ayon nga kay Dr. Jose Rizal “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Kung gayon, huwag nating isantabi ang boses ng kabataan. 


‎Ipinapakita ng kabataan ang pagbabago sa lipunan, at ginagamit ang kanilang paninindigan bilang sandigan. Sila ay lider—mga lider na may kakayahan mag malasakit, handang magsalita para sa kanilang karapatan at sa kapakanan ng nakararami. Ang kanilang paninindigan ay hindi banta; sagisag ito ng kabayanihan sa panig ng kabataan. Pagkitil na rin sa kinabukasan ng ating bansa ang pagkitil sa boses ng kabataan

Comments


bottom of page