top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Ang Pasko sa mga Mata ng Bata

  • May 12
  • 3 min read

Isinulat ni Precious Adrianne Sarsagat



Para sa mga bata, ang Pasko ay hindi lang petsa sa kalendaryo kundi isang masayang salusalo. Ito ang gabi na maraming pagkain sa mesa, sabay-sabay kakain ang pamilya at masayang kuwentuhan. Kaya nang marinig ko na sapat na raw ang ₱500 para sa Noche Buena ng isang pamilyang Pilipino, napaisip ako: kasya ba ito sa pangarap naming magkaroon ng masayang Pasko? Para sa akin, malinaw na hindi ito kasya. 


Hindi kami humihingi ng engrandeng handa, pero alam naming may hangganan din ang pagiging “simple” lalo na kung gutom ang sasalubong sa Pasko. May ilang malinaw na dahilan kung bakit hindi kasya ang ₱500 para sa Noche Buena. Una, hindi pare-pareho ang sitwasyon ng bawat pamilya; patuloy ang pagtaas ng mga bilihin at higit sa lahat ang pagkawala ng diwa ng Pasko. Ang diwa ng Pasko ay hindi dapat nasusukat sa halagang ₱500, lalo na para sa mga batang gusto lamang ng masayang samahan ngayong kapaskuhan.


Bilang mga bata, hindi kami laging nagsasalita, pero nakakaunawa kami. Nakikita namin kung paano magbilang ng barya ang aming mga magulang. Kung paano inuuna ang bigas kaysa sa handa, at kung paanong ang salitang “sa susunod na lang” ay nagiging sagot sa maraming hiling. Kaya kapag sinasabi naming “okay lang po kahit simple,” hindi iyon dahil sapat na ang ₱500, kundi dahil ayaw naming dumagdag sa bigat na pasan na nila.


Maraming bata ang natutong magpigil—hindi dahil gusto, dahil kailangan. Pinipili naming huwag humiling ng paboritong pagkain; huwag magtanong kung nasaan ang panghimagas; at huwag magreklamo sa handa sa mesa. Sa gabi ng Pasko, imbes na humiling ng dagdag, mas inuuna naming ngumiti. Ngunit hindi ba dapat sa Pasko, ang mga bata ang huling kailangang magpigil?


Dito nagiging masakit ang usapin ng ₱500 Noche Buena. Kapag sinasabing sapat ito, para bang inaasahan na kami ang mag-aadjust; kami ang iintindi; kami ang magtitiis. Oo, marunong kaming umunawa. Oo, kaya naming maging kontento. Pero ang tanong: dapat ba? Ang Pasko ay hindi dapat maging gabi ng pagtitiis para sa mga bata, kundi paalala na karapat-dapat din kaming makaranas ng sapat at masayang salusalo kasama ang pamilya.


Ano nga ba ang kahulugan ng Pasko para sa isang bata? Para sa isang bata, ang diwa ng Pasko ay dapat masaya at sapat — hindi dapat natitipid sa ₱500 ang handa sa mesa. Hindi pare-pareho ang sitwasyon ng bawat pamilya. May mga batang galing sa mayaman; may kayang pamilya; at ang iba naman ay nabibilang sa mahirap na pamilya. Para sa amin, ang Noche Buena ang pinakaespesyal na kainan sa buong taon. Ayon sa ulat ng UNICEF (2025), tinatayang nasa 2 milyon na batang Pilipino ang itinuturing na severely food poor, kumakain lamang ng dalawa o mas kaunting pangkat ng pagkain sa bawat araw. Kung ganito na ang kalagayan ng maraming bata, paano magiging masaya ang Pasko kung ang handa ay limitado sa limang daang piso lamang?


Tanong namin: “Ano po ang mabibili sa ₱500?” Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, batay sa datos ng Department of Agriculture (2025), ang kasalukuyang presyo ng bigas ay ₱40–₱45 kada kilo, isang kilo ng manok na ₱200+, at hamón na ₱350+ per kilo. Sa presyo ng bilihin ngayon, madaling mauubos ang ₱500 sa bigas at isang maliit na ulam pa lamang. Wala pa rito ang prutas, inumin, o panghimagas — mga simpleng bagay na bahagi ng masayang Noche Buena.


Kung ganito ang malinaw na ipinapakita ng mga numero at presyo ng bilihin, mahirap sabihing sapat ang ₱500 para sa isang masayang Noche Buena. Ang pagsasabing sapat ito ay hindi lamang kakulangan sa kalkulasyon ngunit kakulangan sa pakikinig. Hindi na ito usapin ng opinyon kundi ng reyalidad na nararanasan ng maraming pamilya. Kapag paulit-ulit tayong nakukontento sa limitadong suporta na ibinibigay ng pamahalaan, unti-unting nagiging normal ang kakulangan. Para sa mga bata, malinaw ang mensaheng gustong ipahiwatig kung bakit nasabing sapat ang ₱500 para sa Noche Buena: Matutong magtiis,mag-adjust, pagkasyahin ang kulang.


Ano po kaya ang pwedeng gawin?” Bago sabihing “sapat” ang ₱500, mahalagang tingnan muna ang kalagayan ng Pilipinas— ang presyo ng bilihin, sitwasyon ng bawat pamilya at karanasan ng bawat pamilya lalo na ng mga bata. Iba-iba tayo ng karanasan kaya kung sinasabing sapat ang ₱500 sa papel, sapat ba ito sa totoong buhay? Dapat suriin itong muli, maging realistiko tayo sa kung ano talaga ang aktuwal na presyo ng bilihin, lalo na tuwing Pasko. Maaari ding magbigay ng dagdag na tulong tuwing Pasko lalo na sa pamilyang may maliliit na bata. Ang simpleng dagdag-budget o food packs na sapat para sa Noche Buena ay malaking ginhawa na. Hindi ito luho kundi pagkilala sa pangangailangan, suliranin at hinaharap ng bawat pamilyang Pilipino at mga bata. Sa isang gabi na minsan lang sa isang taon, huwag ninyo kaming tipirin. Siguraduhing ang pondong para sa mga bata ay napupunta sa tama at hindi sa maling bulsa.


Comments


bottom of page