top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

PUP COED, lumahok sa walkout, EDSA 40

  • May 12
  • 2 min read

Isinulat ni Paula Jane Sarmiento



Nakiisa ang Kolehiyo ng Edukasyon (COED) sa isinagawang walkout na nagsimula sa Charlie Building ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas – Sta. Mesa (PUP) patungong EDSA Shrine kaninang 9:30 ng umaga.


Pinangunahan ito ng komunidad ng PUP at sinundan ng iba’t ibang programa at panawagan, kabilang ang giit na karapatan ng mamamayan sa edukasyon, pagdagdag ng badyet para sa mga pampublikong pamantasan, panagutin ang mga sangkot, huwag gawing negosyo ang pagseserbisyo, itigil ang korupsiyon, at iba pa.


Nakibahagi rin sa sama-samang pagkilos ang iba’t ibang pamantasan tulad ng University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila University (ADMU), De La Salle University (DLSU), University of Santo Tomas (UST), Far Eastern University (FEU), Technological University of the Philippines (TUP), Philippine Normal University (PNU), at University of the East (UE).


Nagsilbing tagapanguna sa hanay ng mga mag-aaral ng COED ang Pangulo ng Student Council ng naturang kolehiyo na si Permarie Lacava.


Nag-iwan din si Lacava ng isang mensahe-pasasalamat ukol sa pagtatalaga sa araw na ito bilang asynchronous.


“Nagbigay ito ng oportunidad upang mas marami pang dumalo sa mga estudyante ng aming kolehiyo… dala-dala rin namin bilang guro at laybraryan ng bayan ang mga aral na nakuha namin sa apat na sulok ng silid palabas sa lansangan kung saan kami ay mas lalo pang natuto at nahimok sa kung ano ang nangyayari sa ating lipunan,” ani Lacava.


Dagdag pa niya, maituturing na isang matagumpay ang araw na ito para sa lahat lalo na sa kolehiyo ng edukasyon dahil nagawa ng mga iskolar na maiparinig ang kanilang panawagan ukol sa kasalukuyang nararanasan, patunay na buhay ang diwa ng EDSA.


Kaugnay nito, matatandaang naglabas ng opisyal na pahayag kahapon ang PUP sa pamamagitan ng facebook page na nagsasaad na gawing asynchronous ang klase sa main campus.


Sa kabilang banda, isinagawa ang kilos-protesta bilang paggunita sa Rebolusyon ng EDSA noong 1986, na ngayong taon ay ika-40 anibersaryo ng naturang makasaysayang pangyayari, at bilang patuloy na panawagan para sa pananagutan, katarungan at tunay na pagbabago sa lipunan.

Comments


bottom of page