Politikal ang Bumili ng Pandesal
- May 11
- 2 min read
Isinulat ni: John Kenneth Dapitan

Nakakabili ako ng tinapay, twin pack na kape, at tinging asukal sa halagang 20 pesos…
Noon. Iba na ngayon.
Ang halagang sampung pisong pandesal ngayon ay hindi pa siguro aabot ng lalamunan. Mabibilaukan ka pa dahil wala nang pambili ng mainit na kape sa tindahan. Kung hindi ka pa nagtataka na tila walang napapala sa kabila ng puspusang paghahanap-buhay, baka panahon na para gumising ka.
May trabaho man o wala, salo ng bawat Pilipino ang kabilaang buwis sa mga serbisyo at bilihin. Dito nanggagaling ang mga pondong nagpapasahod sa mga kawani ng gobyerno, maging ang kanilang mga proyekto—ng mga paaralan, pampublikong hospital, at silid-aklatan—lalo na sa bawat bilihin. Sa bawat pandesal na nilulon mo sa loob ng mahabang panahon, alam mo ba kung saan napupunta ang mga buwis nito?
Ang Buwis ng mga Pilipino
Hindi lamang hinuhulma ang harina at itlog, at bigla na lamang lilitaw ang pandesal. Kinakailangan pang bayaran ni Mang Kanor ang nirerentahan niyang lupa, bayaran ang gas para sa kaniyang lumang oven, maging ang kinakailangan sa munisipyo upang itayo ang kaniyang panaderya. Lahat ng ito ay mayroong nakakabit na buwis—katulad pa ng maraming mga serbisyo sa buong bansa, macro o micro enterprise man.
Ang pagbabayad ng buwis ay hindi bagong konsepto, matagal na itong bitbit ng mga transaksyon sa mga industriya sa Pilipinas. Kung susumahin, kaya na siguro nitong patakbuhin ang mga malalaking plantang pang-agrikultura at magpaaral ng milyon-milyong mga estudyante. Pero ang katotohanan: 165,000 ang kulang na klasrum ayon sa tala ni Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara nitong Hulyo; naghihirap na mga seasonal farmers; at sunod-sunod na pag-aangkat ng mga produktong galing sa karatig na mga bansa.
At sa patuloy na paglobo ng utang ng Pilipinas na pumapalo na sa higit 16 trilyon, wika nga, isinilang na ang bawat Pilipino na magbayad ng utang—na hindi mo pinili, at lalong hindi mo naramdaman simula’t sapul kung saan napunta.
Lahat ay Politikal
Ang pandesal ay isa lamang sa mga pagkaing bumubuo sa kulturang Pilipino. Ito ang mga pinagsasaluhan ng ating lipi, mayaman man o mahirap. Subalit nanlalamig na ang mga ito sa papaunting mga taong may kakayanang bumili nito. Sa ekonomiyang halos piliing pagtiisan na lamang ang lumang bahaw at panis na mga ulam, dapat na malinang sa katotohanang paurong ang takbo ng Pilipinas. Buwis nga ang bubuhay sa ating bansa, pero ito rin ang papatay sa masa.
Sa susunod na bibili ka ng pandesal—o kahit mga gulay sa palengke—huwag ka na muna humingi ng tawad sa mga tindera. Singilin muna natin ang dapat managot at makibaka. Masakit ang katotohanan pero lahat ay politikal, kahit sa pagbili ng mainit na pandesal.



Comments