Dumating na ang Messiah
- May 17
- 3 min read

Handa ka ba kung darating na Siya?
Sa kwento ng Bibliya, muling bababa ang anak ng Diyos. Ang pinatay ng demokrasya, ng lipunang naniwalang kalapastanganan sa harap ng diyos ang suwayin ang kanilang mga gawi. Pero matapos ang dalawang siglo, dama kong nagbabalik siya—sila. Malakas ang kutob kong hindi siya nag-iisa, dahil para masalba ang kristyanong lipunang patuloy na pinipili ang magnanakaw at manlilinlang, hindi kakayanin ng isang katauhan lamang na isalba ang buong bansa.
Makikita mo sila sa mga pamantasan, minsan ay nagagawi sa kalsada. Kung dalawang siglo nakakaraan, tangan-tangan ang krus, bitbit naman ngayon ay mga plakard na sumusuway sa korapsyon at pang-aabuso sa maralita. Ngayong taong 2026 na tila panahon pa rin ng mga Romano, relihiyoso pa rin ang nakaupo sa mga trono ng pamahalaan. Matatalang isa ang Pilipinas sa dalawang Kristyanong bansang natitira na wala pa ring diborsyo. Maging sa usapin ng aborsyon at same sex marriage, mailap pa rin ang tingin sa mga naturang pangunahing karapatan.
Palaisipan kung matuturing pa bang paniniwala ang manghimasok sa buhay ng iba. Pagmamahal pa bang maituturing kung hindi pahihintulutang magmahalan ang madla? At kung ang isang pagmamahal ay nagdudulot na lamang ng hapdi kaysa saya, dapat ba nating pigilan ang isa na makawala sa tanikala? Tulad ng pinaniniwalaan kong messiah, nag-iingay sila sa lansangan upang puksain ang mga bagay na ito at tunay na makamit ang pagkapantay-pantay—mga aktibista.
Modern Messiahs
Kaakibat ng edukasyon ay ang mamulat sa kapintasan ng mga batas at paniniwala. Saksi ang mga pamantasang pinamumugaran ng iba't ibang buhay na yari sa mga karahasan, pang-aalipusta, at pagkibit-balikat. Imposibleng hindi mamulat sa puntong pumasok sa tila portal na ito sapagkat ang masa at mamamayan ang una nating naging guro, tagapayo, at tagapagmulat. Ang mga aktibistang pinaglalaban ang mga karapatan ng maralita ay kaisa ng lipunang umaasa ng swerte mula sa kalangitan.
Huwag magtaka sa tuwing maingay sila sa kalsada. Pigilang itaas ang kilay sa tuwing magmamartsa sila papunta sa entablado hawak ang mahahabang tela ng pagsinghal. Sikaping makinig sa tuwing nagbabahagi sila ng karunungan sa mga pasilyo ng paaralan. Dahil sa kanilang dedikasyon at katapatan sa bayan, naging malaki ang kanilang gampanin sa makamit ng ating mga karapatan tulad ng Free Education Act at mga karapatan ng manggagawa. Kahit tumingala ka sa taas at umasang maaambunan ng hustisya, hindi ito mangyayari dahil bago pa man makarating sa mga opisina, dumaraan muna 'yan sa kalsada.
Kaya kung tatanungin mo ako, ang tunay na magsasalba sa lipunan ay mga kagaya nila.
Ang Pagpapako sa Krus
Sa kabila ng mga layuning makabayan, ang kalatas ng pagiging aktibista ay dinesenyo ng karahasan at pang-uusig. Ang nakaraang pag-isyu ng subpoena sa mga lider-estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), Sta. Mesa tulad ni Jacob Baluyot at Tiffany Brillante ay ang makatotohanang katas ng pagtatanong sa mandato ng ating mga institusyon. Sapagkat ang pangil ng batas ay patuloy na kumakagat lamang sa mga kritikal at aktibo.
Mabigat na krus na pasanin ang piliing makiisa sa mga protesta at gamitin ang ating mga konstitusyunal na mga karapatan. Ibang bagay naman ang mapako rito. Sa loob ng maraming taon, matapos ang muling pagkamit ng Pilipinas ng demokrasya, nananalaytay sa ating dugo ang pagsuko sa pagkagapi. Patuloy nating tinatalikdan ang mga taong gigising sa moral ng lipunan, pinapatay at nilulunod sa sarili nitong dugo.
Aktibismo ay Pagmulat, Hindi Pang-iinsulto
Gayunpaman, hindi free pass ang pagiging edukado upang diktahan ang iba. Bigyan natin ng espasyo ang bawat musmos na pagnilayan ang tunay na himig ng pagbabago, na sa kritikal at malayang kaisipan sisilab ang kamalayan.
Lalo na sa paraang hindi sila nakikita bilang mababang uri.
Lalo na sa paraang nararamdaman nilang may puwang sila sa lipunan.
Lalo na sa paraang impormal na edukasyon man ang pinanggalingan ay mayroon pa ring patutunguhan.
Ang Dulo ng Kalbaryo
Makinig tayo sa kanilang mga kwento dahil gaano man kalakas ang kapangyarihan ay hindi tayo maliligtas. Subalit, darating ang panahong hindi na kailangan muling bumaba ng Diyos dahil nandito na ang mga messiah—mga gising at nang-uusig sa mapang-aping sistema. Tangan ang mabigat na krus, bigkis sa balikat ang makasalanang lipunan dahil paglabag sa sinumpaan ng bawat iskolar ng bayan ang magbulag-bulagan, magbingi-bingihan.
Isinulat ni John Kenneth Dapitan



Comments