top of page
Copy of TEMPLATE FOR SHIRT, ID, LANYARD (6).png

Aklatan ng mga Pangarap!

  • May 27
  • 3 min read

Sinasabing ang kabataan ang kinabukasan ng bayan, at ang pag-asang ito ay nag-uugat sa mga kaalamang naisasalin sa bawat henerasyon. May kakaibang mahika sa sandaling madampi ang mga daliri ng isang bata sa mga pahina ng isang aklat sa unang pagkakataon. Hindi lamang ito simpleng pagtukoy sa mga letrang nakalimbag, kundi ang tuluyang pagbukas ng pinto patungo sa isang mundong dati ay tila mithiin lamang. Ito ang mismong pusong nagpapintig sa proyektong SALIN-KAALAMAN, na kumakatawan sa "Sama-samang Aksyon sa Literasiya, Impormasyon, at Kaalaman (SALIKSIK), isang inisyatibong hindi lamang nagtayo ng silid-aklatan kundi naghasik din ng pangarap para sa mga paslit ng Barangay 599 sa Sta. Mesa.


Ang katagang SALIN-KAALAMAN ay higit pa sa isang malikhaing pamagat; isa itong pangako ng pagpapasa ng liwanag. Sa pangunguna ng PUP Library and Information Science Student Organization (LISSO) sa ilalim nina Dexy Claire Dacumos at Jenefa Ann Cuevas, katuwang ang Department of Library and Information Science ng PUP College of Education at ang Master in Library and Information Science Society, nabuo ang misyong ilapit ang karapatan sa literasiya sa mga batang sabik matuto.


Ang pagbuo ng isang kanlungan ng kaalaman ay nangailangan ng masinsinang paghahanda at matibay na pagtutulungan. Upang higit na pagyamanin ang inisyatibo ng departamento, pinangunahan ng PUP LISSO ang paglulunsad ng isang fundraising activity sa ilalim ng pamamahala nina Mia Cassandra Cristobal at Vicent Buido. Sa pamamagitan ng pag enganyo mamili ng mga t-shirt, bags, pins, at stickers, ang nalikom na halaga ay buong-pusong inilaan upang maging maaliwalas at kumpleto ang pasilidad. Bago pa man ang opisyal na pagbubukas ng community library extension noong ika-15 ng Mayo, walang humpay na nagbuhos ng oras at pawis ang mga boluntaryong mag-aaral. Isa-isa nilang kinatalog ang mga babasahin at maingat na inayos ang silid upang maging isang santuwaryo ng imahinasyon. Sa bawat aklat na inilalapag sa estante, naglalatag sila ng matibay na pundasyon para sa kinabukasan ng mga batang residente.


Ang pagputol ng laso ay hindi lamang natapos sa isang karaniwang seremonya sapagkat ito ay nagsilbing hudyat ng pagbubukas ng panibagong daigdig para sa mga kabataan. Tila nagising ang buong barangay sa isang masiglang pagdiriwang na lalong naging makulay nang magbahagi ng isang nakagaganyak na mensahe si Dr. Rhodora Julian. Gamit ang kaniyang mga salita, malambing niyang inanyayahan ang mga bata na malayang gamitin ang bagong tayong munting silid-aklatan, ang palaruan, at ang mga pahinang naghihintay na mabuklat upang patunayan na ang kaalaman at karunungan ay tuluyan nang inilapit sa kanilang mga palad.


Malayo sa tipikal na pormal na programa, umapaw ang tawanan at kislap sa mga mata ng mga musmos habang nanonood ng puppet show mula sa Manila City Library. Nagtampok ito ng mga pamilyar na kanta at karakter na umaliw sa mga manonood. Upang mas maging mainit ang pagtanggap, naghanda rin ang organisasyon ng mga palaro, premyo, at pamamahagi ng educational kits at school supplies na nagparamdam sa mga bata na sila ay mahalaga. Ang karanasang ito ay nagsilbing patunay na ang pag-aaral ay maaaring maging kasing-saya ng anumang laro.


"Ang mga aklat ay hindi ginawa para i-display lamang, kundi nagsisilbi itong bintana

tungo sa kaalaman."


Gaya ng binigyang-diin ni Bb. Vivian Lirio, hindi dapat maging palamuti lamang ang mga babasahin. Sa bawat pahinang binubuksan, isang bagong mundo ang bumubungad. Tiniyak ng proyektong ito na ang mga bintanang iyon ay laging bukas para sa sinuman. Nagtapos ang aktibidad sa isang pasasalamat mula kay Dr. Bernice Mangabat, na kumilala sa lahat ng mga indibidwal at grupong naging haligi ng inisyatibo, kabilang ang mga isponsor at ang buong departamento.


Ang tunay na tagumpay ng SALIN-KAALAMAN ay makikita sa patuloy na pag-usad nito. Hanggang sa kasalukuyan, walang sawang bumabalik ang mga boluntaryo ng PUP LISSO at PUP Library and Information Science students sa Barangay 599 upang ayusin at i-catalog ang mga bagong materyales. Sa ganitong paraan, napananatiling buhay at nakaeengganyo ang espasyo. Nakatutuwang makita ang pananabik ng mga batang pumasok sa library dahil sa wakas, mayroon na silang ligtas na lugar upang yakapin ang impormasyon.


Sa huli, ang proyekto ay nagsisilbing isang matamis na paalala na sa bawat pagbabahagi ng natutunan, tayo ay nagtatanim ng binhi. Hindi nasusukat sa laki ng pondo o gara ng pasilidad ang tagumpay ng isang adbokasiya, kundi sa dami ng mga batang nabigyan ng pagkakataong mangarap. Ang pinakamagandang pamanang maibibigay natin sa susunod na henerasyon ay ang imulat ang kanilang mga mata sa ganda ng mundo.


Isinulat nina Michelle Loreign Sacramento at Maria Jesusa Incion



Comments


bottom of page