top of page

BALITA | 2026 grads, pwedeng gumamit ng 'lived names'; Hirit na parental consent, kinuwestiyon ng OSR

Oct 1
3 min read

Pinayagan ang paggamit ng lived names ng mga graduating students sa 2026 Year-End Commencement Exercise ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) kasunod ng mobilisasyon at dayalogo ng mga estudyante noong Setyembre 12, na nanawagan din para sa pagtanggal ng graduation fees.


Gayunman, nananatiling usapin ang implementasyon nito matapos i-require ng administrasyon ang mga graduating students na kumuha ng consent mula sa kanilang mga magulang o guardian bago magamit ang kanilang lived names sa seremonya.


Ayon sa Office of the Student Regent (OSR), itinakda ng administrasyon ang parental consent requirement batay sa rekomendasyon ng University Legal Counsel Office (ULCO) sa Gender and Development and Social Inclusion Office (GEDSIO).


Sa isang pahayag noong Setyembre 20, sinabi ng OSR na nakasaad na sa petition letter na iniharap kay Vice President for Student Affairs and Services (VP-SAS) Tomas Testor noong Setyembre 12 ang iminungkahing mekanismo para sa paggamit ng lived names, kabilang ang consent form requirement.


Gayunman, iginiit ng Alyansa ng Nagkakaisang Konseho (ANAK) PUP at OSR ang pagtutol sa parental consent para sa paggamit ng lived names ng mga estudyante sa graduation ceremony.


Noong Setyembre 13, nagkaroon ng special meeting ang ANAK PUP kung saan napagdesisyunan umanong alisin ang parental consent requirement mula sa sensing forms na ipinamahagi ng Local Student Councils (LSCs).


Samantala, nagpatuloy ang koordinasyon ng mga LSC sa kanilang mga lokal na administrasyon habang hinihintay ang mas malinaw na gabay mula sa PUP hinggil sa implementasyon ng lived-name mechanism.


Ayon sa OSR, may mga naging concern din mula sa mga LSC hinggil sa pagpapatupad nito, kabilang ang pagkaantala sa pagsusumite ng lived-name information habang hinihintay ng mga estudyante at student leaders ang paglilinaw mula sa administrasyon.


Nabanggit din ng OSR na may mga pagtatangkang magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng student leaders at administrasyon hinggil sa isyu. Gayunman, sinabi nito na walang naging dayalogo sa pagitan ng OSR at Office of the Vice President for Student Affairs and Services (OVPSAS) mula Setyembre 16.


Ayon sa OSR, sinabing muli ni VP Testor noong Setyembre 20 na kinakailangan ang consent form para sa paggamit ng lived names sa graduation.


“Parental consent should not be made a prerequisite for a student to be recognized by their lived name,” pahayag ng OSR.


Binigyang-diin ng OSR na ang pagkilala sa lived names ay usapin ng pagkakakilanlan at dignidad ng mga estudyante, kaya nanawagan itong ipatupad nang hindi nakadepende sa pahintulot ng mga magulang o guardian.


Samantala, sinabi rin ng OSR na nauunawaan nito ang pangangailangan ng administrasyon na maipaalam sa mga pamilya ang paggamit ng lived names sa seremonya. Gayunman, iginiit nito na maaaring tugunan ito sa pamamagitan ng maayos na komunikasyon at notification sa halip na gawing requirement ang parental consent.


Bukod sa usapin ng parental consent, nanawagan din ang OSR para sa mga arrangement na magpapahintulot sa mga magulang at guardian na makasama ang mga graduating students sa entablado, kung maaari, upang maging bahagi sila ng seremonya.


Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na guidelines ang PUP na naglilinaw kung paano ipatutupad ang paggamit ng lived names sa 2026 Year-End Commencement Exercise, kabilang ang proseso ng pagsusumite at paggamit ng lived-name information ng mga graduating students.


Humingi ng pahayag at paglilinaw ang publikasyon mula sa administrasyon ng PUP hinggil sa naturang desisyon at sa proseso ng implementasyon nito, ngunit wala pang tugon hanggang sa oras ng paglalathala.


Arikulo ni Princess Abio


 
 
 

Comments


bottom of page